| Kalaliman ng kababawan at kabaliwan
Tulad ng marami sa atin, marami akong “kababawan” sa buhay.
Kapag may kaunting pera kaming mag-asawa, nagpupunta kami sa isang spa na malapit sa aming bahay para magpamasahe. At kung sakaling tinatamad na kaming magluto ng hapunan pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho, tumatawag na lang kami para magpa-deliver ng paborito naming pizza o nagpupunta sa isang fastfood chain para doon na lang kumain. Sa kabila ng napakahigpit naming iskedyul, nakakahanap kami ng panahon para magbakasyon. Pero ang pinakahuling bakasyon namin ay noon pang Oktubre 2006 nang tatlong araw kaming naglibot sa Palawan.
Kailangan kong banggitin ang ilang kababawang ito dahil kumakalat ngayon sa Internet ang ilang artikulong sinulat ng isang manunulat na tila walang inatupag kundi ipagyabang ang kanyang estado sa buhay at maglamyerda sa kung saan-saang bansa. Sa kanyang mga personal na sanaysay na inilabas ng isang diyaryo at isang magasin, lumalabas na ang kanyang layunin ay ipagkalat ang kanyang pagiging mayaman, partikular ang kanyang mga kamag-anak at kaibigang pawang nasa alta sosyedad at ang kanyang kakaibang panlasang hinubog ng pagiging aristokrata.
Alam ko namang may mas malala pa sa akin kung kababawan sa buhay ang pag-uusapan, pero hindi ko akalaing may ganito pala kalala. (Sa puntong ito, hindi na siguro mahalagang banggitin ang kanyang pangalan dahil mas mahalagang malaman ang kanyang ginawa.)
Naikuwento niya sa isang sanaysay na nang minsang napilitan siyang kunin ang economy class na biyahe papunta sa isang bansa, galit na galit siya dahil nakasabay niya ang “maiingay” na OFWs (overseas Filipino workers). Ikinahiya niya ang kadaldalan ng mga katulong at manggagawang nagkukuwentuhan at nagtatawanan tungkol sa kanilang karanasan. Pinuna rin niya ang paggamit nila ng mga mumurahing pabango, kaya napilitan siyang sumulat ng isa pang sanaysay para talakayin ang iba’t ibang pabangong imported at mamahalin na nararapat lang para sa mga katulad niya.
Sa madaling salita, ayaw niyang mapabilang sa tinagurian niyang “godforsaken Third World country” at sa nakararaming mamamayan nitong hindi katulad niyang aristokrata.
Simpleng kababawan ba ang kanyang mga sinulat o tahasang kabaliwan? Bagama’t ang kanyang mga artikulo ay bahagi ng ating ipinaglalabang kalayaan sa pamamahayag, kailangang tandaang may responsibilidad ang bawat manunulat na maging maingat sa paglalahad ng kanilang pagsusuri. May 11 probisyon ang Philippine Journalist’s Code of Ethics at mahalaga sa puntong itong balikan ang dalawa sa kanila: “I shall not, in any manner, ridicule, cast aspersions on, or degrade any person by reason of sex, creed, religious belief, political conviction, cultural and ethnic origin;” at “I shall not let personal motives or interests influence me in the performance of my duties.”
Malinaw ang kanyang paglabag sa mga probisyong ito dahil sa kanyang pagmamaliit nang walang batayang datos sa mga OFW at iba pang naghihirap na mamamayan. Bagamat may lugar ang mga personal na sanaysay sa pamamahayag, hindi dapat personal na motibo o interes ang layunin ng pagsusulat ng mga ito. Dapat na isinasakonteksto, halimbawa, ang personal na karanasan sa panlipunang kalagayan. Hindi maaaring magsulat ang isang tinaguriang mamamahayag para lang magyabang.
Hindi nakakagulat na may hate campaign sa pamamagitan ng Internet ngayon laban sa manunulat na ito. Napakarami ngayong nagagalit sa laman ng kanyang mga artikulo at hindi nakatulong ang kanyang aroganteng tono ng pagsusulat.
Pero kailangang isaisip ang etika sa pamamahayag dahil may mga nabasa akong obserbasyon sa ilang blog na dapat hayaan na lang siyang magsulat nang magsulat, tutal ay naglalahad lang naman siya ng kanyang opinyon. Tandaan nating sa larangan ng pamamahayag, ang mga opinyon ay kailangang may batayang datos. Hinahayaan natin ang pagkakaiba ng opinyon batay sa interpretasyon ng mga malilinaw na ebidensiya, hindi ng subhetibong pananaw ng nagsulat na hindi malinaw ang batayan.
Malamang na hinahayaan ng mga patnugot ng mga pinagsusulatan niyang publikasyon ang tema ng kanyang mga artikulo sa paniniwalang nakakatulong ang manunulat na itong mapataas ang sirkulasyon. Pero ano kayang klaseng impormasyon ang naihahatid nila sa pagbibigay ng espasyo sa mga ganitong klaseng artikulo?
Bagamat nararapat lang na magalit ang nakararaming mahihirap sa pagmamaliit sa kanila ng nabanggit na manunulat, kailangang makita rin ang kabuuang larawan kung bakit patuloy siyang hinahayaang magsulat kahit ang kanyang sinusulat ay labag sa etika sa pamamahayag.
Dinadala ng ating kinaiinisang manunulat sa ibang antas ang konsepto ng kababawan sa buhay. Pero malaking kabaliwan ang hayaan siyang magpatuloy sa pagsusulat nang walang ibinabahaging makabuluhang kaalaman.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
nauna | balik sa itaas | sunod |