Taon 6 • Blg 32

Editoryal at Opinyon, Agosto 16, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Sakit ng kalingkingan...

Hindi simpleng usaping paggawa-manedsment ang itinampok ng PINOY WEEKLY nitong nagdaang linggo (“Dateline Malakanyang: ‘Tanggalan ng Masa’”). Iyo’y indikasyon ng mga nagaganap sa pambansang pamahalaan at pamamahala sa buong lipunan.

Nagsimula sa magandang pananalita at pangako ni GMA, na nauwi sa wala. At mayroon pa palang ilalala ang “wala.” Nangyari sa mga empleyado ng Office of the President ang hindi pa nangyayari sa deka-dekadang ipinagtrabaho nila sa Malakanyang – na nagtulak sa kanila sa isang kongklusyon: Si GMA ang “pinakamasahol” na among napaglingkuran nila.

Gamit ang isang opisyal na kautusan ukol sa diumano’y “rasyunalisasyon ng burukrasya,” niyurakan ang kanilang mga karapatan bilang mga empleyado, pinagtatanggal sila sa trabaho at pinangakuan ng mga benepisyong wala naman pala. Ang siste, bago ang mga ito ay pinaghinalaan sila nang masama, tiniktikan at binansagang “kaaway” – dahil nga ba sa pagsasama-sama nila sa Office of the President Employees Network para maisulong ang kanilang kapakanan?

At kung may pinapaboran man sa kanilang hanay, sila yaong mga itinuturing na “matapat” batay sa kakaibang pamantayan ng Malakanyang.

Kapansin-pansin, na ganitong-ganito rin ang nangyayari sa buong bayan! Ang mga pangako, maluluwalhating talumpati, paggamit ng “batas” at puwersa ng estado, ang paghahanay ng mga “kalaban” at pagyurak sa mga karapatan at pagkatao….

Tila kalabisan nang maghakot ng ebidensiya ng tiwali at mapang-aping pamamalakad sa gobyerno at bayan upang makumbinsi ang mga nagdududa sa araw-araw na pagsingaw ng gangganoong masasamang balita. Walang dapat gawin kundi suriin ang nangyari sa mga empleyado ng Malakanyang – at bulaga! – nahagip mo na ang kabuuan. May padron. May salamin. Ang usok ay sadyang may baga, o apoy, na pinagmumulan.

Huli man ang paglalatag ng pagsubok sa huling yugto ng pamamalakad ng administrasyong GMA, hinahamon pa rin namin ang Palasyo: Harapin ninyo ang inyong mga empleyado. Liwanagin ninyo ang kanilang mabibigat na akusasyon. Igawad sa kanila ang katarungan, at kung ano ang nararapat nilang tanggapin.

Tinatawag namin ang mga kinauukulan sa Malakanyang, mula kay Deputy Executive Secretary for Administration and Finance Susan Vargas, hanggang sa mga mas nakatataas sa kanya, kabilang ang mismong Executive Secretary, si G. Eduardo Ermita at ang tagapagsalita ni GMA, si G. Ignacio Bunye.

Mismong bakuran ninyo ito. Rurok ng kahungkagan kung sasabihin ninyong hindi ninyo alam ang mga nagaganap sa Malakanyang. Hindi naman mahirap sagutin ang akusasyon ng inyong mga empleyado – maliban na lamang kung hindi magpapakatotoo ang mga kinauukulan.

Natutukso tuloy kaming magsabi ng, “Kaya naman pala ganito ang takbo ng buhay ng Pilipino, hindi naman pala kataka-takang magkalintik-lintik. Kasi, sa mismong Malakanyang, ganoon pala ang kalakaran.”
Tama pa rin ang matatanda: Sakit ng kalingkingan, dama ng buong katawan. -- BPI

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006