‘Itatayong muli ang plantang nukleyar na papatay sa iyo’

February 9, 2009

Bataan Nuclear Power Plant: Pasanin na, panganib pa, sa taumbayan (Arkibong Bayan)

Bataan Nuclear Power Plant: Pasanin na, panganib pa, sa taumbayan (Arkibong Bayan)

TAONG 1985. Isang taon matapos na maitayo ang Bataan Nuclear Power Plant, sinalubong ng katakut-takot na protesta ang planong pagbubukas nito. Nang taon ding iyon, isang taon na ang pagkakatatag ng Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan, kaya’t isa sa mga mayor na kampanya nila ang pagtutol sa naturang planta.

Kuwento ni Gert Libang ng Gabriela sa isang kumperensiya laban sa muling pagbubukas ng BNPP, lumalabas sa kanilang mga bahay ang mga mamamayan ng Gitnang Luzon para sumama sa protesta. Kasama ang lahat, lalake, babae, bata at matanda. No Nukes! ang sigaw ng bayan.

Pero makalipas ang 25 taon, hindi nila inakalang haharap ulit ang Gabriela sa parehong laban. Ipinapanukala kasi ngayon sa Kongreso ang pagbubukas ng naturang planta.

Ayon sa pangunahing awtor ng “Bataan Nuclear Power Plant Commissioning Act of 2008” na si Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, makakatulong ang muling pagbubukas ng planta sa suliranin ng nagbabagong klima at napipintong kakulangan sa enerhiya.

Mababawasan umano ang pagsandig ng bansa sa mga coal power plant na nagbubuga ng carbon dioxide.

Higit sa lahat, makakaakit rin ito ng mga dayuhang mamumuhunan dahil sa murang halaga ng enerhiya.

At kung ang tagapangulo ng House Committee on Energy ang tatanungin, mukhang malaki ang tsansa nitong makapasa sa Kamara.

Sabi kasi ni Pampanga Rep. Mikey Macapagal-Arroyo, ang tagapangulo ng komite, naniniwala siyang ito’y ligtas, maaasahan at mas mura.

Sinimulang itayo ang BNPP noong 1976 at natapos noong 1984. Ginastusan ito ng diktadurang Marcos ng $ 2.3 Bilyon na pinapasan pa rin ng mga mamamayan hanggang sa kasalukuyan. Hindi ito pinayagang makapag-opereyt sa panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino dahil sa mga protesta. Bukod dito, nakitaan ito ng 4,000 depekto sa disenyo at konstruksiyon.

Kung ang mga eksperto ang tatanungin, walang batayan ang binabanggit ni Rep. Arroyo.

Masyadong delikado

Unang-una, napakadelikado kung muling bubuksan ang planta. Ayon kay Dr. Kelvin Rodolfo, tanyag na geologist mula sa National Institute of Geological Sciences ng Unibersidad ng Pilipinas, masyadong “tectonically (at) volcanically active” ang Bataan at ang buong Pilipinas para tayuan ng plantang nukleyar gayundin para sa mga toxic waste nito.

Batay sa mga pag-aaral may mga naitala nang paggalaw sa ilalim ng lupa sa karagatan ng Subic, kung saan malapit ang planta. Idinagdag pa ni Rodolfo na nakapagtala na ng di bababa sa anim na lindol sa Mt. Natib, ang bundok na kinatatayuan ng BNPP.

Hindi rin umano ito matipid tulad ng sinasabi ng mga nagnanais na buksan ang planta dahil nangangailangan ito ng uranium, ang pangunahing kemikal na magpapatakbo sa planta. “Walang uranium sa Pilipinas kaya siguradong dedepende rin tayo sa mga dayuhan para makagamit nito,” paliwanag ni Rodolfo.

May hangganan din umano ang pagkukunan ng uranium kaya siguradong tataas ang presyo nito dahil sa kakulangan ng suplay.

Iba pang alternatibo

Ipinaliwanag pa ni Rodolfo na wala pang bansa sa mundo na nakalutas kung saan ilalagay ang nuclear waste. “Sa Pilipinas, ipinoproblema natin ang pagtapon sa mga ordinaryong basura, paano pa ang nuclear waste,” sabi niya.

Mahina rin umano ang argumentong kukulangin sa suplay ng enerhiya ang bansa pagsapit ng taong 2012.

Isa sa mga dahilan ni Cojuangco, makakapagsuplay ng 640 megawatts ng enerhiya ang planta at makatutulong sa tinatayang 3,000 megawatts na kinakailangan sa 2012.

Pero agad na sinagot ng mga siyentista na hindi kailangan ang BNPP para rito. “Marami tayong alternatibo at sapat na pagkukunan ng enerhiya para tugunan ang sinasabing kakulangan sa 2012 kahit pa hindi buksan ang NBPP,” ayon kay Dr. Giovanni Tapang, propesor sa Physics sa UP at tagapangulo ng Agham o Samahang Nagtataguyod ng Agham at Teknolohiya para sa Sambayanan.

Ani Tapang, higit sa sapat ang maaaring pagkunan ng enerhiya sa bansa tulad ng mga plantang pinagagana ng tubig, geothermal, hangin, araw at natural na gas.

“Ang problema ay ang pamamahala sa mga plantang ito. Walang balak ang gobyerno na pakialaman ito. Sa halip, naghihintay na lamang sila ng dayuhang mamumuhunan sa sektor ng enerhiya,” sabi ni Tapang.

Sa pagpapabaya sa enerhiya sa pribadong sektor, ang mga mamamayan ang nabibigatan sa pagbabayad ng kanilang kinokonsumo. Kung paaandarin ang BNPP, nuclear tax naman ang papasanin ng taumbayan.
Balon ng korupsiyon

Ang ipinangangamba pa ni Tapang, baka mapunta din lamang sa korupsiyon ang pondong gagamitin sa pagbubukas ng BNPP.

“Dahil may kasaysayan ng tinatayang 80 milyong dolyar na nakurakot si Marcos at mga kroni, hindi malayong maging balon din ng korupsiyon ang BNPP. Dapat nating tandaan na ang ang administrasyong Arroyo ay nasangkot sa Jose Pidal account, ZTE, IMPSA, Northrail at iba pang multi-milyong dolyar na proyekto,” ani Tapang.

Matatag ang loob ng mga kasapi ng No to Bataan Nuclear Plant Revival na haharangan ang anumang tangkang buksan ang naturang planta.

Para kay Roman Polintan, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabaya (Bayan) sa Gitnang Luzon at beterano ng pakikibaka laban sa NBPP, hindi dapat masayang ang ipinaglaban ng mga mamamayan noon.

“Sa ngayon ay nagsisikap kaming matipon muli ang mga tumutol noon sa BNPP para harangin ang pagtatangkang buksan muli ito,” aniya.

“Isa sa pinakasikat na islogan nila noong panahon ng laban sa BNPP ay ‘Gawa na ang plantang nukleyar na papatay sa iyo’,” kuwento ni Polintan. Hinalaw ang katagang ito mula sa isang pelikulang aksiyon. Pero nang maipatigil nila ang operasyon nito mahigit dalawang dekada na ang nakaraan, ano’t binabalak pang buhayin ng gobyerno?

Ayon kay Polintan, nagpaplano na sila ng mga pagkilos bilang protesta hinggil dito. “Bubuhayin namin ang lakas ng protesta noon. Hindi kami makapapayag na mabiktima ng mapaminsalang nukleyar ang ating bansa. Gaya ng motto namin noon, ‘Better active today than radioactive tomorrow’,” aniya pa.

Para naman kay Libang, walang nagbago sa dahilan ng pagtutol.

“Kung noon ay ‘No to Bataan Nuclear Power Plant,’ ngayon ay ‘No to Bataan Nuclear Power Plant Revival.’ Isang salita lang ang nadagdag kaya tuluy-tuloy ang laban,” sabi ni Libang.