| Nabago raw ang manedsment
May epekto ba sa karapatan ng mga manggagawa ang diumano’y pagpapalit ng manedsment ng isang kompanya? Paano ang karapatan sa kaseguruhan sa trabaho ng mga manggagawa? Maari ba itong bale-walain sa prosesong ito?
Ang kasong “Lagunoy Bus Company, et. al., vs. Court of Appeals, et. al.,” (G.R. No. 165598) na dinesisyunan ng Korte Suprema nito lamang Agosto 14, 2007 ay mapagkukunan natin ng sagot sa mga katanungang ito.
Malaki ang pagkakautang sa bangko ng isang kompanya ng bus. Nang hindi na ito makabayad, napilitang magdemanda sa korte ang bangko. Nakakuha ang bangko ng writ of attachment laban sa mga ari-arian ng bus company. Dahil dito, napilitang pansamantalang tumigil sa operasyon ang kompanya ng bus.
Mabuti na lamang at may co-maker sa nasabing utang ng kompanya. Binayaran ng co-maker ang nasabing utang kaya’t pagkalipas lamang ng mga isang buwan, muling nag-operate ang bus company.
Sa pagpapatuloy ng kompanya sa operasyon, sinabi nito na bago na ang kanyang manedsment. Dahil dito, muli niyang pinapirma sa bagong contract of employment ang kanyang mga drayber at inspektor. Walang nagawa ang huli kundi pumirma kahit na silan ay mahigit dalawang taon na sa kompanya. Sa bagong kontrata na kanilang pinirmahan, lumalabas na sila ay mga probationary employees na maaaring tanggalin ng kompanya kapag hindi nagustuhan nito ang kanilang pagtatrabaho.
Bago natapos ang kanilang probationary period, tinanggal ng kompanya ang mga manggagawang ito. Napilitang magsampa ng demandang illegal dismissal ang mga manggagawa laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter.
Ipinanalo naman ng Labor Arbiter ang mga manggagawa. Ngunit pag-apela ng kompanya sa NLRC (National Labor Relations Commission), nabaliktad ang desisyon at inutos ng NLRC na legal ang nangyaring tanggalan. Pumunta naman ang manggagawa sa Court of Appeals at muling nabaliktad ang desisyon. Bilang huling hirit, ang kompanya naman ang umakyat sa Korte Suprema.
Sinabi ng kompanya sa Korte Suprema na bago na ang manedsment nito nang magdesisyon itong magbukas muli pagkatapos maayos ang kanyang utang sa bangko. Ang kanyang co-maker ang nagbayad ng kanyang pagkakautang sa bangko, paliwanag ng kompanya. Sa pagbayad na ginawa ng nasabing co-maker, siya na ang pumalit sa dating mga may-ari ng kompanya. Dahil sa ilalim na ng bagong manedsment ang kompanya, may karapatan ang bagong manedsment na magpapirma ng bagong employment contract sa mga manggagawa at ituring silang muli na probationary employee. Kung hindi man sila nakapasa at naging regular na mga empleyado, hindi na iyon kasalanan ng kompanya.
Hindi napaniwala ng kompanya ang Korte Suprema. Una, ang pagbayad ng utang ng kompanya ng co-maker nito ay hindi nangangahulugan na siya na ang may-ari ng kompanya, paliwanag ng Korte Suprema. Kung talagang siya nga ang nagbayad ng utang ng kompanya, ang ibig lamang sabihin nito ay may pagkakautang ang kompanya sa kanya. Hindi ibig sabihin nito na siya na ang bagong may-ari ng kompanya.
Pangalawa, ang kompanya ay gumagamit pa rin ng parehas na mga sasakyan, parehas na mga rota, parehas na pangalan ng korporasyon, at parehas na mga manggagawa. Ito ay nagpapatunay na walang nabago sa manedsment nito, diin ng Korte Suprema. Ang dating kompanyang kumuha sa mga mangagawa bago ito pansamantalang magsara, ay siya pa ring kompanyang kumuha sa kanila pagkatapos nitong mag-operate muli pagkatapos maayos ang kanyang problema sa bangko.
Isa pa, nakalagay sa Labor Code na ang pansamantalang pagtigil ng operasyon ng isang kompanya na hindi lumalampas sa anim na buwan ay hindi nangangahulugan ng pagkatanggal ng mga manggagawa nito. Isang buwan lamang na pansamantalang nagsara ng kompanya. Ibig sabihin, hindi pa tanggal ang mga manggagawa nito dahil hindi umabot sa anim na buwan ang pansamantalang pagsasara ng kompanya. Dahil dito, obligado ang kompanyang kunin uli ang kanyang dating mga manggagawa sa kanyang muling pagbukas dahil ayon sa Labor Code, hindi pa tanggal ang nasabing mga manggagawa
Kung talagang nawala ang dating manedsment ng kompanya at bago na ang manedsment nito, dapat ay binayaran nito ng separation pay ang mga manggagawa, paliwanag ng Korte Suprema. Pero walang nangyaring bayaran. Ito ay karagdagang patunay na walang naganap na pagbabago ng manedsment sa kompanya.
Dahil dito, walang katuwiran ang kompanya para papirmahin ang mga manggagawa ng bagong employment contract at ituring silang mga probationary employee batay sa bagong kontratang ito. Dati na silang manggagawa at matagal na silang naging regular. Hindi sila dapat gawing mga probationary employee na muli kaya walang batayan sa kanilang pagkatanggal, hatol ng Korte Suprema.
Inutos ng Korte Suprema sa kompanya na ibalik ang mga manggagawa sa kanilang dating trabaho at bayaran ang kanilang backwages.
balik sa itaas | sunod |