| Ang makabayang potensiyal ng bugtong sa kasalukuyang panahon
Michael Francis C. Andrada
Ang bugtong o palaisipan ang pinakapaborito kong porma ng maikling tula. Maigsi ngunit mabagsik.
Kung ang mga bugtong noo’y alinsunod sa animistikong tradisyon (paniniwala sa mga ispiritung naninirahan sa kalikasan), ang mga historikal na karanasan ng bansa ang magdudulot ng pagbabago sa konsepto’t nilalaman ng mga bugtong. Ang mga bugtong ng mga Aeta noon hinggil sa tubig ay mayroong katambal na taimtim na pagpapahalaga sa kalikasan: “Kapag hiniwa mo, / Naghihilom nang walang pilat.” Sa pananalanta naman ng mga Kastilang kolonisador, ang mga bugtong sa Pilipinas ay lulukuban ng kolonyal na Katolisismo, tulad sa bugtong ng mga taga-Laguna patungkol sa palay: “Espada ni Hesus, / Magkabila’y matulis.” Ipinapakita nito kung gaano kalawak ang epistemolohikal na pagbabagong ipinayungyong ng mga kolonisador sa mga Pilipino. Sa pagkubabaw naman ng mga kolonisador na Amerikano, mapapansing kinakain di lamang ng wikang Ingles kundi ng kaisipang kolonyal maging ang bugtong. Mapupuna ito sa bugtong hinggil sa santol: “Anong prutas ang mas mataas pa sa araw?” Mapapansing nakatali sa dalawang salitang Ingles ang sagot sa nasabing bugtong: “sun” at “tall.”
At sa intensipikasyon ng konsumerismo at monopolyo kapitalismo ng Estados Unidos sa Pilipinas, makikitang maging ang paraan ng pagbugtong sa Pilipinas ay naapektuhan nito. Tingnan na lamang natin ang mga bugtong na nililikha ng konsumeristang industriya sa Pilipinas: mga tagline ng iba’t ibang produkto at kompanya. Dahil araw-araw na itinatanghal ang mga produkto ng konsumerismo sa lahat ng pangmadlang midya, malay man o hindi ay pumapasok ito sa kamalayan ng mamamayan. Gawin nating halimbawa ang mga advertising tagline tulad ng “Langhap-Sarap” at “Love Ko ‘To.” Kapag narinig o nabasa natin ang mga tagline, tiyak tayong mga produktong “Jollibee” ang ipinalalabas sa telebisyon, o di kaya’y naiisip natin si Jasmine Trias na kumakanta ng jingle-tagline na “Love Ko ‘To” ng McDonald’s. Gayundin, kapag nakabasa tayo sa diyaryo ng salitang “kapamilya,” ang ABS-CBN ang naiisip natin kahit na tungkol sa hinaing ng mga migranteng manggagawa ang tinatalakay ng artikulo sa diyaryo. O di kaya naman ay “kapuso” na batid nating salitang pangkondisyon ng GMA 7 sa mga tagapagtangkilik nito.
Samakatuwid, ang mga tagline na ito mula sa mga patalastas ng samu’t saring produkto at kompanya ang maituturing na mga “bugtong-negosyo” o “bugtong ng kapitalismo.” Kung ang pagbuo ng mga bugtong noong sinaunang panahon sa Pilipinas ay isang komunal na aktibidad, ang pagbuo ng mga bugtong ng negosyo ay isang binabayarang aktibidad ng manggagawa-manunulat na pumapasok sa isang relasyong pangkapangyarihan sa nagpapasahod sa kanya.
Maging ang estado o gobyerno’y lumilikha ng sarili nitong mga bugtong na ipinangkokondisyon sa mga mamamayan. Halimbawa, si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo – o kung sinumang ghost writer niya – ay kinakasangkapan ang linyang “Strong Republic” o “Matatag na Republika” upang magpatungkol sa kanyang programang pampolitika at pang-ekonomiya.
Kung kaya’t kapag nababanggit ang linyang ito, awtomatikong naikakawing ito kay Arroyo. Maganda ring analisahin ang bugtong-tagline na “Walang Kupas!” ng patalastas pantelebisyon ng PCSO (Philippine Charitiy Sweepstakes Office) kung saan prominente ang mukha ni Arroyo. Ipinamamalas ng propagandang ito ng rehimeng Arroyo na siya’y “Ina ng Bayan” na nag-aaruga at kumakalinga nang “walang kupas” sa mga mamamayan. Samakatuwid, ang mga ito’y bugtong ng reaksiyonaryong pamahalaan at pilit nitong tinatakpan ang katotohanang lalong lumalala ang krisis sa bansa.
Sa gitna ng tila pananaig ng mga bugtong ng negosyo at estado, mayroong pangangailangang tapatan ang mga bugtong na ito. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng paghango sa mga tagline-bugtong mula sa kapitalista at reaksiyonaryong kinalalagyan nito: (a) pag-satirika sa mga bugtong, at (b) pagtransporma sa mga ito bilang mga bugtong ng protesta at rebolusyon. Halimbawa nito ang politikal o makabayang mga bugtong na halaw sa lumang mga bugtong at tagline ng mga patalastas. Iisa lamang ang sagot sa sumusunod na mga bugtong:
(1)
Ang anak ay nakaupo na,
Ang ina’y gumagapang pa. (Kalabasa)
Nang ang Ina’y nakaupo na,
Ang mga Kaanak ay pinagapang na.
(2)
Yumuko man ang reyna,
Hindi mahuhulog ang korona. (Bayabas)
Yumuko man ang Reyna,
Hindi puputungan ng korona.
(3)
Making great things possible. (Globe)
Making simple things impossible.
(4)
Isang prinsesa,
Nakaupo sa tasa. (Kasoy)
Isang terorista,
Nakaupo sa Casa.
Maaari ring lumikha ng mga kontemporaryong bugtong na may makabayang tunguhin. Isa sa pinakamasipag na makatang lumilikha ng mga bagong bugtong ay si Prop. German Gervacio. Hindi lamang payak na pagpapahula ang ginagawa ni Gervacio, kundi pagpapakintal rin ng sosyo-politikal na mensahe tulad ng masisipat sa bugtong niya tungkol sa ilusyon ng kapitalistang kasiyahan sa Shoemart o SM ni Henry Sy: “Sa bahay ni Sangko Henry, / Piyesta araw-araw, gabi-gabi.”
Samakatuwid, makikita natin ang napakalaking politikal na potensiyal ng mga bugtong para sa pagmumulat at pagpapakilos. At ang potensiyal na ito’y nalulubos sa maigsing tula ngunit mabagsik.
Si Michael Francis Andrada ay guro sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman.
balik sa itaas |