Buto at ilan pang palatandaan ng malagim na kaganapan sa Limay

October 19, 2008

Si Raymond Manalo (kaliwa) sa harap ng tinakpang hukay na posibleng pinaglibingan kay Manuel Merino. (Raymund Villanueva)

Si Raymond Manalo (kaliwa) sa harap ng tinakpang hukay na posibleng pinaglibingan kay Manuel Merino. (Raymund Villanueva)

Naghihintay sa dalang pananghalian ng kanyang tatay sa kanilang paaralan sa Subic, Zambales si Shara Hizarsa noong Marso 22, 2007. Pagdating nito magsasalo silang mag-ama sa pagkaing araw-araw niluluto at inihahatid ni Abner. Ito na ang kanilang regular na gawain simula noong tumigil ang kanyang ama sa pagiging kasapi ng kilusang lihim dahil sa sakit.

Pero walang Tatay Abner na dumating para sa pananghalian ng bata noong araw na iyon.

Labingsiyam na buwan na ang nakalipas, wala pa ring tatay na naghahatid ng pananghalian kay Shara.

Noong nakaraang Lunes, Oktubre 13, ginunita ni Shara ang kanyang ika-labindalawang kaarawan. Noong araw na iyon, hindi niya kasama kahit ang kanyang nanay na si Criz. Sumama si Nanay Cris sa mga kamag-anak ng mga dinukot at nawawala sa ilalim ng gobyernong Arroyo sa isang fact-finding mission sa Barangay Bliss, Limay, Bataan.

Kampo ng kalupitan

Sa araw na iyon 50 kasapi ng Karapatan at Desaperacidos, kamag-anak ng mga biktima, kagawad ng Commission on Human Rights (CHR) and mga anthropologist ng Unibersidad ng Pilipinas (sa pangunguna ni Dr Francisco Datar) ay nagsadya sa isang abandonadong kampo ng militar malapit sa makasaysayang monumento ng Bundok Samat.

Naghukay sila ng maraming beses sa pag-asang makakakita sila ng labi ng mga pinatay ng Philippine Army. Pinangunahan sila ni Raymond Manalo, isa sa dalawang magkapatid na nakatakas sa mga kagawad ng 24th Infantry Battalion ng 7th Infantry Division ng Philippine Army. Ayon kay Raymond, dinala sila ng mga sundalo sa naturang kampo noong ika-21 o 22 ng Nubyembre 2006.

Matapos ang isang lingo, nakita nila ang nawawalang mag-aaral ng UP na si Karen Empeño at ang magsasakang si Manuel Merino. Matapos pa ang isang linggo, nakita naman nilang dinala sa kampo si Sherlyn Cadapan, isa pang dinukot na estudyante ng UP. Marami pang ibang biktima ang dinala sa kampo na kung hindi man pinahirapan ay patay na ng dumating.

Pinilit sina Raymond na magtayo ng mga kubo, magluto, maglinis, mag-igib at maglaba para sa mga sundalo sa pangunguna ng isang Major Donald “alyas Allan” Caigas. Nakita rin niya kung paano ibitin ng patiwarik ang mga estudyante sa tig-isang paa lamang samantalang sinasaksak ng kahoy ang maseselang bahagi ng kanilang katawan.

Tuwing pansamantalang matatapos ang pagpapahirap, inutusan si Raymond na linisin ang dugo at dumi ng mga biktima at labhan ang kanilang duguang mga damit. Ayon kay Raymond, maraming beses siyang natutulog na umaalingawngaw ang mga hiyaw at pagmamakaawa ng mga babae sa kanyang tenga.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Raymond na makailang beses silang dinala ng kanyang kapatid na si Reynaldo at Merino ng mga sundalo sa pangangalabaw at pagpatay ng mga magsasaka sa mga kapaligid na barangay. Layon ng mga operasyon na maibintang sa New People’s Army ang mga pagnanakaw at pandarambong at upang magalit ang taumbayan sa mga rebelde. “’Operasyon Lubog’ ang tawag nila rito,” ayon kay Raymond.

Isang madilim na gabi noong Hunyo 2007 kinuha si Merino ng mga sundalo mula sa kanilang selda. Sinabi sa matanda na kakausapin daw siya ni Major General Jovito S Palparan (ngayo’y retirado). Makalipas ang ilang minuto nakita ni Raymond na dinadala ang nakaposas na si Merino sa isang madawag na lugar 50 metro ang layo mula sa bakod ng kampo. Mula sa kanyang kinatatayuan narinig ni Raymond ang isang pagulat na hiyaw, na sinundan ng dalawang putok ng baril.

“Siguro hindi nadale sa saksak, kaya binaril,” ani Raymond. Pagkatapos ay nakita ni Raymond na may sinusunog sa lugar ng ilang oras. Kinaumagahan sinabihan si Raymond na huwag nang hanapin ang matanda dahil pinagsama-sama na silang tatlo nina Cadapan at Empeno. “Pinatay si ‘Tay Manuel dahil sabi ng militar matanda na siya,” ani Raymond.

Sa sumunod na buwan ng Hulyo ang magkapatid ay dinala sa Bolinao, Pangasinan para higit pang alipinin sa bukid na pag-aari ni Caigas. Dito sila nakatakas sa gabi ng Agosto 12.

‘Malinaw at kapani-paniwalang testimonya’

Nagpapalit-palit ang matataas na opisyal at gubyerno sa pagpapasinungaling sa salaysay ni Raymond. Sinabi nilang walang kampo ng militar sa Barangay Bliss, Limay, Bataan. Ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro at dating Armed Forces Chief of Staff Hermogenes Esperon Jr. na “walang basehan” ang testimonya ni Raymond.

Sinabi ni Lt. Gen. Isagani Cachuela, kumander ng Northern Luzon Command ng Army na wala siyang nalalaman sa kampo ng military sa Brgy. Bliss. Ito rin ang pahayag ni Maj. Gen Ralph Villanueva, kumander ng 7th ID na siyang mga hurisdiksiyon sa 24th IB. Noong nakaraang Setyembre 20 sinabi ng tagapagsalita ng Army na si Lt Col Romeo Brawner na walang Cadapan, Empeño at Merino ang natagpuan sa anumang kampo ng militar kung saan sila pinaniniwalaang dinala.

Pero nagkakaisa ang mga residente ng Barangay Bliss na dating may kampo nga ng militar sa kanilang lugar. Mismong ang dating bise gobernador ng Bataan na si Rogelio Roque pa ang nagkumpirma sa dating kampo dahil pagmamay-ari niya ang loteng katabi ng kampo.

Nakumbinsi naman ang Court of Appeals (CA) at Korte Suprema na sa kabila ng paulit-ulit na pagtanggi ng militar ay “makatotohanan,” “kahindik-hindik” at “malinaw” ang testimonya ni Raymond.

Noong Oktubre 6 sinangayunan ng Korte ang desisyon ng CA na bigyan ng pribilehiyo ng writ of amparo ang magkapatid na Manalo bilang proteksiyon laban sa mga puwersa ng Estado. Sinang-ayunan din ng Korte ang maaaring pagkakasala ni Palparan sa pagdukot sa magkapatid, gayundin kina Cadapan, Empeno, Merino at iba pa. Ibinasura rin ng Korte ang isinagawang imbestigasyon ng 7th ID na “napakalimitado, minadali at maka-isang panig.”

Sinabi naman ng tagapangulo ng CHR na si Atty. Leila de Lima na “Ang magkapatid na Manalo ang siyang mayroong pinaka-signipikanteng testimonya sa mga pagpatay at pagdukot.”

‘Patutunayan ko sa kanila na tama ako’

Isang linggo matapos ang pagbibigay ng pribilehiyo ng writ of amparo pinangunahan ni Raymond ang fact-finding mission sa kampo ng military sa Barangay Bliss. Bago pa sumikat ang araw naituro na ni Raymond sa mga taga-Karapatan ang eksaktong lugar kung saan dating nakatirik ang mga kubo ng mga sundalo at kung saan maaring ibinaon ang mga biktima.

Ang iba naman ay nagsipagtayo ng mga toldang tutulugan ng mga kasapi ng misyon. Kitang-kitang pinagsumikapang itago ang lahat ng bakas ng kampo. Ang mga semento ay binakbak at itinapon sa kawayanan isang daang metro ang layo sa sentro ng dating kampo. Wala nang hukay ang mga banyo at hinugot na rin ang mga tubo ng tubig. Subalit, sa gitna ng mga ligaw na bulaklak at sa ilalim ng nagtatayugang puno ng mangga, malinaw na naituro ng saksi ang lahat ng istraktura ng kampo.

“Hindi ko aakalaing babalik pa ako rito. Takot ako, nanginginig, giniginaw. Noong una kaming dinala rito, akala namin ay isa-salvage na kami,” ani Raymond.

Pagdating ng mga taga-CHR ng alas-10 ng umaga, handa na ang Karapatan na maghukay at magdokumento ng anumang matatagpuan sa lugar.

Pagkapananghali, dumating si de Lima mula sa Maynila. Naglibot ito sa kampo, gayundin sa mga inakalang hukay ng mga pinatay na biktima. Nag-utos din siya sa mga kawani ng ahensiya na maghanap ng mga dagdag na tagahukay dahil sa nakitang hirap ng mga taga-Karapatan. Mabato at matigas ang lupa lagpas ng isang piye’t kalahati.