FEATURED Karapatang Pantao

Pahimakas ni Rambo


Bakit pinapaslang ang kabataang tulad ni Rei Mon Guran?

Kahit napuyat sa salu-salo noong nakaraang gabi, pinilit pa ni Rei Mon Guran – kilala rin bilang “Rambo” o “Ambo” — na gumising nang maaga para makapasok sa eskuwela noong umaga ng Hulyo 31. Tatlong oras ang biyahe mula sa Bulan, Sorsogon patungong Legazpi City.  Kaya alas singko pa lamang, nagpahatid na si Rambo sa amang si Mang Arnel sa terminal ng bus.

Noong nakaraang gabi, lubos ang saya ni Rambo sa pagdiriwang ng 21-taong kaarawan. Ilang buwan matapos mapaslang ang kaibigan at kasamahan sa League of Filipino Students (LFS) na si Cris Hugo sa Legazpi, maraming kaibigan at kamag-anak ang nagpayo sa kanya na maghinay-hinay na muna sa aktibismo.

Ito mismo ang payo ni Mang Arnel sa anak. Bilang lider ng LFS sa Aquinas University sa Legazpi, may kutob si Mang Arnel na isa ang anak niya sa maaaring sumunod na target. Alam ng ama kung paano mag-isip ang militar, dahil minsan na siyang naging sundalo.

“Pero naging matigas si nonoy (tawag sa anak na lalaki sa Bikol). Sabi niya sa text: ‘Kung pagkamatay ko ang ikaliligaya ng mga kaaway, bahala na sila sa akin.’ Sabi ko sa kanya, ‘Huwag naman ganyan, anak.’ Marami ka pang magagawa,” kuwento ni Mang Arnel.

Maraming plano sa buhay si Rambo, at handang isakripisyo ni Mang Arnel ang lahat para matupad ang mga iyon. “Gusto kong maging abogado,” wika minsan ni Rambo sa ama.

Reimon "Ambo" o "Rambo" Guran
Reimon “Ambo” o “Rambo” Guran

“Sige, anak. Pagretiro ko, may makukuha akong pera. Puwede mong gamitin.”

“Pero,” pahabol ni Rambo, “huwag niyong asahang yayaman tayo, dahil walang human rights lawyer na umaangat ang kabuhayan.”

Sa ika-21-taong kaarawan ni Rambo, ibinalato ni Mang Arnel ang traysikel sa anak. “Gamitin mo na ito. Kung wala kang masyadong ginagawa, puwede kang mamasada dito sa atin. Dagdag sa allowance mo,” sabi ng ama.

Matalino at madiskarte si Rambo.  Nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños, Laguna, ngunit napilitang bumalik sa Bikol dahil nagkaproblema sa karelasyon. Pero kahit noong nasa UPLB, aktibista na siya. Mahilig din siyang magsulat. Katunayan, nang makialam ang administrasyon ng UPLB sa pagpapatakbo ng Perspective, publikasyon ng mga estudyante,  isa si Rambo sa mga nagtaguyod sa paglalabas ng alternatibong pahayagang Rebel Perspective.

Nang malipat sa Aquinas University sa Legazpi, ipinagpatuloy ni Rambo ang pagiging aktibo sa LFS. Kahit delingkuwente sa eskuwela, naging paborito siya ng mga propesor at kaklase dahil kenkoy at mapagkaibigan. Nitong unang semestre ng 2006, pinasok ulit ni Rambo ang peryodismo. Nag-aplay siyang correspondent ng pahayagang pangkampus, ang Pegasus. Madaling nakapasa si Rambo. Kahit bago pa lang, marami siyang naisulat  – kadalasa’y pampulitikang analisis sa mga isyung pambayan. Dahil dito at sa kanyang pagiging tagapagsalita ng LFS, tumanyag nang husto si Rambo.

Noong gabi ng kanyang kaarawan, bago siya bumalik patungong Aquinas, pansin na ng mga kaibigan ni Rambo ang matitikas na lalaking umaali-aligid sa labas ng bahay. Katunayan, nang dumaan sila pauwi, binati pa sila. “Nakibertdey kayo kay Ambo?” Kumaripas sa takot ang mga kaibigan ni Rambo.

Kinaumagahan nga, nagpahatid si Rambo sa ama sa terminal. Naghihintay ang eskuwela, ang mga aralin, ang mga gawain sa LFS: Dapat na maagang masimulan ang linggo.

Sa pinakadulo ng bus, iniupo ni Mang Arnel ang anak. “Low profile ka lang sa biyahe,” tagubilin ng ama kay Rambo. Iniwan ni Mang Arnel si Rambo na nagbabasa ng librong Harry Potter at nakikinig ng musika sa kanyang I-Pod habang naghihintay na pag-alis ng bus.

Kararating pa lamang sa bahay ni Mang Arnel nang ibalita sa kanya ng mga kapitbahay: Pinagtatadtad ng bala si Rambo sa loob ng bus! Takbo siya pabalik ng terminal, kasama ang dalawa pang anak. Inabutan ni Mang Arnel ang duguang si Rambo, lupaypay sa upuan.

Si Rei Mon, pagtapos niya sa elementarya
Si Rei Mon, pagtapos niya sa elementarya

“Ano ang ginawa ninyo sa anak ko?” tanong niya sa isang pulis na nagbabantay. Gusto pa ng mga kapatid na itakbo si Rambo sa ospital, ngunit nang makita ni Mang Arnel ang dalawang tama sa dibdib, sa panga at sa likod, alam niyang wala na ang panganay na anak.

Sa pakikipag-usap sa mga saksi, napag-alaman ni Mang Arnel ang mga pangyayari: Isang matikas na lalaki ang umakyat sa bus, tumungo sa kinauupuan ni Rambo, tumango sa matikas ding lalaking katabi ng anak, at saka tinadtad ng bala ang aktibista. Pagkatapos, tahimik na bumaba ang lalaki, pati ang tinanguang lalaki, habang nagsisigawang pababa ang mga pasahero.

“Nakapanghihinayang ang buhay ni Rambo,” ani Mang Arnel. “Pero ipinagmamalaki naming nagkaroon kami ng anak na tulad niya. Masaya kaming nagkaroon ng anak na di namin ikinahihiya, na itinuturing ng marami na bayani at huwarang kabataan.”

Nobyembre 22, 2006