Pagbangon at paglaban ni Hazel

June 27, 2008

Walang malay na halos si Hazel nang isakay siya ni Sgt. Ronald Edward Hopstock Jr. sa isang taksi sa labas ng Hotel New Century sa Okinawa, Japan gabi noong Pebrero 18. Sumibat agad ang sundalong Kano, at naiwan sa taksi si Hazel. Di pa nakalalayo ang taksi nang bumalik ito sa harap ng hotel. Natakot ang Hapon na drayber dahil sa grabeng pagdurugo ni Hazel.

Ibinaba ng drayber ang kanyang Pinay na pasahero sa hotel. Dito nadatnan ng mga empleyado ng hotel si Hazel, at agad na itinakbo sa nalalapit na hospital. Namuntikan si Hazel.

Ginahasa diumano si Hazel ni Sgt. Ronald Edward Hopstock Jr. ng 1st Battalion, 1st Air Defense Artillery Regiment ng US Army, sa isang kuwarto sa Hotel New Century. Sa tindi ng panggagahasa kung kaya matinding dinugo si Hazel.

Mapagtiwala

Ito ang ikinuwento ng 22-anyos na si Hazel sa kambal na kapatid na si Lala, nang magkausap ang dalawa sa telepono matapos ang nangyari. Tatlong araw pa lang noon sa Okinawa si Hazel, na, tulad ng napakaraming Pinay na sa unang pagkakatao’y nakipagsapalaran sa dayuhang bansang ito, salat sa karanasan at likas na mapagtiwala.

Sa kabuuan ng Okinawa, nagkalat ang tropang Kano na nakabase sa lugar. Nagkalat din ang mga entertainment bar at bahay- aliwan para sa mga tropang ito. Isa na rito ang Mermaid, bar na matatagpuan sa Park Avenue, Okinawa, kung saan dinala ng mga rekruter si Hazel pagdating na pagdating niya mula sa Maynila noong Pebrero 15.

Biktima diumano ng sex trafficking, o puwersahang pangangalakal ng seks, si Hazel. Kasama ang kababatang tiyahin, nag- aplay siya sa Japan habang nagtatrabaho sa Maynila. Entertainer ang inaplayan niya – ito ang nakasaad sa kanyang visa, ito rin ang ipinangako sa kanya ng mga rekruter.

Ngunit sa panayam kay Hazel ng pahayagang Stars & Stripes noong Hunyo 20, 2008, napag-alamang pinuwersa siyang ikalakal ang sarili sa mga sundalong Kanong namamalagi sa Mermaid. Katunayan, pagdating na pagdating niya sa Okinawa, idiniretso ng rekruter si Hazel sa naturang bar, pinagbihis nang seksi, at inutusang makihalubilo sa mga Kano. Hawak ng employer ang kanyang pasaporte at wala siyang kapera-pera.

“Naguluhan ako,” kuwento niya sa Stars & Stripes. “Sabi sa kontrata ko, hindi ako puwedeng mang-aliw ng mga kostumer. Nagsimula akong magtaka kung bakit nang-aaliw ako ng mga kostumer sa halip na sumasayaw.”

Nagtrahabo umano siya hanggang alas-tres ng umaga. Pagkatapos dinala siya sa isang bahay sa Awase, Okinawa. Kinabukasan, ganoon pa rin ang kalakaran. Sa pangatlong araw, pinagsayaw na siya. Pagkatapos, niyaya siya ng mga kapwa entertainer na lumabas kasama ang limang sundalong Kano.

Pumunta sa videoke bar ang grupo. Pagkatapos tumungo sila sa Hotel New Century kung saan nag-check-in ang grupo. Pero pilit nilang ibinukod si Hazel at ang sundalong Kano na si Hopstock, na kumuha ng sariling kuwarto. Nagkuwentuhan ang dalawa, at humiga sa magkahiwalay na kama. Kalagitnaan ng gabi nang magising si Hazel habang pinupuwersa ni Hopstock ang sarili sa kanya.

Pinabayaan

Mahigit dalawang linggo si Hazel sa ospital. Nang iulat sa pulisya ang insidente, agad itong nag-imbestiga. Nanatili sa Kadena Air Base si Hopstock habang iniimbestigahan. Matapos iulat ng midya ang kaso, pinangasiwaan ng DFA (Department of Foreign Affairs) ang pagpunta sa Okinawa ng ama ni Hazel na si Rafael, noong Marso.

Ngunit, reklamo ni Rafael, isang beses lang niya nakita ang anak sa anim na araw niya sa Okinawa. Hindi pa raw niya maayos na nakausap dahil sa pag-iyak ni Hazel. Nakatira sa kumbento ng mga madre sa Okinawa kung kaya hindi basta-basta puwedeng puntahan ng ama.

Noong Mayo 19, idinismis ng Naha District Public Prosecutor’s Office sa Okinawa ang kaso. Balisa si Hazel. Ayon sa ina niyang si Melly, hindi na nila naringgan ng anumang tulong ang gobyerno matapos nito.

Sa tulong ng ilang mamamahayag na sumusubaybay sa kaso, nakipag-ugnayan si Melly sa Gabriela para sa muling pagpapatambol ng kaso ni Hazel. Gabriela ang nanguna sa kampanya para sa hustisya para kay Nicole, biktima ng pangagahasa ng sundalong Kano sa Subic, Zambales, dalawang taon na ang nakaraan.

Sumagot agad ang DFA, na nagsabing inaaral umano nila ang susunod na mga hakbang para makamit ang hustisya sa kaso ni Hazel. Ayon kay Usec. Esteban Conejos ng DFA, maaari pa ring itulak ang court martial sa US Army laban kay Hopstock. Maaari ring ipetisyon ang pag-imbestiga sa naging desisyon ng public prosecutor na hindi ituloy ang kaso.

Hanggang sa isinusulat ang artikulong ito, wala pang malinaw na hakbang ang DFA para umusad ang kaso ni Hazel.

“Hindi ko naman alam na ibabasura nila iyon,” sabi ni Melly. “Nahihiya pa kaming humingi ng tulong sa Gabriela.” Noong Hunyo 19, sa isang press conference, sinabi ni Melly na inisip na sana nilang iatras ang kaso. Pero madiin umano si Hazel. Determinado siyang ilaban ang kanyang karapatan. Handa siyang manatili sa Japan hangga’t makamit ang hustisya.

“Nasa likod mo kami, anak,” sabi ng ina, sa gitna ng mga hikbi.