Taon 6 • Blg 32

Editoryal at Opinyon, Agosto 16, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Katarungan at kasaysayan

Noong nakaraang linggo, ika-15 ng Agosto, ang ika-62 anibersaryo ng pagwawakas ng Ikalawang Pandaigdigang Giyera. Nagsagawa ng piket protesta ang mga lola na miyembro ng Lila Pilipina sa harap ng Embahada ng Hapon dahil magpahanggang ngayon, mailap pa rin ang katarungan para sa mga lola.

Halos kasabay ng anibersaryong ito ng WWII, naghapag ang Gabriela Women’s Party ng resolusyon sa ika-14 na Kongreso hinggil na pagtutulak ng gobyerno ng Pilipinas sa gobyerno ng Hapon na kilalanin ang mga krimeng ginawa ng mga sundalong Hapon sa mga kababayan nating kababaihan noong WWII.

Ilang dekada na ang nagdaan mula nang kauna-unahang nagsiwalat ang isang Pilipina tungkol sa sinapit niyang pang-aabuso sa kamay ng mga sundalong Hapon. Ngunit wala pa ring nangyayari dahil nananatiling tahimik ang gobyerno ng Pilipinas tungkol dito. Nauna pang magpasa ng resolusyon ang mga mambabatas ng Amerika upang hingin sa gobyernong Hapon ang pagtanggap sa kanilang krimen at pormal na humihingi ng tawad.

Kamakailan lang, lumabas sa pahayagan na ayaw ilagay ng Department of Education sa textbooks ng kasaysayan ang tungkol sa sinapit ng mga Pilipina sa kamay ng mga sundalong Hapon noong WWII dahil ayaw ng gubyerno natin na magkaroon ng “strain” ang relasyon natin sa gobyernong Hapon. Lalo pa’t may naka-ambang Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement), na sa totoo lang ay isang kasunduang pabor lang sa malalaking negosyo sa bansang Hapon.

Oo, mga kumare, ganito katuta ang gobyernong Pilipino na maging ang kasaysayan natin ay binabago o pinagtatakpan huwag lang masaling ang kanilang mga amo (maging ang kalupitan ng mga sundalong Amerikano sa Balangiga masaker ay ayaw ding ilagay sa mga textbook ng kasaysayan).

Hindi nga ba’t ang buong punto ng pag-aaral ng kasaysayan ay para matuto sa mga aral nito? Para makita kung paanong ang bayan natin ay sinamantala at niyurakan ng dayuhang mga gobyerno para sa sarili nilang interes at para hindi natin ito muling payagan? Para kilalanin at magsilbing inspirasyon ang kagitingan ng mga ninuno natin na nagtanggol sa sambayanan at sa Inang Bayan?

Wika nga ng mga lola ng Lila Pilipina, ang kanilang paglaban para sa katarungan ay hindi natatapos sa paghingi ng pormal na patawad ng gobyernong Hapon o sa kompensasyon. Higit sa lahat, ang kanilang paglaban para sa katarungan ay paglaban upang hindi na maulit ang sinapit nilang kalupitan sa kamay ng dayuhang mga sundalo. Kaya’t ang panawagan ng mga lola ay katarungan, hindi lamang sa mga biktima ng “sexual slavery” sa panahon ng WWII, kundi sa lahat ng kababaihan at batang biktima ng karahasan sa panahon ng mga gyera ng pananakop. Ang panawagan ng mga lola ay wakasan ang mga giyera ng agresyon at hindi na muli magkaroon ng bagong henerasyon ng Pilipinong “comfort women.”

nauna | balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006