Taon 6 • Blg 33

SURING BALITA | Agosto 22, 2007
Saan papunta ang mga putok?

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SURING-BALITA

Pultika ng baha, baha ng pulitika
Sinisisi ng gobyerno ang mga maralita sa pagtindi ng baha. Pero ayon sa mga eksperto, kainutilan ng gobyerno ang dahilan kung bakit ang mga mamamayan ay sinasalanta ng baha.

PARA sa mga taga-Malabon at Navotas, at ilan pang lugar sa Kamaynilaan na madalas na binabaha, di maubos-maisip ang senaryong ipinipinta ni Chairman Bayani Fernando ng MMDA (Metro Manila Development Authority): “Wala nang baha sa Kamaynilaan sa susunod na taon.”

Malakas ang loob ni Fernando. Noong katindihan ng bagyong “Egay,” nangako si Pangulong Arroyo ng P256 Milyong karagdagang pondong laan sa baha sa Kamaynilaan.

Sapat ang pondo, paniguro ni Fernando, para matapos ng MMDA ang Camanava (Calookan, Malabon, Navotas at Valenzuela) Flood Control Project at modernong pumping station sa kanluran ng Manggahan, Quezon City. Kabilang sa tinatapos na mga proyekto sa Camanava ang mga pumping station sa Catmon sa Malabon, Bangkulasi sa Navotas, at mga dike sa hangganan ng nasabing mga munisipalidad.

Kasabay ng mga proyektong ito, idineklara ng MMDA na paiigtingin ang kampanya laban sa mga nagtitinda at naninirahan sa mga bangketa ng Kamaynilaan na siyang “nagtatapon ng basura na bumabara sa ating mga kanal.”

Dahil dito, kumpiyansa si Fernando na mabubura na ang “baha” sa bokabularyo ng Manilenyo sa susunod na taon.

Hindi maiiwasan ang baha
Pero hindi kumbinsido si Dr. Candido Cabrido Jr., dekano ng Surp (School of Urban and Regional Planning) sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at ekperto sa flood control. Suntok sa buwan ang pagsasabing mapapawi ang isang penomenong nararanasan ng lahat halos ng lungsod at sentrong bayan sa buong mundo.

“Karamihan ng mga lungsod ay nasa flood plane area na malapit sa mga port kung saan nagsimula ang mga sibilisasyon,” paliwanag ni Cabrido. Kadalasang itinatatag ang mga sentrong bayan sa mabababang lugar na malapit sa dagat. Hindi kaiba rito ang Kamaynilaan. Katunayan, hindi rin maiiwasan kung ang ilang bahagi ng lungsod ay mababa pa sa sea level.

“Tulad ng Malabon at Navotas – below sea level ang mga iyan, sabi pa ni Cabrido. Halimbawa rin ang maraming bayan sa Pampanga, na labis na naapektuhan ng matinding buhos ng ulan ni “Egay.” Natural umanong sa todong lakas ng ulan, mapupuno ng tubig ang mabababang lugar.

Lalong lumalabas na suntok sa buwan lamang ang deklarasyon ni Fernando sa harap ng penomenon ng malubhang pagbabago sa klima (climate change) . Inaasahang titindi ang ulan sa hinaharap, ani Cabrido, dahil sa global warming (pag-init ng mundo) na dulot naman ng polusyon.

“Puro palliatives lamang iyang solusyon (ng MMDA),” sabi ni Cabrido. Hindi umano tinutugunan ng programang flood control ng gobyerno ang ugat ng matinding pagbaha.

Paliwanag niya, ang dapat tuunan ng pansin ng anumang seryosong programang pagkontrol sa baha ay ang preserbasyon ng mga watershed – mga bundok na malapit sa lungsod na sumasalo sa ulan. Kung makapal pa ang gubat sa bundok, mas kaya nitong sumalo ng tubig. At mula sa bundok, aagos ang tubig ng ulan sa ilog – ang tinaguriang natural drainage o likas na daluyan ng tubig. Pagkatapos, dadaan ito sa maliliit na ilog o mga tributary sa flood planes (na kadalasan ngang mga lungsod at sentrong bayan) hanggang makarating sa dagat.

Kung walang bara ang natural na drainage o ilog, didiretso sa dagat ang tubig-ulan. Pero kung may mga nakatira malapit sa ilog, madalas na natatapunan na ito ng basura at dumi.

“Maraming subdivision ngayon ang malapit sa mga ilog (sa Antipolo, Rizal at Bulacan, halimbawa)… (at) nagiging tapunan ng basura (na bumabara sa mga ilog),” paliwanag pa ni Cabrido. Sa pag-apaw ng tubig sa mga ilog, nagaganap ang flash floods.

“Lumalala ang baha sa mga lungsod kung hindi maayos ang pagkontrol dito,” ani Cabrido. Kasama sa dapat inaayos ang artipisyal na drainage, tulad ng mga kanal, ditch, at dike. Lumalala ang baha kung napupuno ng basura ang mga kanal, o kaya’y hindi maayos ang pagkakagawa.

Sa panahon ng emergency, kailangang kaya ng mga diversion channel at pumping station na bawasan ang baha. Ito ang pinagtutuunan ng pansin ng MMDA – ang mga hakbang para mabawasan ang baha -- sa panahong nariyan na ang baha.
“Dapat i-address talaga ang mismong pinagmumulan nito, mula sa mga watershed hanggang sa mga ilog at tributary hanggang sa flood plane,” diin ni Cabrido.

Ang masa kasi
Dahil marahil sa “makitid” na hurisdiksiyon ng MMDA, makitid din ang kanilang unawa at pagtugon sa problema ng baha.
Ayon kay Baltazar Melgar, hepe ng Flood Control and Sewerage Management ng MMDA, hindi dapat sisihin ang ahensiya. Sa halip, sinisisi ni Melgar ang mga “iskuwater” o mga maralitang tagalungsod. Ang mga maralita umano ang dahilan kung bakit hindi epektibo ang kanilang mga proyekto sa baha. Dapat aniyang itapon ng 13 milyong residente sa Kamaynilaan ang kanilang basura sa tamang lalagyan. Dapat ding higpitan ng mga lokal na pamahalaan ang pagbabawal sa mga iskuwater lalo na sa mga bangketa.

Kahit matindi umano ang isinagawang information drive ng MMDA para malaman ng mga maralita ang kahihinatnan ng iresponsableng pagtatapon ng basura, “Hindi namin maintindihan kung bakit pumapasok sa isang tainga at lumalabas sa kabila ang aming (ipinapaliwanag).” Hirap ang MMDA na ipatupad ang polisiya ng koleksiyon ng basura. “Dahil ba sa matigas ang ulo (nila)?” himutok ni Melgar.

Pero dahil sa karagdagang pondo, inaasahan ni Melgar na magbabago na ito. Pinagkukunutan din ng noo ng kanyang opisina at ng Sidewalk Clearing Operations Group ng MMDA ang mas sistematikong pagdedemolis sa mga barung-barong at “ilegal na istruktura” sa mga kalsada.

Nababahala naman ang mga environmentalist ng Kalikasan –People’s Network for the Environment, kalipunan ng mga tagapagtaguyod ng kalikasan. Ayon kay Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay nito, hindi dapat sinisisi ng MMDA ang mga maralita. Bahagi ng mas malaking problemang panlipunan ang mga maralitang ito – ang kahirapan sa kanayunan – kung kaya napipilitan silang makipagsiksikan sa lungsod.

Sang-ayon din si Cabrido na hindi dapat sisihin ang mga maralita. “Kailangan ng seryoso at maayos na relokasyon sa kanila,” aniya. Isa ito sa mga hindi nagagawa ng MMDA matapos ang di-mabilang na demolisyon sa Kamaynilaan.

Ngunit higit pa rito, ani Cabrido, dapat magagap ng MMDA at ng pambansang gobyerno ang esensiya ng problema ng baha. “Simple lang ang solusyon, pero kailangan ng political will.”

Limang-puntong solusyon
Matagal na umanong iminumungkahi ng Surp ang komprehensibong pagtugon sa problema ng baha. “Di kapareho ng ibang ng mga disaster gaya ng pagputok ng bulkan o lindol, baha lamang ang disaster na maaaring makontrol,” ani Cabrido.
Masusuma sa limang puntos ang mungkahi ni Cabrido: (1) proteksiyon ng mga watershed; (2) tamang agrikultura; (3) tamang solid waste disposal; (4) ecological solid waste management; at (4) pagpapaunlad ng flood forecasting.

Sa mga watershed, idinidiin ni Cabrido ang proteksiyon ng kagubatan. Sa La Mesa watershed, halimbawa, dapat manatili ang makapal na forest cover, hindi lamang para sa turismo, tulad ng ikinakampanya ng isang istasyon ng telebisyon, kundi para maibsan ang baha. Mahalaga rin ang praktika ng agrikultura na hindi nakakasira sa kagubatan.

Dagdag pa ni Cabrido, kailangang mantinihin ang di-bababa sa 20% greeneries, o mapupunong lugar, sa mga lungsod at bayan. “Sa ngayon, maraming bahagi ng Kamaynilaan ang mababa na sa 20% ang greeneries. Sa Pateros, halimbawa, halos wala nang greenery. Pati Manila.”

Kailangang gawin ang pangatlo at pang-apat na puntos sa mga lugar na malapit sa ilog at sa mga lungsod. Paliwanag ni Bautista ng Kalikasan, hindi matatambakan ng basura ang mga estero kung episyente ang pangongolekta ng basura. “Sa usapin ng basura, 85% lamang ang nakokolekta, 75% nito ang naitatapon sa mga dumpsite at yung 25% ang napupunta sa mga estero, sapa at ilog,” ani Bautista. “Sa buong Metro Manila, 5% lang ang may maayos na sewerage system.”

Sapat na ang 25% ng hindi nakokolektang basura para magbara ang mga paglalagusan sana ng tubig. At sa mahabang panahong hindi nalilinis ang mga lagusan, naiimbak ang basura.  

Sa panglimang punto, ipinaliwanag ni Cabrido ang labis na pagkukulang. Sa lawak ng karanasan natin sa baha, katakatakang nangangapa pa rin ang gobyerno. Matitinding aral ang mga trahedyang dulot ng baha, pero mukhang ang gobyerno ang matigas ang ulo.

“Walang sistematikong data collection ang gobyerno hinggil sa baha, na madali lamang magawa,” ani Cabrido. Kailangang malaman ang 50-taong kasaysayan sa baha ng lugar, partikular ang sumusunod: (1) ano ang mga lugar na bahain; (2) kailan bumabaha; (3) lalim ng baha; (4) gaano katagal; (5) gaano kalawak ang pinsala – mga namamatay, nagkakasakit at pinsala sa produktibidad ng komunidad dahil sa baha.

Sa ngayon, konsuwelo-de-bobo lamang ang ginagawa ng gobyerno para makontrol ang baha. Ang masama pa, ani Cabrido, inilalaan ang manipis na ngang pondo para sa pagtugon sa kalamidad kung nariyan na – tulad ng pagmantine ng 14 na pumping station. Mas mabuti sana kung ang P256-M ng MMDA ay inilalaan para sa limang-puntong solusyon, hindi lamang sa mga pumping station, ani Cabrido.

Sa katindihan ng pagbaha sa ilang bahagi ng Quezon City, inianunsiyo ni Arroyo ang nasabing pondo. Mistulang ginamit pa ang kalamidad para ipagyabang ng Pangulo ang simpatiya sa mga nasalanta ng baha – nagpalitrato pa siya na tumatawid sa baha.

Para kay Bautista, malabong matanaw natin sa susunod na taon ang wakas ng mga baha. Mas malamang, lalala pa. At ang paglubha ng baha ay repleksiyon lamang ng tiwaling pamamahala at maling prayoridad ng gobyernong Arroyo.

Pumping stations, sagot ng MMDA sa baha

SA tono ng P256 Milyon mula sa Malakanyang, inaasahan ng MMDA (Metro Manila Development Authority) ang upgrading ng mga pumping stations sa Kamaynilaan – at presto, lutas na ang problema sa baha. Kasi, bulok at hindi na gumagana ang karamihan sa mga nasabing pasilidad. Pero ang punto, ayon kay Dr. Candido Cabrido Jr. ng School for Urban and Regional Planning ng UP Diliman, hindi sapat ang pumping stations para maibsan ang grabeng pagbaha sa mga lungsod.

Ano nga ba ang pumping stations?

Ayon sa MMDA, ang pumping stations ay mga pasilidad para ilipat ang isang bulto ng tubig mula sa isang lugar tungo sa ibang lugar. Hinihigop ng mechanicap pump ang tubig-baha at iluluwa sa ibang lugar. Halimbawa, ang tubig-baha sa Navotas ay hinihigop ng pumping station doon at inaalpasan sa Manila Bay.

Pero, puna ni Cabrido, hindi kakayanin ng pumping station ang grabeng baha. Sa ngayon, sineserbisyuhan ng 14 na pumping stations sa Kamaynilaan ang mahigit 13 milyong residente. Napatunayan ng matitinding bagyo, tulad ni “Egay” noong Agosto, na walang silbi ang pumping stations sa panahon ng napakataas na baha.

Paano na iyan, MMDA?

balik sa itaas

 

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006