Taon 6 • Blg 29 • Agosto 2, 2007

Editoryal at Opinyon, Agosto 2, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Nanakawin Pa?

TATLONG rehimen na ang nagdaan – Cory, Ramos at Erap – pero masalimuot pa ring tulad ng isang bungkos na abaka hanggang sa administrasyon ngayon ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang paghahabol ng gobyerno sa sinasabing kahindik-hindik na “nakaw at itinatagong yaman” ng pamilya Marcos.

Maliban sa $560 Milyon, ilang mansiyon at sosyo sa malalaking korporasyong kinontrol ng PCGG (Presidential Commission on Good Government), lumilitaw na inutil ang pamahalaang makumpiska ang iba pang kayamanan ng mga kinauukulan na galing diumano sa pandarambong sa kaban ng bayan sa loob ng mahabang panahong pamamayagpag sa poder ng yumaong diktador na si Ferdinand E. Marcos.

Anino na lamang, unang-una, ang ibinulgar noon ng isang Reiner Jacobi – batay sa dokumentong iniharap ng abogado niyang si David Chaikin sa administrasyong Estrada – na depositong $13.2 Bilyon ni Irene Marcos-Araneta sa UBS (Union Bank of Switzerland) na inilipat at pinaghati-hati nang malaon sa mga bangko sa Liechtenstein, Luxembourg at British Virgin Islands, sabi naman ni dating Prokurador Heneral Frank Chavez.

Paano pa ang napabalitang tone-toneladang mga bara ng gintong nasa paliparan diumano ng Kloten o nasa Fort Knox? Paano pa rin ang hinahabol ngayon ng mga Marcos na 10 higanteng mga korporasyon ni Lucio Tan – dati nilang basalyos – na may kabuuan nang yamang $2.3-B ngayon at, gayundin, ang nasa pangalan ng iba pa nilang kroni noon tulad ng mga Cuenca, Benedicto, Campos, at iba pa?

Kahit may “lihim” na talastasang nagaganap diumano ngayon sa pagitan ng mga Marcos at ng administrasyong Arroyo kaugnay ng naturang mga kayamanan, mukhang imposibleng mabawi nga ito agad. Una, kailangang patunayan muna, at aminin ng mga Marcos, na “nakaw” ang mga iyon para makumpiska ng gobyerno. Batay sa naturalesa ni Imelda Marcos, hinding-hindi niya aamining nakaw ang mga iyon para mapangalagaan ang anumang natitira pa nilang karangalan at, sa kabilang banda, napakahabang proseso ang lahat para mapatunayan ito sa usad-pagong na hukuman.

Kung talagang bilyun-bilyong dolyar ang kanilang yaman, saan iyon nagmula? Bilang mga opisyal ng gobyerno, P2.3-M lamang sa isang taon ang magkasanib na kita noon nina Ferdinand at Imelda. Galing ba iyon sa ilegal na mga transaksiyon at komisyon o “kickback” na talamak maging ngayon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan? Galing ba iyon sa pagnenegosyo na ipinagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno, lalo na sa Presidente?

Pinalitaw, noong una, na galing ang tone-toneladang mga bara ng ginto sa maalamat na kayamanang nakulimbat diumano ni Hen. Tomoyuki Yamashita mula sa sinakop niyang mga bansa sa Timogsilangang Asya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at, sa kabilang banda, walang ganoong karaming ginto ang Bangko Sentral ng Pilipinas para mailabas ni Marcos ng bansa. Kung totoong galing iyon kay Yamashita, tanong ng yumaong peryodistang si Teodoro Benigno, naging miyembro ng gabinete ni Cory, “bakit walang nabuhay na sundalo ni Yamashita ang lumitaw para patunayan ito? Bakit walang nagprotesta at naghabol na mga bansa matapos ang giyera?”

Lalong lumabo pa ang lahat nang palitawin naman ng isang Erick San Juan sa kanyang aklat (Raiders of the Lost Gold, 1998) na galing sa Vatican ang mga gintong iyon. Sabi niya, galing ang kayamanan ni Marcos kay Padre Jose Antonio Diaz, naging tesorero noon ng Vatican sa ilalim ni Papa Pio XII. Pinag-interesan umano ni Padre Diaz ang kayamanan ng Vatican, nagbalik ng Pilipinas, nagpalit ng pangalan bilang Kor. Severino Sta. Romana, kinaibigan ang batang-bata’t matalinong abogadong si Ferdinand E. Marcos na tumulong upang legal na mailipat sa pangalan ni Diaz at maideposito kung saan-saang mga bangko ang nasabing kayamanan. Tinuruan ni Diaz si Marcos sa kalakalan ng ginto kaya dumalo pa si Marcos sa inagurasyon ni Presidente Harry Truman ng Amerika bilang opisyal na kinatawan ng J.A. Diaz & Co. na nakalista sa New York Stock Exchange. Paano naman, kung gayon, nailipat ni Marcos sa kanyang pangalan ang mga gintong iyon?

O talagang pinalalabo ang lahat upang hindi mabawi ng gobyerno – kung talagang may layunin itong bawiin – ang anumang “nakaw” na yaman ng pamilya Marcos, lalo na mula sa salapi ng bayan? Natural, hindi dapat patawarin ang anumang pandarambong sa yaman ng bansa, at walang dapat makinabang sa mga iyon kundi ang mismong sambayanan, hindi ang sinumang matataas na opisyal ng gobyerno. Sabi nga, nagmamahal sa pandarambong at inhustisya ang sinumang nagpapahintulot nito, lalo na kung matataas na opisyal pa ng pamahalaan. Kaya, sa anumang negosasyon ngayon ng gobyerno’t pamilya Marcos kaugnay nito, ang “nakaw” na yaman ay hindi na dapat na nakawin pa. - RLO

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006