Hiling ng OFW sa Gitnang Silangan
Magtakda ng espesyal na palitan
Noel Sales Barcelona
Hiniling sa gobyerno ng 2,100 OFW (Overseas Filipino Workers) sa Gitnang Silangan na magtalaga ng isang espesyal na Forex (foreign exchange rate) para sa kanila dahil apektado ng patuloy na paglakas ng piso kontra sa dolyar ang kabuhayan ng kanilang pamilya.
“Nagdurusa na ang pamilya namin sa pagkakawalay sa amin… Huwag naman sanang dagdagan pa ng takot na mauwi sa wala ang aming sakripisyo (sa paghahanapbuhay sa abroad) dahil sa lumiliit ang halaga ng dolyar na naipon namin dahil sa hindi mapigilan at di makatarungang bilis ng pagtaas ng halaga ng piso,” sabi ng petisyong nilagdaan sa internet ng mga OFW na nagpakilala bilang OFW Task Force Special Exchange Rate, na may petsang Agosto 1.
Anila, lalo pang nagpahirap sa kanilang mga mahal sa buhay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin kaya halos wala ring silbi ang ipinapadala sa Pilipinas. Puna nila, sa halip na makatulong ang paglakas ng piso para mapababa ang bilihin, tila kabaligtaran ang nangyayari.
Nilinaw naman ng mga OFW na lumagda sa petisyon na ang tanging hiling nila ay 10% premium o antas ng palitang mas mataas nang kaunti kaysa sa umiiral na palitan sa merkado na P44.00-45.00 = US$1.00 o P50.00 flat-rate (sa palitang piso at dolyar) para sa mga lehitimong OFW. Gayunman, kapag umabot ang kasalukuyang palitan sa halagang P50.00 kada US$1.00, agad na aalisin ang naturang premium o flat-rate exchange.
Nagmungkahi rin ang mga OFW na nakalagda sa petisyon na magtatag ang gobyerno ng isang stabilization fund, kahawig ng sa mga nagluluwas ng produkto palabas ng bansa, at pumasok ang gobyerno sa “Forward Contract or Currency Options” sa mga institusyong pampinansiya para maprotektahan ang remitans o perang ipinapadala ng mga OFW laban sa anila’y “hindi pabor” na pagtaas ng piso kontra dolyar sa darating na mga panahon.
“Nalalaman naming may dagdag na gastusin ang gobyerno sa panukalang ito, na maaari talagang mangyari… Subalit ang posisyon namin, balewala ang dagdag na gastos na ito ng gobyerno, sakaling ipatupad ang aming panukala, sa ganansiyang nakuha na nila mula sa amin at makukuha pa sa susunod na mga panahon,” saad pa ng petisyon.
Sa kabilang banda, tila malabong mapagbigyan ng gobyerno ang kahilingan ng naturang mga OFW dahil ayon mismo kay Sek. Arturo Brion ng Paggawa, mas malamang ang ganansiya o positibong epekto sa bansa ng malakas na piso kaysa sa negatibong epekto nito.
balik sa itaas | sunod |