Istorya ng Linggo

Sanhi’t lunas sa katiwalian


Hitik na sa kultura ng korupsiyon ang bansa. Mula sa pinakamababang empleyado ng gobyerno hanggang sa pinaka-itaas, matatagpuan ito. Kaya naman kadalasa’y tinatanggap na “normal” na lamang ito. Pero hindi pa huli ang lahat.

HINDI na nga marahil kalabisan na sabihing talamak ang katiwalian sa pamahalaan. Sa mga pag-aaral, lumalabas na ang pamahalaang Arroyo ang pinakatiwali sa Silangang Asya at isa sa pinakatiwali sa buong mundo. Kabi-kabila ang pagsisiwalat ng iba’t ibang indibiduwal at puwersa ng oposisyon ng mga kaso ng katiwalian ng pamahalaan. Laman din ng balita sa telebisyon, radyo at mga pahayagan ang mga pagbubunyag na ito.

Kaya hindi nakapagtataka na kung saan mang dako o sulok mayroong Pilipino, mayroong huntahan hinggil sa katiwalian sa pamahalaan. Andiyan nang pinag-uusapan ang fertilizer scam sa sabungan; Cyber Education Project bago, habang at pagkatapos ng klase; North Rail Rehabilitation Project sa inuman ng mga negosyante; ang National Broadband Deal sa lingguhang tipunan ng mga migrante sa Hong Kong.

Sa National Study Conference on Corruptionary: An Innovative Cultural Tool for Good Governance na ginanap noon lamang Disyembre 2008, inugat ang sanhi ng katiwalian, sinuri ang sistema kung saan ito namumugad, at ang mungkahing mga programa na maaaring magwakas sa kalakarang ito.

Proyekto ng Center for People’s Empowerment in Governance (CenPeg), sa pakikipagtulungan sa National Commmission for Culture and the Arts, tagumpay itong nailunsad at nakapagbalangkas ng mga hakbang para malutas ang problema ng katiwalian sa bansa. Kabilang sa mga tagapagsalita si dating Bise Presidente Teofisto Guingona Jr., sina Prop. Alice Guillermo at Prop. Roland Tolentino, si Jun Lozada at marami pang iba mula sa iba’t ibang makabayang mga organisasyon, mga grupo at miyembro ng simbahang Katoliko.

‘Kultura ng katiwalian’

Tila bahagi na ng panlipunang kalakaran ang katiwalian.

Ayon kay Temario Rivera ng CenPeg, ang katiwalian sa bansa ay isa nang suliranin na maiuugat sa mismong sistema at istruktura ng pamahalaan at “mauunawaan lamang at matutugunan kung titingnan sa konteksto ng panlipunan, pang-ekonomiko at pulitikal na mga kalakaran at institusyon na nagsusustina nito.” Ibig sabihin, sa mismong uri ng panlipunang kaayusan – noon at hanggang ngayon – namumugad at umaalagwa ang katiwalian.

Itinukoy naman ni Prop. Guillermo ang kalakarang ito bilang “burukrata kapitalismo” o ang “paggamit ng katayuan sa pamahalaan para sa ilegal na pagkamal ng salapi at masiguro ang pananatili sa kapangyarihan.” Aniya, itinuturing na pagpapatakbo ng isang korporasyon ang pagpapalakad sa pamahalaan na ang pangunahing layunin ay ang “personal na ganansiya.”

Ang mas nakapangngangalit umano ay habang walang patumangga sa paggastos ang pamahalaan at “pangungulimbat” ang mga opisyal nito, wala namang inilalaan para sa batayang mga pangangailangan ng mga mamamayan tulad ng pagkain, damit at tahanan at mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at kalusugan.

Pinakatiwali sa lahat ng tiwali?

Sa pag-aaral ng kilalang mga institusyon, lumalabas na malala ang rekord ng administrasyon ng pangulo sa katiwalian. Ayon sa United Nations Development Program o UNDP noong 2004, umabot sa P100 Bilyon mula sa pambansang badyet para sa unang taon ng pangulo sa puwesto ang nauwi sa bulsa ng matataas na opisyal ng pamahalaan. Batay naman sa pag-aaral ng Tranparency International na nakabase sa London, Great Britain, isa ang Pilipinas sa may pinakatiwaling pamahalaan sa rehiyon ng Asya-Pasipiko samantalang ayon sa World Bank, ito ang may pinakatiwali sa Silangang Asya.

Sa sarbey ng Pulse Asia noong Disyembre 2008, lumabas na si Pang. Arroyo ang pinakatiwali sa naging mga pangulo ng bansa. Binanggit ni Prop. Tolentino na mas masahol pa si Arroyo kay Marcos at Joseph Estrada na pawang napatalsik dahil sa popular na pag-aalsa ng mamamayan na may kaugnayan sa mga kaso ng katiwalian.

Gayundin, mismong ang Office of the Ombudsman ay nagsasabing halos P200-B ang nawawala sa kaban ng bayan taun-taon dahil sa katiwalian.

Laman ng mga reklamong impeachment laban sa pangulo ang mga kaso ng katiwalian na direkta umano siyang sangkot. Nakahanay sa kategoryang graft and corruption at betrayal of public trust, ilan sa mga kaso ng katiwalian na nakasaad sa mga reklamong impeachment ang maanomalyang mga transaksiyon ng pamahalaan sa kompanyang Tsino na Zhong Xing Telecommunications Equipment Corporation (ZTE Corp.) gaya ng National Broadband Network deal (NBN) at Mt. Diwalwal Project. May malaki umanong kickback mula sa overpricing ang napasakamay ng Unang Pamilya at iba pang malalapit na mga opisyal sa pangulo dahil sa mga proyektong ito. Para sa NBN deal, $130 Milyon umano ang pinaghatian ng Unang Ginoo, dating tagapangulo ng Commision on Elections na si Benjamin Abalos at iba pang kaalyado ng pangulo. Samantala, ang $1-B naman mula sa mining deal sa Diwalwal ay ibibigay umano sa iba pang kaalyado ng pangulo na di naambuan ng pera mula sa naunang nabanggit na proyekto.