Taon 6 • Blg 30 • Agosto 8, 2007

SHOWBIZ, Agosto 2 , 2007
May pinagmanahan ang best actress sa 3rd Cinemalaya na si Ina Feleo | Boy Villasanta

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
PinoyBiz

Quentin Tarantino, direktor
sa Hollywood, darating sa Pinas


WALA nang urungan ang pagdating ng kilalang Hollywood director na si Quentin Tarantino sa Pilipinas ngayong araw na ito para dumalo sa ika-9 na Cinemanila International Film Festival na itinataguyod ni Tikoy Aguiluz.

Ayon kay Tikoy, planado na ang lahat at pati travel tax ng pamosong direktor ay kasado na rin. Pati ang hotel na tutuluyan nito ay reserbado na rin.

Naging magkaibigan sina Aguiluz at Tarantino sa maraming international film festival na kanilang dinaluhan nang magkasama. Bilib si Quentin sa talino ng Pinoy dahil madalas niyang panoorin ang mga pelikula ni Eddie Garcia bilang direktor.

Ayon sa kanya, impluwensiyado siya ng mga teknika ni Garcia sa paggawa ng pelikula.

Sumikat si Quentin sa pamamagitan ng mga pelikulang Reservoir Dogs, Pulp Fiction at ng dalawang magkasunod na bersiyon ng Kill Bill.

Magbabahagi si Tarantino ng kanyang kaalaman sa pagdidirek sa isang palihan at talakayan sa Gateway Cineplex 10 Cinema 4 sa ika-11 ng Agosto, 2007 kaya maghanda na ang mga interesadong matuto mula sa master ng cinema.

***

Sa Cinemanila 2007 ay magkalaban sa best picture sa competition category ang ipinamamalaking direktora ng India na si Mira Nair para sa pelikulang The Namesake at ang kababayan nating si Brillante “Dante” Mendoza para sa pelikulang Foster Child.

Katunggali rin nila si Critian Mungiu ng Romania para sa 4 Months, 3 Weeks & 2 Days na nagwagi ng Palme d’Or 2007 sa Cannes International Film Festival sa France kamakailan.

Hindi rin magpapahuli ang Nigeria sa pamamagitan ng Ezra ni NewtonI. Aduaka na nominado sa Grand Jury Prize ng Sundance 2007.

Ano ang laban ng Control ni Anton Corbijn ng United Kingdom at United States na kasama sa Official Selection Cannes 2007 Directors’ Fortnight? At ng The Edge of Heaven ni Fatih Akin ng Germany at Turkey na nagwagi ng Best Screenplay sa 2007 Cannes Filmfest?

May ibubuga ba ang Irina Palm ni Sam Garbarski ng Belgium na nauna nang nanalo ng Reader Jury of the Berliner Mongenpost sa 2007 Berlinale International Film Festival sa Germany?

Umariba kaya ang Japan sa lahok nitong Love and Honor ni Yoji Yamana na kasali sa Panorama Section ng 2007 Berlin Film Festival.

Ang pelikula nina Marjane Satrapi at Vincent Paronnaud na Persepolis ay tiyak na mang-aagaw ng eksena tulad ng nilikha nitong ingay sa Cannes Filmfest noong Mayo na nagwagi ng Jury Prize katabla ang Silent Night.

Hindi rin magpapahuli ang Poet of the Wastes ni Mohammad Ahmad ng Iran at ang Postmodern Life of My Aunt ni Ann Hui ng Hong Kong.

Samantala, ang Sankara ng Sri Lanka sa direksiyon ni Prasanna Jayakody ay lalaban nang mahigpitan sa lahat kabilang ang Shotgun Stories ni Jeff Nichols ng Amerika at ang Where are you going, Moshe? ni Hassan Benjelloun ng Morocco.

***

Magwagi kaya muli si Cherry Pie Picache ng Best Actress Award para sa Foster Child sa ika-9 na Cinemanila tulad ng kanyang panalo sa South Africa para sa Kaleldo at sa India sa Foster Child?

Ipinagbunyi ang kanyang tagumpay samantalang ang panalo ni Ina Feleo, anak nina Laurice Guillen at Johnny Delgado ay kinukuwestiyon ang pagwawagi sa Best Actress Award para sa Endo, isang indie film ni Jade Castro.

Ayon sa ibang tagapag-obserba, si Glaiza de Castro ang dapat manalo dahil masyadong komplikado ang karakter nito sa papel na ginampanan sa Still Life.

***

Wala munang pakialam sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez sa mundo dahil parang sila lang ang tao rito nang ipagsigawan ni Ogie sa buong mundo na nais na niyang pakasalan si Regine at magkaanak sila ng dalawa.

Pero hinihintay pa nila ang paglabas ng desisyon ng korte sa pagpapawalambisa ni Alcasid ng kanyang kasal kay Michelle van Eimeren.

***

Magkahiwalay na kaya sina Karylle at Dingdong Dantes ngayong may iba nang kapareha ang aktor sa katauhan ng maganda ring si Marian Rivera?

Magkatambal sa Marimar sina Marian at Dingdong at mukhang iba ang tama ni Dantes kay Rivera.

“Hindi po totoong break na kami ni Karylle. Our affair is stronger than ever. Busy lang kami pareho kaya hindi laging nagkikita,” depensa ni Dingdong.

Absent kasi si Dingdong sa premiere night ng indie film na Ligaw-Liham na pinagbibidahan ni Karylle. Tumatayo ring prodyuser ang anak ni Zsa Zsa Padilla kaya naman nakatutok siya sa okasyon ng Cinemalaya kung saan opisyal na lahok ang kanyang obra.

***

Hindi lang nagpaparinig si Carmen Pateña, ang tinaguriang Shirley Bassey of the Philippines, kina Carmen Soriano at Pilita Corrales kundi tahasan pa niyang sinabi na “Carmen Soriano is a bitch. At kahit si Pilita Corrales, kaya I don’t want to do shows with them anymore.”

Naranasan ni Carmen anya ang mabastos sa kanyang sariling show nang magkasama sila ni Carmen sa Amerika nang hindi pa natatagalan. “She robbed me of my timeslot. Kinopo niya ang buong show. Ilang oras ’yon? One and a half hours samantalang may kasama siya. By the time I had to sing, wala nang tao,” pagtatapat ni Pateña na nasa Pilipinas upang dito na manirahan hanggang sa kanyang katandaan.

Iniwan niya sa US ang kanyang asawang doktor at kaisa-isang anak na lalaki na nagngangalang Roy Ayuyao.

“Pero madalas naman kaming mag-usap sa long distance. No problem,” sabi ni Pateña.

“Nag-show rin kami ni Carmen Soriano and we were supposed to have a duet. You know what she did? She sent Lloyd Samartino to tell me that she couldn’t do a duet with me dahil masakit ang kanyang tiyan. Sabi ko nga kay Lloyd, may monthly period pa ba ang nanay niya?” napapailing na kuwento ni Pateña.

Wala namang partikular insidente kaugnay kay Pilita pero “bitch” din anya ang Asia’s Queen of Songs.

Itinuwid ni Ms. Pateña na wala siyang kamalay-malay na may Shirley Bassey pala nang magsimula siya sa showbiz noong unang mga taon ng 1960s.

“Nauna na ako sa pagkanta sa ganitong boses,” pasubali ni Carmen patungkol sa kanyang dumadagundong at malalim ang hinahagod at hinuguhot na tinig. “Nang pumunta lang kami sa Hong Kong nang kapatid kong si Danny Pateña at saka ko lang nalaman na may Shirley Bassey pala na katulad ko ang boses. Siya ang nanggaya sa akin at hindi ako,” sabi ni Carmen.

May nakarinig anya sa kanya na music expert sa Hong Kong at nang tumirada na si Carmen sa pag-awit ay napagkamalan ng banyagang musikero na si Shirley Bassey ’yon samantalang si Carmen Pateña ’yon.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006