| Buladas ng Asean
Ayon sa mga press release ng ika-40 na Ministerial Meeting ng Asean (Association of Southeast Asian Nations) at ARF (Asean Regional Forum) noong nakaraang linggo, ang Asean ay magiging malakas na blokeng pang-ekonomiya at mahalagang puwersang geo-pulitikal.
Napakalayo nito sa katotohanan. Kahit nagpasya na ang mga lider-Asean na alisin ang taripa sa halos lahat ng produkto pagdating ng 2015, hindi nangangahulugang lalakas na ang kalakalan ng 10-miyembrong bansa. Iniulat ng Business World na bahagya lamang itong tumaas sa sangkapat ng kabuuang kalakalan sa rehiyon kahit binawasan na ang mga taripa noon pang 1993 sa pamamagitan ng Afta (Asean Free Trade Area). Napakaliit nito, kumpara sa EU (European Union) na paulit-ulit at di wastong inihambing ni Gng. Arroyo sa Asean.
Paliwanag ng IPE (Institute of Political Economy), isang lokal na think tank, “Sa praktika, ang Afta at ang tatlong mayor na kasunduan nito (taripa, pamumuhunan at mga serbisyo) ay pagkukunwari ng pampulitikang pagtutulungan ukol sa mga patakarang liberalisasyon sa ekonomiya.”
Dapat maunawaan na ang EU ay nabuo dahil sa nagkakaisang interes ng mga bansang kasapi na pangalagaan ang kanilang tradisyunal na merkado; at para mas mahusay na malabanan ang US sa ekonomiya. Dahil dito, ang EU ay nagkaroon ng malakas na impluwensiyang kolektibo sa ekonomiya.
Samantala, mas idinidikit – noon at ngayon – ng karamihan sa Asean, lalo na ng limang nasa bag-as – Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Singapore at Thailand – ang kanilang panseguridad at pang-ekonomiyang interes sa malalaking bansang labas sa Asean, lalo na sa US. Hindi pa nila kayang solong magtakda ng makabuluhang adyendang panrehiyon.
Ang Asean, sa katunayan, ay binuo noong 1967 sa bendisyon ng US para kontrahin ang paglaganap ng sosyalismo mula sa China, North Korea, Indochina at mga kilusan sa pambansang pagpapalaya sa limang orihinal na miyembro nito.
Kung tatasahin ang pampulitikang pagkakaisa at kalayaan ng Asean bilang lupong panrehiyon, gayundin ang diumano’y natatanging paraan nito sa pagbubuo ng pagkakaisa sa “paraang Asean”, lampas-lampas sa reyalidad ang buladas.
Ayon kay Dr. Francis Gealogo, propesor ng kasaysayan sa Ateneo, “Bagamat ipinapakilalang grupong pang-ekonomiya at pangkultura (kaiba sa naunang mga alyansang pangmilitar at pandiplomatiko), pinanatili ng Asean ang anti-komunistang katangian nito na siyang tanging pinakakumon at nagbibigkis sa grupo.
Dagdag ni Dr. Gealogo, “Hindi inilimita ng karamihan sa orihinal na mga kasapi ng Asean ang anti-komunistang retorika sa patakarang panlabas. Ang demokratikong pamamahala at pagkakamit ng katarungang panlipunan ay boladas lamang. Ang totoo ay ang pagsupil sa mga kilusang komunista sa ilalim ng iba’t ibang opisyal na doktrina ng mga gobyerno (Bagong Kaayusan sa Indonesia, Bagong Lipunan sa Pilipinas, Emergency sa Malaysia).”
Ayon kay Dr. Gealogo, ang terorismo ng estado ay inilarga bilang paglaban sa komunismo “para lalong patatagin ang suporta ng US sa mga gobyerno ng orihinal na mga kasaping bansa… at panatilihin sa kapangyarihan ang karamihan sa mga namumuno sa mga ito. Kaya habang ipinagmamalaki ng Asean ang pagiging kinatawang ‘demokratiko’ ng rehiyon – taliwas sa ‘di-demokratikong’ komunistang Vietnam, Laos at Cambodia – sa kabuuan, mapapatunayan na sa pakahulugan at paraang Asean, mababa ang pagpapahalaga sa mga karapatang pantao at indibidwal na mga kalayaan ng mga mamamayan.”
Samantala, kaya raw tumatanggi ang Myanmar at ang tatlong bansang Indochino sa pagtatayo ng lupong pangkarapatang pantao ng Asean ay dahil sa kanilang “mga gobyernong awtoritaryo o monopolisado ng isang partido”. Binubuhay ng mapanghamak na linyang ito ang lipas na paghahating “demokrasya bersus komunismo”. Pinapalutang nito ang imaheng “black sheep” ng Myanmar habang di lubusang pinapansin ang rekord sa karapatang pantao ng rehimeng Arroyo na kinokondena sa buong daigdig; ang di nagbabagong mapanupil na paghaharing elite sa Singapore, Malaysia at Indonesia; at ang naghaharing hunta-militar sa Thailand. Malinaw na hungkag at ipokrito ang tikas na maka-karapatang pantao at maka-demokrasya ng Asean.
Pinupuri ng mga delegado ng Asean ang kanilang sarili. Nagbuhos ang kinatawan ng US at foreign minister ng EU ng napakaraming papuri sa nakamit ng Asean. Lumulutang sa ulap ang gobyernong Arroyo dahil sa “matagumpay” na pagho-host nito sa huling katatapos na pagtitipon ng Asean. Inaangkin nito ang karangalan sa pagsusulong ng integrasyong pang-ekonomiya, karapatang pantao at seguridad sa rehiyon.
Pero sino’ng pumapalakpak?
Pinaigsing salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 3-4 Agosto 2007
nauna | balik sa itaas | sunod |