Nakakawil sa dagat


Buhay ng maliit na mangingisda sa tabing-dagat ng Bagac, Bataan

pw_bataan_fishermen
Mga mangingisda ng Bagac, Bataan: Buhay at kamatayan sa dagat (Soliman A. Santos)

PAYAPA ang dagat. Walang malalaking alon na sumasalpok sa buhanginan. Para sa mga turista at taal na taga-Bagac, lalo na ang mga bata, napakagandang pagkakataon ito para maligo sa dalampasigan. Masarap maglublob sa maligamgam na tubig dagat habang hindi pa mataas ang araw.

Masarap ding sumakay sa bangkang de motor para libutin ang ilan pang magagandang tanawin kabilang na ang mga kuweba at gilid ng bundok na sa ilang bahagi ng baybayin.

Pero hindi ito ang nasa isip ni Manolito Garcia. Para sa kanya, isa ito sa magagandang pagkakataon para mangawil ng bisugo.

Isa lamang si Manolito sa napakaraming mangangawil at mangingisda sa Brgy. Pag-asa, Bagac, Bataan. Mga mangingisda silang walang ibang inaasahan kundi ang biyaya ng dagat.

Ang kapayapaan ng laot ay nanganghulugan ng maraming huli para kay Manolito. Sa ganitong mga pagkakataon, maaga niyang ibinubunsod – katuwang ang ama – ang munti nilang bangka para pumalaot at mangawil. Mula pagkabata, ganito na ang nakasayan niyang gawain. Mangingisda rin kasi ang kanyang ama. Ngayong matanda na ang ama, si Manolito na ang nagmana ng kanyang hanapbuhay, kasama na sa pamana ang lumang bangka nito.

Karaniwang bisugo ang nahuhuli ng mag-ama sa laot. Pero kung sinusuwerte, minsa’y may naliligaw na lapu-lapu at iba pang malalaking isda na mas mahal ang presyo kung ibebenta sa palengke.

“Pero napakadalang ng pagkakataong ganoon. Bisugo talaga ang pangunahin naming nahuhuli,” kwento ni Manolito.

Pagpalaot

Baon ang dalawang litro ng gasolina, yelo para sa mahuhuling isda at kaunting pagkain, umaalis sila pagputok pa lamang ng araw at bumabalik lamang kapag may huli nang maibebenta. Gumagastos sila ng kulang-kulang P120 bawat paglaot.

Sa laot, iuumang nila ang dalang kawil at hihintaying kainin ng isda bago pandawin. Depende sa dami ng huli ang itinatagal nila sa laot.

Ang huli nilang bisugo ay ibinebenta naman sa halagang P60 kada kilo. Halos doble o triple naman nito ang presyo ng lapu-lapu. Ayon pa kay Manolito, karaniwang limang kilo ng bisugo ang kanilang naiuuwi. Ibig sabihin, kumikita sila ng di hihigit sa P200.00 sa isang araw na pangangawil.

“Kung maganda ang panahon at madawi, nakakahuli kami ng aabot sa sampung kilo ng bisugo,” ani Manolito. Sa mga ganitong pagkakataon, maaga silang nakakauwi. Medyo malaki na ang kanilang kikitain kapag ganoon.

May mga pagkakataon namang inaabot sila hanggang alas-kuwatro ng hapon sa pangangawil. Iyon ay kung madalang ang isdang kumikibit sa kawil. Ang masaklap, hindi pa umaabot sa limang kilo ang kanilang huli. Halos bawi lang ang gastos sa halos maghapong pagpalaot lugi pa sa pagod.

Nakakawil sa alon

Depende sa panahon ang pangangawil. Hindi maaaring isugal ang bangka at buhay kung maalon ang dagat lalo na kung tag-ulan. Kaya natutuwa ang mga mangingisda kapag ganitong tag-araw, kalmado ang dagat. Tamang-tama para mangawil.

Ito lang ang kabuhayan ni Manolito. Salat na salat para sa isang pamilya. Hindi sapat para makapag-aral ng anak. Mabuti na lamang at wala pa silang anak ng kanyang asawa na ngayon ay wala ring hanapbuhay.

“Ganyan dito, kung pang-araw-araw lang na kakainin, nakasasapat naman ang kinikita sa pangangawil. Pero kung dito pa kukuhanin ang iba pang gastusin tulad halimbawa ng pagpapagamot kung may biglaang nagkasakit, wala kaming nadudukot,” kuwento ng asawa ni Manolito.

Iba pang kabuhayan

May iba pa sanang kabuhayan ang mga taga-Pag-asa. Dahil malapit sila sa baybayin, puwede sanang magtayo ng kubo para paupahan sa mga turista kung tag-araw.

Malaking bagay din sana iyon para sa mag-asawa at iba pang naninirahan malapit sa dalampasigan. Ang kaso, ang baybayin dito ay inuupahan ng mayayaman at ginagawang resort. Wala namang magawa ang mga mangingisda dahil may permit ang mga iyan sa munisipyo.

Isa rin sa pinagkakakitaan ng mga taga-Bagac ang pagpapaupa sa mga bangkang de motor na nag-aalok ng pasyal sa mga turista. Ayon kay Manolito, sapat na rin ang kinikita ng mga bangkero kapag nakapagbiyahe sila sa loob ng isang araw. Pero wala namang pera si Manolito para ipuhunan sa isang bangkang pangturista.

“Kaya nga wala na talaga kaming maasahan kundi ang pangangawil,” ani Manolito.

Marami pang mga klase ng mangingisda sa paligid ng Bagac. May mga gumagamit ng lambat, depende rin ito sa laki ng butas ng lambat kung anong klase ng lamang dagat ang kanilang huhulihin. Iba ang lambat para sa pusit, iba rin para sa borador o flying fish.

Pero iba-iba man, isa lang ang kaibigang inaasahan ng mga mangingisda, dito sa Bagac o kahit saanman sa Pilipinas – ang dagat.