Taon 6 • Blg 29 • Agosto 2, 2007

Editoryal at Opinyon, Agosto 2, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Karapatan ng Probationary Employee

Ano ba ang mga karapatan ng isang probationary employee? May karapatan ba siya sa kaseguruhan sa trabaho? Ano ang mga dahilan para siya ay matanggal? Sinagot ng Korte Suprema ang mga katanungang ito sa kasong “Philippine Daily Inquirer, Inc. vs. Leon Magtibay, Jr. et. al.,” G.R. No. 164532, na hinatulan nito lamang Hulyo 24, 2007.

Sa nasabing kaso, nagtrabaho itong si Leon sa Philippine Daily Inquirer bilang empleyadong kontraktuwal sa loob ng limang buwan. Nang magkaroon ng bakante para sa regular na posisyon bilang isang telephone operator sa nasabing kompanya, nag-aplay itong si Leon. Ganoon pa man, kailangan niya munang dumaan sa pagka-probationary employee sa loob ng anim na buwan. Kung maayos ang kanyang pagtatrabaho, gagawin siyang regular ng kompanya pagkatapos ng anim na buwan.

Pumirma sa kontrata si Leon na pumapayag sa kasunduang ito Matapos maipaliwanag sa kanya ng kompanya ang mga dapat niyang gawin para maging regular na manggagawa ng kompanya, nagsimula na siyang magtrabaho.

Isang linggo bago matapos ang kanyang probationary period, nakatanggap ng sulat si Leon mula sa manedsment. Sinasabi sa sulat na hindi niya nagawa ang mga dapat gawin para maging regular na empleyado. Dahil dito, tinatanggal na siya ng kompanya.

Hindi naman nagpabaya si Leon at nagdemanda agad ng kasong illegal dismissal laban sa kompanya. Ayon sa kanya, kung idadagdag ang panahong naging kontraktuwal na manggagawa siya sa kompanya sa panahong siya ay naging probationary employee, mahigit 10 buwan na siyang empleyado ng kompanya. Dahil dito, regular na empleyado na siya nang tanggalin siya ng kompanya. Bilang regular na empleyado, matatanggal lamang siya kung may sapat na dahilan. Pangalawa, hindi siya hiningan ng paliwanag ng kompanya nang siya ay tanggalin. Wala siyang natanggap na show-cause memorandum. Kaya lumalabag din ito sa kanyang karapatan sa due process.

Hindi nakumbinsi ang Labor Arbiter sa argumento ni Leon at pinanalo nito ang kompanya. Nag-apela naman sa NLRC (National Labor Relations Commission) si Leon. Binaliktad naman ng NLRC ang kaso. Inakyat naman ng kompanya ang kaso hanggang nakarating ito sa Korte Suprema.

Kinampihan ng Korte Suprema ang kompanya at ibinalik ang desisyon ng Labor Arbiter.

Ipinaliwanag ng Korte Suprema na hindi puwedeng pagsamahin ang unang pagtratrabaho ni Leon bilang kontrakutwal sa kompanya at pangalawa niyang pagtatrabaho dito bilang probationary employee. Ayon sa Korte Suprema, magkahiwalay at walang relasyon ang una niyang pagtatrabaho bilang kontraktuwal sa kompanya at pagtatrabaho niya uli bilang probationary employee dito.

Bilang probationary employee, maalis lamang si Leon sa kanyang trabaho kung : (1) may makatuwirang dahilan ang kompanya (just cause) o (2) kung hindi niya nagawa ang kanyang tungkulin ayon sa mga batayang ipinaabot sa kanya ng kompanya (failure to meet company standards).

Tinanggal si Leon sa kanyang trabaho dahil sa hindi niya pagpasa sa mga batayan ng kompanya . Hindi niya maitatwa na naipaliwanag sa kanya ng kompanya ang mga batayang ito para siya maging regular na empleyado. Ayon sa rekord, ilang ulit niyang nilabag ang mga batayang ito. Hindi rin naman niya itinatatwa ang mga paglabag na ito. Kung ganoon, malinaw na ayon sa batas ang ginawang pagtanggal sa kanya ng kompanya, sabi ng Korte Suprema.

Dahil sa ang sanhi ng pagtanggal kay Leon ay ang hindi niya pagpasa sa company standards, hindi na kailangang magbigay ng show-cause memorandum ang kompanya. Bilang probationary employee, ipinaliwanag kay Leon ang mga standard na ito na kailangan niyang abutin para ma-regular sa kanyang trabaho. Sapat nang sinabi sa kanya na hindi niya ito naabot at hindi siya nakapasa. Kailangan lamang ang notice at hearing kung ang sanhi ng pagkatanggal ng manggagawa sa trabaho ay ang unang dahilan (just cause), hindi kung ang sanhi nito ay ang hindi pagpasa sa company standards, dagdag ng Korte Suprema.

Tuluyan nang nawalan ng trabaho ang kawawang si Leon.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006