| Aliw at pag-aaral sa midya Hindi kumpleto ang araw natin kung hindi nakabasa ng diyaryo, nakapakinig sa radyo, nakapanood sa telebisyon o naka-surf sa Internet. Bahagi na ng ating buhay ang midya na pinagkukunan natin ng impormasyon. Para sa nakararaming mamamayan, napakahalaga rin ng midya, partikular ng telebisyon, dahil sa panandaliang aliw na kayang ibigay nito.
Kadalasang ginagamit ang midya para makatakas sa mga araw-araw na problemang kinakaharap natin. Kailangan manood ng mga sitcom at telenovela para makalimutan, kahit pansamantala, ang mga problemang patuloy na nakakapagpasakit sa ating ulo. Ang mga palabas na nangangako ng biglang pagyaman ay patuloy ding sinusubaybayan dahil nakakapagbigay ang mga ito ng ilusyong uunlad rin ang buhay ng isang tao basta’t maghintay lang siya ng grasya mula sa kung saan.
Malinaw na may demand para sa mga ganitong klaseng programa dahil sa kahirapang nararanasan ng nakararaming mamamayan. Kaya nga hindi nakakagulat na ang karamihan sa mga palabas sa telebisyon, ang pinakamaimpluwensiyang porma ng midya sa kasalukuyan, ay may layuning magbigay-aliw.
Kung tatanungin ang mga may-ari at opisyal ng mga broadcast station, malamang na sasabihin nilang ibinibigay lang nila ang gusto ng mga tagapanood. Ang pagkakaroon, halimbawa, ng mga komedyang slapstick at gasgas na istorya – pati na rin ng mga artistang hindi marunong umarte at kumanta – ay kasalanan ng mga manonood. Hindi naman daw sila tatagal sa ere kung walang tatangkilik sa mga programa at artistang ito.
Pero sa bahagi ng mga manonood, sasagutin naman nilang tinatangkilik lang nila ang mga programang ipinapalabas sa telebisyon. Para sa kanila, wala naman silang mapagpipilian. Lumipat man sila sa ibang istasyon, halos ganoon din naman ang napapanood nila at ang kadalasang nag-iiba lang ay ang mga bidang artista. Ang dalawang higanteng istasyon, halimbawa, ay kadalasang pareho ang tema ng primetime programming sa mga nakalipas na taon – mexicanovela, koreanovela, chinovela, fantaserye at ang kasalukuyang revival ng mga dati nang palabas sa telebisyon at pelikula.
Sa sitwasyong nagtuturuan ang mga taga-midya at tagapanood, dapat bang tanggapin na lang ang anumang ipinapalabas sa telebisyon? Sa isang banda, ano ba naman ang masama kung magbigay ng panandaliang aliw ang mga programa sa telebisyon?
Totoo mang ang pagbibigay-aliw ay sinasabing isa sa tatlong function ng midya, hindi dapat kalimutan ang dalawa pa – ang pagbibigay ng impormasyon at pagmumulat. Kung susuriin ang oryentasyon ng karamihan sa mga programang napapanood natin, tila mas binibigyang-pansin ang pagbibigay-aliw. Nariyan man ang pagbibigay ng impormasyon sa pamamagitan ng mga news and public affairs na palabas, ano namang klaseng impormasyon ang naibibigay ng mga programang ito? Sapat ba ang mga ito para makapagpamulat at mapataas ang kamalayan ng mga mamamayan?
Dapat ding tandaang ang pagbibigay-aliw ay hindi dapat ihiwalay sa pagbibigay ng impormasyon at pagmumulat. Maaaring maaliw ang manonood habang nagbibigay ng pagsusuri sa nangyayari sa ating lipunan sa pamamagitan, halimbawa, ng political satire. Mayroon ding mga sayaw at awiting tumatalakay sa kalagayan ng ating bansa na maaaring ipalabas sa telebisyon. Hindi kailangang “takasan” ang problema sa panahon ng pag-aaliw sa sarili. Bakit kaya hindi ginagawa ang mga ito ng midya sa ngayon?
Ang mga may-ari at opisyal ng midya – kahit ipagpalagay na nating nakikinig din naman sa feedback ng ilang tagapanood – ay pangunahing isinasaalang-alang ang interes ng mga advertiser. Ang huli ay pinagkukunan ng kita kaya mapapansing tambak ng patalastas ang mga programa sa telebisyon lalo na sa primetime. Kung noon ay may takdang oras ang simula at wakas ng isang palabas, ngayon ay hindi na nasusunod ito dahil sa mga patalastas na pilit na isinisiksik sa limitadong oras ng pag-eere.
Hindi rin masyadong alam ng karamihan na ang mga advertiser ay mayroon ding hindi direktang kinalaman sa klase ng mga programa sa telebisyon. Ang mga bidang babae, halimbawa, ay kadalasang mahaba ang buhok at makinis at maputi ang balat dahil sila rin ang kinukuhang endorser ng mga produktong pampaganda na kung saan ang mga patalastas ay napapanood sa mga palabas na napapanood sila. Kung minsan pa nga, mapapansin nating ang mga produktong ineendorso ng mga artista ay nakapaloob sa mismong programa.
Sa madaling salita, hindi dapat sisihin ang mga manonood sa klase ng mga programa sa telebisyon. May susing papel ang mga may-ari at opisyal ng midya para magbigay hindi lang ng aliw kundi ng nararapat na impormasyon para mamulat ang nakararaming mamamayan. Pero siyempre, nasa interes ba ng mga may-ari at opisyal ng midya para pataasin ang kamalayan ng mga mamamayan? Hindi ba’t sila rin ang apektado kung sakaling dumating ang panahong mag-aaklas laban sa mga nasa kapangyarihan ang nakararami sa atin?
Kaya kung gusto mong pag-aralan ang midya, simulan mo sa pagsusuri sa mga may-ari at iba pang opisyal na may kinalaman sa pagtatakda ng mga nababasa, naririnig o napapanood mo. Ang sitwasyon sa telebisyon ay makikita rin sa iba pang porma ng midya dahil iisang interes lang ang itinataguyod ng mga may-ari at opisyal nito.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
nauna | balik sa itaas | sunod |