Pagdakip kay Sison kinondena
Noel Sales Barcelona
UMANI ng batikos at dinagsa ng protesta ang mga Embahada ng The Netherlands sa Pilipinas at iba pang bansa dahil sa pagdakip ng mga pulis-Olandes kay Prop. Jose Maria Sison, punong tagapayong pampulitika sa usapang pangkapayapaan ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines) at kasalukuyang tagapangulo ng ILPS (International League of People’s Struggles), pandaigdigang alyansa ng mga organisasyong pang-masa.
Dinakip si Sison noong Agosto 28, kasabay ng paghalughog sa tanggapan ng NDF International at gayundin sa kabahayan ng mga opisyal at tauhan nito, dahil sa kasong pagpapapatay diumano kina Romulo Kintanar at Arturo Tabara, kapwa dating matataas na opisyal ng CPP (Communist Party of the Philippines). Bukod sa kaso hinggil sa pagpatay kina Tabara at Kintanar, isinama rin ang kaso ng mga pagpatay na may kaugnayan diumano sa “pagpupurga” na ginawa ng CPP sa hanay nito noong kalagitnaan ng dekada ’80.
Pahayag ni Fidel Agcaoili, tagapangulo ng negotiating panel ng NDFP, tahasang nilabag ng gobyernong Olandes ang mga karapatan ni Sison bilang isang political refugee. Binigyang-diin niyang malaki ang epekto ng ginawang pagdakip at pagdetine kay Sison sa nagaganap na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng kanilang grupo at ng gobyerno ng Pilipinas.
Binatikos din ni Agcaoili ang gobyernong Macapagal-Arroyo na aniya’y bagamat nagtagumpay sa maitim na balak laban kay Sison, ay hindi naman makatatakas sa pananagutan sa mga pamamaslang at pagkawala ng mahigit 900 sibilyan bunga ng pagpapatupad nito ng Oplan Bantay Laya 1 at 2.
‘Nilansi’
Sa panayam kay Juliet de Lima, asawa ni Sison, ng ANC (ABS-CBN News Channel) kamakailan, lumilitaw na nilansi ng mga alagad ng pulisya si Sison kaya ito nakulong at haharap sa isang paglilitis sa The Hague. Ayon kay De Lima, tinawagan lamang si Joma (palayaw ni Sison) ng isang pulis na ayaw pa ngang magpakilala at sinabihang kailangang pumunta sa kanilang tanggapan para sa resulta ng reklamong isinampa nito noong 2001 hinggil sa diumano’y planong pagpatay sa kanya.
Ngunit pagdating doon ni Sison, ikinulong siya at hindi pinayagang makita at makausap nang harapan ang kanyang abogado. Noon din lamang nila nakita ang mandamyento de arresto na inihanda laban sa propesor.
Malakanyang ang may kagagawan
Inamin naman ng Malakanyang na tumulong ito sa gobyernong Olandes para makasuhan si Sison sa pamamagitan ng pagpapadala doon ng mga ebidensiyang magdidiin sa dating tagapangulo ng CPP.
Sa panayam ng midya kay NSA (National Security Adviser) Norberto Gonzales, sinabi niyang nagagalak siya at ang mga kasamahan niya dahil kinilala ng gobyernong Olandes ang ebidensiyang iniharap nila laban sa naturang lider. Pero, aniya, wala silang kinalaman sa pagkakadakip kay Sison.
“Ang naging tanging papel lamang naman natin diyan, tumulong tayo sa pag-iimbestiga nila. Pumunta rito ang mga tagausig nila. Inasistihan lamang natin,” ayon kay Gonzales.
Katunayan, maging ang PNP (Philippine National Police) ay nagsabing sila rin ang nagsuplay ng mga ebidensiya at mga testimonya ng mga kaanak ng biktima ng nasabing “pagpupurga” sa Interpol (International Police) para sa ikadadakip ni Sison.
“Ibig sabihin, talagang matibay ang ebidensiya natin laban sa kanya dahil naniwala ang gobyernong Olandes,” sabi ni Director-General Oscar Calderon ng PNP. Isa sa mga ginamit na batayan diumano ng kaso, partikular hinggil sa pagpaslang kay Kintanar, ay ang testimonya at kasong isinampa ng biyuda nitong si Joy Kintanar.
Hindi basta maipatatapon si Joma – DFA
Gayunman, ayon sa DFA (Department of Foreign Affairs), hindi basta-basta mapauuwi ang lider-rebolusyunaryo sa Pilipinas dahil wala namang extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Dutch Royal Government.
Maging ang Embahada ng The Netherlands dito, nagsabi ring hindi maaaring basta maibalik dito si Sison dahil sa paglabag sa umiiral na mga batas doon.
Internasyunal na suporta
Sa pangunguna ng Defend (International Committee to Defend the Rights of Jose Maria Sison), nagpahayag ng suporta sa pagbasura sa kaso at sa pagpapalaya kay Sison ang iba’t ibang progresibong organisasyon gaya ng Migrante International at mga alyado nitong GabNet (Gabriela Network), KMU (Kilusang Mayo Uno), KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas), SCMP (Student Christian Movement of the Philippines), Anakbayan at mga tsapter nito sa US, LFS (League of Filipino Students), mga organisasyon ng mga migrante sa Canada, ILPS-Philippines, at Bayan (Bagong Alyansang Makabayan), kapwa dito sa Pilipinas at ibang bansa.
Sa Hong Kong, naglunsad ng protesta ang Unifil-HK (United Filipinos in Hong Kong) at iba pang organisasyon doon; sa Korea, ang Kasammako (Kalipunan ng mga Migranteng Manggagawa sa Korea); sa Europa, ang Migrante-Europe; at sa Taiwan naman, ang Migrante-Taiwan.
Habang naghahanda naman ang anim na internasyunal na abogado ni Sison, nagsasagawa rin ang nabanggit na mga organisasyon ng sariling mga kampanya gaya ng signature campaigns at pagpoprotesta sa harap ng Embahada ng The Netherlands para igiit ang agarang pagpapalaya kay Sison mula sa piitan sa The Hague.
Samantala, ipinanawagan naman ng iba’t ibang grupo na sumusuporta kay Sison na boykotin ang mga produktong Olandes bilang protesta. Kabilang na rito ang mga produkto ng Unilever at Shell Corporation.
balik sa itaas | sunod |