Taon 6 • Blg 33

Editoryal at Opinyon, Agosto 22, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Apprentice ba talaga?

Sa lahat ng manggagawa, kawawa itong tinataguriang apprentice employee. Batay sa sistemang ito, sumasailalim ang manggagawa sa isang programang kung tawagin ay apprenticeship program sa kompanya. Ang programang ito ay dapat aprubado ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Ayon sa programa, bibigyan ang manggagawa ng tamang pagsasanay ng kompanya upang maging bihasa at matutunan ang kanyang trabaho. Kapalit nito, may karapatan naman ang kompanya na magbigay ng mas mabababang sahod sa kanya kaysa itinakda ng minimum wage law.

ilang apprentice, ang isang manggagawa ay maari lamang bigyan ng kompanya ng sahod na 75% ng kasalukuyang minimum wage. Kaya’t kung ayon sa batas ang isang ordinaryong empleyado ay dapat bayaran ng sahod na hindi bababa sa P350.00 araw-araw, ang isang apprentice ay maari lamang tumanggap ng P262.50 kada araw.

Ngunit hindi lamang ito ang nararanasan ng ibang apprentice. Kung minsan, ginagamit ng kompanya ang apprenticeship agreement upang bale-walain ang karapatan ng isang mangagawa sa kaseguruhan sa trabaho. Nangyari ito sa kasong “Century Canning Corporation vs. Court of Appeals and Gloria Palad’ , GR No. `52894, na dinesisyunan ng Korte Suprema noong Agosto 17, 2007.

Sa nasabing kaso, natanggap si Gloria sa isang kompanya ng sardinas bilang isang fish cleaner. Dalawang araw matapos siyang magsimulang magtrabaho, pinapirma siya ng kompanya ng kasunduang pumapayag siyang maging apprentice nito. Pagkatapos ang dalawang buwan, inaprubahan ng TESDA ang apprenticeship program ng kompanya.

Lampas na apat na buwan sa kanyang pagtatrabaho si Gloria nang siya ay tanggalin ng kompanya. Nagsagawa raw ng performance evaluation ang kompanya at hindi nakapasa ang huli. Dahil dito, walang magawa umano ang kompanya kundi ang sibakin si Gloria sa kanyang trabaho.

Nagsampa ng demandang illegal dismissal at underpayment of wages sa tanggapan ng Labor Arbiter si Gloria. Ikinatuwiran naman ng kompanya ang pagiging apprentice niya. Dahil di umano siya ay apprentice pa lamang, wala pa siyang kaseguruhan sa trabaho, sabi ng kompanya. Naniwala naman ang Labor Arbiter at binasura ang kaso ni Gloria.

Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) si Gloria ngunit sinang-ayunan ng NLRC ang kompanya. Iniakyat naman ni Gloria sa Court of Appeals ang kaso at nabaliktad ang desisyon. Inutusan ng Court of Appeals ang kompanya na ibalik si Gloria. Dinala naman ng kompanya ang kaso sa Korte Suprema.

Sinabi ng Korte Suprema na hindi maaring ituring na isang apprentice employee itong si Gloria. Sinasabi ng batas na para maging legal ang isang apprenticeship program, kailangan munang ma-aprub ito ng TESDA. Sa madaling sabi, bago tumanggap ng apprentice ang kompanya, kailangan munang ayos na at aprubado ng TESDA ang programa nito para sa mga apprentice.

Sa kaso ni Gloria, apat na buwan na siyang nagtatrabaho bago inaprubahan ng TESDA ang apprenticeship program ng kompanya. Nauna muna ang kanyang pagtatrabaho bilang apprentice bago ang pagsang-ayon ng TESDA sa programa ng kompanya. Labag ito sa batas, sabi ng Korte Suprema.

Kailangan munang kunin ang pagsang-ayon ng TESDA sa isang apprenticeship program para matiyak na hindi abusuhin ng kompanya ang programang ito. Ang programa para sa mga apprentice ay para lamang sa mga trabaho na highly technical, paliwanag ng Korte Suprema. Ito ang dahilan kung bakit dapat munang dumaan ito sa TESDA para sa pagsang-ayon nito bago ipatupad ng kompanya.

Dahil hindi naaayon sa batas ang pagka-apprentice ni Gloria, maari na siyang ituring na isa nang regular na manggagawa. At bilang regular na manggagawa, hindi siya maaring tanggalin sa trabaho nang walang sapat na batayan.

Hindi sapat ang idinadahilan ng kompanya na mababang grado ni Gloria sa performance appraisal para siya ay matanggal. Una, nakakaduda kung totoo ngang may ginawang performance appraisal ang kompanya. Pangalawa, walang patunay na ipinaliwanag nito kay Gloria ang dapat gawin para makapasa sa sinasabi nitong performance appraisal. Wala ring naipakitang memorandum ang kompanya na binalaan nito si Gloria tungkol sa mahinang trabaho nito. Maliwanag na hindi naayon sa batas ang kanyang pagkatanggal at tama lamang ang desisyon ng Court of Appeals, sabi ng Korte Suprema.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006