Taon 6 • Blg 32

OFW, Agosto 22, 2007
Sindikato parusahan - Roxas Ahensiyang Sentosa lagot sa Senado OFW tuturuan ng Dole na magnegosyo?

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
BALITANG OFW

Kumusta na ba ang mga OFWs?
Kumusta na rin ang bansang Pilipinas?

Kamakailan lamang, nag-ulat ang Pangulong GMA sa mga nagawa ng kanyang administrasyon sa pamamagitan ng kanyang taunang State of the Nation Address o Sona sa unang sesyon ng ikalabing-apat na Kongreso. Sa isang tingin maganda, bongga at super! May tatlong investments na tinukoy ng kanyang Sona:

Una, pagpundar sa pisikal, ligal at imprastraktura sa seguridad. Kailangan din daw ng imprastraktura para sa negosyo at trabaho. Isang milyong trabaho taon-taon. Sa anim na taon niyang panunungkulan, anim na milyon na daw ang nabigyang trabaho.

Pangalawa, kailangan din daw ang isang matatag at malawak na social safety net. Ang ibig sabihin ni Gng. Arroyo, murang gamot, abot-kayang pabahay, eskuwelang primera klase, gurong mas magaling at mas malaking kita, at iba pa. Banggit niya, dunong at kalusugan lang daw ang susi ng kasaganaan.

Pangatlo, sabi niya, kailangan din daw ang kapayapaan partikular sa Mindanao, paggapi sa terorismo at kailangang itigil na ang pang-aabuso sa karapatang pantao.

Ang tanong ko sa inyo: naramdaman ba ito ng mamamayang Pilipino, ng inyong mga pamilyang naiwan sa Pilipinas? Mga kababayan, may krisis sa ekonomiya ng bansa.

Isang milyong trabaho taon-taon. Hindi totoo ito. Mabilis na inulat ni Secretary Arturo Brion ng Department of Labor and Employment na naabot daw ng administrasyong Arroyo ang target nitong isang milyong trabaho dahil nakapagpaluwas sila ng 1.06 milyong OFWs noong nakaraang taon. At sa unang walong buwan pa lamang nitong taon, umabot nang 600,000 na ang nailuwas sa labas ng bansa. Ibig sabihin, walang trabaho sa ating bansa.

Katunayan 4.1 milyong Pilipino ngayon ay walang trabaho, 7.5 milyon ay underemployed. Kung may trabaho man, sila ay mga kontraktuwal, lima hanggang anim na buwan lamang ang trabaho.

Matatag na social safety net – Ibig sabihin, karampatang serbisyo sosyal.

Murang gamot?
May itinutulak si Gng. Arroyong na Cheaper Medicines Bill. Maganda! Go tayo dito, di ba? Ngunit sino ang may monopolyo sa negosyo ng gamot sa Pilipinas – ang Unilab, na dayuhang pagmamay-ari. Kaiba ito sa India, na may sariling industriya ng gamot. Kung mabibili ng isang mamamayang Indiano ang isang klase ng gamot sa P7, sa Pilipinas ang halaga nito ay P70.

Abot-kayang pabahay? Mayroong 30 milyong Pilipinong nakatira sa iskuwater. Sila din ang mga biktima ng malawakang demolisyon sa kalunsuran upang mabigyang daan ang mga proyektong pangkaunlaran. Hindi nakaligtas dito ang mahigit isang daang kabahayan sa Malibay, Pasay (mahigit 80 porsyento ay bahay ng OFWs at komunidad ng Migrante) ang na-demolish noong nakaraang taon.

Makakabili ba tayo?
Ang edukasyon sa atin ay komersyalisado na. Kakaunti na rin ang may kakayahang magpaaral maliban na lang kung nasa abroad ang mga magulang. Sa isang panayam namin sa St. Scholastica’s College, 75 porsiyento ng kanilang mga mag-aaral ay may pamilyang OFW. Tumaas ang tuition fee mula 300 hanggang 400 porsyento. Kulang na kulang sa classrooms.

Kulang ang mga guro. Nasa abroad na dahil maliit ang suweldo. Ang kanilang laban para itaas ang sahod nila sa P3,000 kada buwan ay nanatiling laban sa ating mga kawani sa gobyerno.

Kapayapaan sa Mindanao, paggapi sa terorismo at pagtigil sa paglabag sa karapatang pantao – Paano ba ito?
Una, pinapaigting ni Gng. Arroyo ang militarisasyon mula Luzon, Visayas at Mindanao. Pati mga komunidad sa Metro Manila ay nag-deploy na ng mga sundalo, eh wala namang giyera sa Metro Manila. Sa Mindanao partikular sa Basilan, Tawi-Tawi at Sulu, libu-libong mamamayang Muslim ang lumikas upang hindi madamay sa all-out war ni Gloria. Tinutugis daw ng Gobyernong Arroyo ang mga Abu Sayyaf at ibang grupong terorista.

Ang paglikas nila ay ang pagkawala ng buhay at kabuhayan. Sa bansang Malaysia, aabot sa 723,000 na ang mga Pilipino. Mahigit kalahating milyon ay mga di-dokumentado na galing sa Basilan, Sulu, Tawi-tawi at iba pang probinsiya sa Western Mindanao.

Tuloy-tuloy at lalong nagiging marahas ang kampanya ng pamamaslang at pagdukot sa mga ordinaryong mamamayang lumalaban sa kahirapan at kawalang-katarungan sa ating bayan. Walang-kahihiyang ipinagpatuloy ng gobyerno ni Arroyo ang kanyang Oplan Bantay Laya II, ang kanyang program ng terorismo sa mamamayan, kahit pa napatunayan na sa loob at maging sa labas ng bansa na ang kanyang administrasyon at military ang tunay na naghahasik ng terorismo.

Ayon nga sa resulta ng prestihiyosong Permanent People’s Tribunal o PPT na naglunsad ng ikalawang sesyon hinggil sa Pilipinas – GUILTY ang gobyernong Arroyo at ang amo nitong US sa mga krimen sa mamamayang Pilipino. GUILTY sa pandarambong ng yaman ng bansa! Guilty sa pagsalaula ng soberenya nito at GUILTY sa pagpatay sa halos isang libong Pilipino, pagdukot sa ilang daan pa at paglabag sa karapatang-pantao ng marami pang mga komunidad.

ITUTULOY

Papel na binasa sa 2nd Filipino Women Migrant Summit na ginanap sa Hong Kong University, Hong Kong noong Agosto 26, 2007.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006