Taon 6 • Blg 32

Editoryal at Opinyon, Agosto 16, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Ang sentro ng suliraning Moro

Tuwing sisiklab ang armadong labanan sa Mindanaw, iniaanunsiyo ng gobyerno na kontrolado ang sitwasyon, ipinagyayabang ng AFP na agad malilipol ang mga nanggugulo, at inihahapag ng diumano’y mga eksperto sa Mindanaw – hingin man o hindi – ang sandamukal na solusyon.

Matapos ang serye ng pagkatalo sa Basilan at Sulu, napahiya hindi lamang ang mga heneral, kundi maging ang Punong Kumander nila, na mandi’y umastang mapandigma. Ngayon, tila nakapangibabaw na ang mga mas malamig o mas pragmatikong mag-isip.

Kaya sa wari ay binabalikan ng gobyerno ang pormal na tigil-putukan sa MILF at ang mabuway na tigil-putukan sa MNLF. Gusto nitong balikan ang diumano’y rehabilitasyon at mga proyektong pangkaunlaran sa Mindanaw (na ang marami’y pinopondohan ng US) at simulang muli sa buwang ito ang usapang pangkapayapaan sa MILF – na ngayo’y nababahura sa pinakamasigalot na usapin ng lupaing ninuno. Nanawagan si GMA ng paghihinay-hinay, kinakailangan mang tugisin ng AFP/PNP ang ASG, upang hindi madamay ang MILF at MNLF.

Upang mapahupa ang sitwasyon, inungkat ni Gng. Arroyo ang pagsasauli ng lupaing ninuno sa sambayanang Moro bilang indikasyon ng “sinseridad.” Ngunit alam ng lahat, lalo na ng MILF at MNLF, na walang kuwenta ang mga salita niya bilang sukatan ng sinseridad.

Mahigpit ang pangangailangang balikan ang kasaysayan ng puwersahang pag-agaw ng lupaing ninuno ng Bangsamoro. Unang nangyari ito nang mangibabaw ang kolonyalismong US. Ipinagpatuloy ng mga gobyerno ng Komonwelt at Republika ang inhustisya, kaakibat ng pagsasantabi sa mga Moro sa sarili nilang bayan nang humugos ang mga di-Moro sa lupaing Moro at okupahin ang lupain nila. Naging magsasakang walang lupa ang 80% ng mga Moro, kaya hindi kataka-takang kabilang ang mga lugar nila sa pinakadukha ngayon.

Sa librong Bangsamoro, a Nation under Endless Tyranny (1984, nirebisa noong 1999), tinawag ni Salah Jubair, miyembro ng komite sentral ng MILF, na “legalisadong pangangamkam ng lupa” ang nangyari.

Ayon kay Jubair, matapos pirmahan ang Kasunduang Bates-Kiram noong Agosto 20, 1899, ipinatupad ng gobyernong kolonyal ng US ang Land Registration Act (Act 469) sa Mindanaw. Ginawa nitong rekisito ang nakasulat na pagpapatala ng lahat ng lupang okupado ng sinumang indibidwal, grupo o korporasyon. Nanganak ang batas na ito ng sandamukal na “mga batas ng pagkamkam sa lupa,” pangunahin ang sumusunod:

1. Batas Pampubliko 718 (Abril 4, 1903) – nagpawalambisa sa lahat ng pagkakaloob ng lupa ng mga sultang Moro at datu o pinunong di-Kristiyano kung hindi awtorisado ng estado; inagaw ng batas na ito sa mga Moro ang lupaing pag-aari nila sapul pa noong panahon ng kanilang mga ninuno.
2. Batas Pampubliko 926 (Okt. 7, 1903) – ginawang lupaing pampubliko ang lahat ng naipatala ayon sa Act 469, at maaaring sakahin, ibenta o isanla ng mga indibidwal o korporasyon.
3. Batas sa Pagmimina ng 1905 -- nagbukas sa lahat ng lupaing pampubliko para sa eksplorasyon, paninirahan at pagbili maging ng mga mamamayan ng US.
4. Batas Cadastral ng 1907 – nagpadali sa pag-aari sa lupa ng mga “katutubong nakapag-aral,” maperang mga burukrata at mga Amerikanong speculator.

Sa ilalim ng Komonwelt, marami pang di-patas na batas ang ipinasa:
1. Batas 4197 (Peb. 12, 1935) – nagdeklara na paglipat at paninirahan ang “tanging matagalang solusyon” sa problema ng Mindanaw at Sulu; nagbukas ng pinto “sa pagdagsa ng mga setler sa Mindanaw,” na kumamkam sa pinakamagagandang lupain, lalo na sa gilid ng mga haywey, at nagsimulang magtanim hindi pa man napaparte ang mga lugar.
2. Batas 141 (Nob. 7, 1936) -- nagdeklarang pampubliko ang lahat ng lupaing ninuno ng mga Moro; pinahintulutan ang bawat Moro na mag-aplay sa hindi hihigit sa apat na ektarya habang ang isang Kristiyano ay maaaring mag-ari ng 24 na ektarya at ang isang korporasyon, ng 1,024 na ektarya; bunga nito, napasakamay ng dayuhang mga korporasyon ang libu-libong ektaryang plantasyon ng pinya, saging at iba pa.
3. Batas 441 (Hunyo 1939) -- lumikha sa National Land Settlement Administration; nagbigay ng prayoridad sa mga nakatapos ng pagsasanay-militar (bilang paghahanda sa pananakop ng mga Hapones) sa paninirahan sa Mindanaw.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ipinagpatuloy ang paglipat at paninirahan sa Mindanaw sa ilalim ng Rice and Corn Production Administration at paglalaon, ng Land Settlement and Development Corp. na naglipat sa 1,500 pamilya. Sa ilalim ng RA 1160 o programang Narra, 20,500 pamilya ng dating mga kasapi ng Hukbalahap ang inilipat noong 1954-1963.
Noong Setyembre 1971, sinaklaw ng DAR (Department of Agrarian Reform) ang mga proyekto sa paglipat at paninirahan.

Pagdating ng 1983, nakapaglipat na ang DAR ng 22,639 na pamilya sa Mindanaw. Ang nakalulungkot, ayon kay Jubair, sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng 1987, patuloy na tinanggalan ang mga Moro ng natitira nilang pag-aaring lupain.

Malinaw kung bakit hindi isusuko ng gobyerno ang Mindanaw, o kahit ang kinilalang lupain ng mga ninunong Moro.

Maalwang panabing lamang ang mga satsat tungkol sa soberanya at sa integridad ng teritoryo ng Pilipinas sa tunay na mga dahilan: pag-aari ng malalaking lupain ng mga hindi Moro, kasama na ang mga multinasyunal tulad ng Dole at Del Monte, at pagsasamantala sa hindi pa nagagalaw na yamang likas sa Mindanaw, kabilang ang ginto, tanso at natural gas.

Ipinakita rin ng “giyera kontra-terorismo” ng US ang halaga ng Mindanaw bilang estratehikong base ng mga puwersang militar nito, dahil ito ay nasa sentro ng Timog Silangang Asya at lagusan kapwa sa Gitnang Silangan at Timog Silangang Asya.

Tulad ng mga sinundan nito, gagawin ng rehimeng Arroyo ang lahat para ipagkait sa mga mamamayang Moro ang kanilang lupaing ninuno at tunay na awtonomiya, habang nagpapakitang-tao ukol sa mga ito. Tutal naman, ipinagmamalaki ng presidenteng de facto na kasinglakas siya ng gugustuhin niya. 

Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 17-18 Agosto 2007.

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006