Opensa ang depensa ng tinutugis na aktibista

November 24, 2008

Orly Marcellana ng Kasama-TK (Arkibong Bayan)

Orly Marcellana ng Kasama-TK (Arkibong Bayan)

ILANG segundo pa lamang ng pagkakaakyat sa entablado at pagsasalita sa mikropono, tumulo na ang mga luha ni Dana Marcellana, anak ng pinaslang na tagapagtanggol ng karapatang pantao na si Eden Marcellana at ng kasalukuyang tinutugis ng gobyernong Arroyo na si Orly Marcellana.

“Pinatay na nga nila ang nanay ko, gusto pa nilang kunin ang tatay ko,” sabi ni Dana.

Kilalang lider sa Timog Katagalugan si Orly, na hawak ang susing mga posisyon sa iba’t ibang progresibong samahan. Tagapangulo siya ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Southern Tagalog, pangkalahatang kalihim ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan, at regional coordinator ng Anakpawis Party-list.

“Mabuting tao ang tatay ko, hindi po niya magagawa ang mga ibinibintang sa kanya,” dagdag pa ni Dana.

Kuwento naman ni Ada Zapanta, anak ni Crispin Zapanta, “ngayon ko lang nakita kung gaano ka-importante ang pakikipaglaban para sa mga manggagawa at maralitang lungsod.”

Hindi rin niya mapigilang mapaluha nang sabihing noong bata pa siya, naiinis siya sa kanyang amang aktibista na nagkukulang ang oras para sa kanilang pamilya. Pero ngayon, naiintindihan na umano niya—at nagagalit kung bakit ang isang “napakabuting tao” ay ipipiit na lamang ng basta-basta.

Si Crispin, tagapangulo ng Bayan Muna – Antipolo City, ay kabilang sa anim na lider-aktibista sa Timog Katagalugan na dinakip simula Oktubre at ikinulong sa Calapan Provincial Jail.

Dalawa lamang sina Orly at Crispin sa 72 na sinampahan ng umano’y “depektibo” at “gawa-gawang” kaso ng murder at multiple frustrated murder kaugnay ng pananambang ng mga rebeldeng New People’s Army sa Mindoro Oriental noong 2006.

Ito umano ang panibagong taktika ng panunupil ng gobyernong Arroyo sa mga kritiko nito.

Noong Nobyembre 22, inilunsad sa College of Education, University of the Philippines-Diliman ang Defend ST, isang task force para depensahan ang mga biktima ng pampulitikang persekusyon sa rehiyon.

‘Desperasyon’ ng gobyerno

Suportado ang mga aktibista ng Timog Katagalugan maging ni dating bise-presidente Teofisto Guingona, na nagdiin ng pananagutan ni Pangulong Arroyo sa patuloy na mga paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan.

“Umiiral pa rin ang Batas Militar, noon at ngayon. Ganoon din ang gawa, iba lang ang postura,” aniya. At gaya umano noong Batas Militar, “We must not only defend, we must also attack!

Tinutukoy ni Guingona ang patuloy na pagpapaigting ng oposisyon sa mga anti-mamamayang polisiya ng gobyernong Arroyo gaya ng Charter change at sa mga anomalyang kinasasangkutan gaya ng Fertilizer Fund Scam.

Ayon naman kay Pastor Berlin Guerrero ng United Churches of Christ in the Philippines, dating detenidong pulitikal, “gustong ulitin” ng gobyerno ang kanyang karanasan sa marami pa niyang mga kasamahan sa rehiyon.

Dinakip ng mga ahente ng Estado noong Mayo 2007 matapos magbigay ng misa sa Bi?an, Laguna, tinortyur si Guerrero bago sampahan ng murder at inciting to sedition. Binasura ng korte ang kaso at pinalaya siya nitong Setyembre, matapos ang mahigit isang taong pagkakakulong.

“Iniisip siguro ng gobyerno na hihina ang mga organisasyon kapag napiit ang mga lider nito. Pero ang takot at pangamba ay papalitan lamang ng tapang. Ang isang hakbang ng paniniil at pagsupil ay tatapatan ng higit na paglaban ng mamamayan,” ani Guerrero, tagapagsalita ng Defend ST.

Sinabi naman ni Dr. Carol Araullo, tagapangulo ng Bayan, ang panibagong bugso ng panunupil ay hindi tanda ng kalakasan ng gobyernong Arroyo, kundi ng “kahinaan” at “desperasyon” nito.

“Sa tindi ng pampulitika at pang-ekonomiyang krisis dito sa Pilipinas at sa buong daigdig, ginagamit nila ang dahas para maipagpatuloy ang maling mga patakaran ng gobyerno at imperyalistang US,” aniya.

Binanggit niyang lalong lalala ang kahirapan at kawalang trabaho dahil sa pandaigdigang krisis pampinansiya.

“Pero malapad ang hanay ng mga bagong dugo. Tunay na mahusay ang kondisyon para isulong ang pakikibaka ng mga mamamayan para sa kagyat na mga reporma na magbibigay ng kagyat na alwan sa buhay at para sa mas batayan pang mga reporma,” aniya.