Matinding kompetisyon sa Tango Dance World Championships
Isport ba ang sayaw?
Michaelangelo Buenaobra
HINDI madalas na itinuturing na isport ang sayaw. Kadalasang itinuturing ito bilang isang sining, isang uri ng ekspresyon ng mananayaw. Pero maraming elemento nito ang nagsasabi na maaaring maituring na isport ang sayaw. Unang una, sa pagsasayaw, kailangan ng pisikal na lakas at atletikong abilidad. Kailangan ng koordinasyon at disiplina. Kailangang magsanay at mag-ensayo. At, sa maraming pagkakataon, ang sayaw ay nagiging isang kompetisyon.
Katunayan, sa Winter Olympics, may event na ice dancing. Sa yelo gamit ang iceskates, nakikipagtagisan ng galing ang mga atleta sa pagsayaw, sa saliw ng napiling musika.
Sa ballroom dancing, pinakamahirap ang sayaw na tango (tingan ang kaugnay na artikulo).
Katunayan, sa katatapos pa lamang na Tango Dance World Championships sa Buenos Aires, Argentina, matindi ang naging kompetisyon sa iba’t ibang grupong kumakatawan sa iba’t ibang bansa. Sa antas ng isport ang tindi ng kompetisyon. Sa huli, nagwagi pa rin ang bansa kung saan nagsimula ang sikat na romantikong sayaw ng tango – Argentina.
Sina Fernando Gracia at Natalia Tonelli ng Argentina ang nanaig sa matinding tagisan ng galing sa tango ng 17 iba pang grupo. Pero nagsimula ang kompetisyon sa paglalabanan ng 479 na pares – isang rekord sa kasaysayan ng Tango Dance World Championships.
Samantala, bagamat Argentina ang lugar kung saan ipinanganak ang tango, ipinakita ng ibang bansa na kaya na nilang makipagsabayan sa mga Argentino. Pumangalawa ang grupong mula sa Chile na sina Maximiliano Alvarado at Paloma Berrios.
Pumangatlo naman sina Hiroshi Yamao at ang asawa niyang si Kyoko, parheo mula sa Japan. Sila ang unang Asyanong grupo na tumala nang mataas at nagkapuwesto sa naturang kampeonato. Ipinapamalas nito na tunay na isang pandaigdigang sayaw na ang tango.
Unang naganap ang Tango Dance World Championships noong Marso 2003, na nilahukan ng mahigit 300 propesyunal at amatyur na pares ng mananayaw. Ikinagulat ng mga organisador ang interes na nakuha sa kompetisyong ito, nang sumali ang mga representatibo sa iba’t ibang bahagi ng bansa, mula sa Latina Amerika hanggang sa mga bansang tulad ng Switzerland, Japan, China, France, Germany, Hungary, Slovenia at iba pa.
Ayon sa mga organisador, patunay umano nito na hindi lamang natatagpuan sa Argentina o sa Latina Amerika ang sensibilidad na ipinapamalas ng tango. Malungkot ang moda ng sayaw, pero kinakailangan ang ekspresyon ng sensuwalidad na hindi lamang makikita sa kulturang Latina kundi sa anumang kultura.
| Tango: ekspresyon at disiplina |
ANG TANGO ay isang social dance na nagmula sa Argentina at Uruguay. Pati ang musikang ginagamit para sa sayaw ay tinatawag ding tango. Mabagal ang sayaw. Kadalasang itinuturing ito bilang ekspresyon ng kalungkutan – at bilang panlipunang sayaw, maaaring sabihing ang pagsayaw ng tango ay panlipunang ekspresyon ng kalungkutan ng mga mamamayan sa kanilang kalagayan sa buhay.
Maraming estilo ng tango, pero pinakapopular at itinuturing na “pinakapuro” ang Argentine Tango mula, siyempre, sa Argentina. Magkayakap ang pares (kadalasan, babae at lalake) sa Argentine Tango. Puwedeng open embrace, na magkahawak ng kamay at nakataas ang kanilang braso sa lebel ng balikat, o close embrace, na magkahawak ang mga kamay ngunit malapit ang mga ito sa dibdib ng isa’t isa.
Mahalaga rin sa Argentine Tango ang tinatawag na head snaps, o biglang lingon sa gilid ng dalawang mananayaw. Hindi ito natatagpuan sa ibang uri ng tango.
Madalas na naikukumpara sa gliding, o paglutang sa hangin, ang mga galaw ng Argentine Tango. Isinasabay ng mga mananayaw sa biglang bagsak ng musika (mga elementong legato at staccato sa musikang tango) ang galaw. Sa Argentine Tango, madalas ding galaw ang boleo, o pag-angat sa hangin ng isang mananayaw sa binti ng kanyang kapares; gancho, o pag-hook ng paa o katawan ng isang mananayaw gamit ang binti ng kanyang kapares; arrastre, na parang kinakaladkad ng mananayaw ang paa ng kanyang kapares; parada, o paglagay ng paa ng isa sa ibabaw ng paa ng kanyang kapares; at sacada, o pagpalit ng paa ng mananayaw sa puwesto ng paa ng kanyang kapares.
Nagmula pa noong ika-19 siglo ang sayaw sa Argentina. Lumaganap ito nang maagang bahagi ng ika-20 siglo. Pero noong dekada ’50, sa gitna ng matinding economic depression at diktadurang militar, ipinagbawal ito sa mga pagtitipong pampubliko. Noong 1983, dahil sa palabas na Tango Argentino nina Claudio Segovia at Hector Orezzoli sa Paris, France, muling lumaganap ang sayaw hanggang sa sayawin na ito sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sa larangan ng isports, maraming elemento ng sayaw na tango ang nagamit. Kabilang ang mga isport na figure skating at sychronized swimming sa mga isport na gumagamit ng ilang elemento ng tango.
Malaking kultural na impluwensiya ang tango, at nakita ito nang pangalanan na Tango ang dinesenyong bola sa putbol noong 1978 Argentina FIFA World Cup. Pinangalanang Tango Malaga naman ang dinesenyong bola sa 1982 Spain FIFA World Cup. Gayundin ang bolang pamputbol na ginamit sa 1984 at 1988 European Football Championships sa France at West Germany. |
balik sa itaas |