Taon 6 • Blg 30 • Agosto 8, 2007

BALITA, Agosto 2, 2007
Dahil sa tagtuyot Magsasaka tulungan-KMP Senado nadismaya sa desisyon kay Sen.Trillanes 983 pamilya sa Basilan lumikas Reklamo sa 391,081 boto sa Mindanaw idinulog sa SET

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
BALITA

P12 dagdag-sahod limos — KMU

DISMAYADO ang KMU (Kilusang Mayo Uno) sa P12 dagdag-sahod sa mga obrero sa Kamaynilaan na ipinagmamalaki ng NCR-RTWPB (National Capital Region-Regional Tripartite Wages and Productivity Board). Kapiranggot na limos lamang, ayon sa KMU, ang dagdag na sahod na ito at hindi man lamang makatutulong na maibsan, kahit kaunti, ang hirap na nararamdaman nila sa buhay.

“Hindi nanlilimos ang mga manggagawa para bigyan nila ng P12. Binabastos ng gobyerno ang mga manggagawa na siya namang lumilikha ng yaman ng lipunang ito,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, pambansang tagapangulo ng KMU.

“Buong taon na tagtuyot ang aabutin ng mga manggagawa sa barya-baryang ibibigay ng wage board. Ang katumbas ng P12 ay tatlong itlog o anim na pirasong pandesal o kalahating kilong bigas. Kulang pa nga itong pambili ng dalawang instant noodles na regular nang pagkain ng mga manggagawa,” aniya pa.

Ani Labog, dapat nang isabatas ang panukalang P125.00 dagdag-sahod ng mga manggagawa na matagal nang ibinibitin-bitin ng gobyerno.

Samantala, nanawagan si Anakpawis Rep. Crispin Beltran sa kanyang mga kapwa kongresista na isantabi muna ang kanilang pagkakaiba ng partido para suportahan ang agarang pagsasabatas ng P125 dagdag na sahod para sa lahat ng manggagawa sa buong bansa.

Ipinasa kamakailan ni Beltran sa Kongreso ang HB (House Bill) 1722 na nagtatakda ng P125 dagdag na sahod at ang HB 1723 na nagbabasura naman sa mga regional wage board.  Nakalusot na sa Kamara noong ika-13 Kongreso ang P125 dagdag na sahod ngunit ibinalik uli ito sa mga kongresista.

Ani Beltran kakarampot lamang ang P12 na dagdag- sahod na hindi pa aniya sapat sa isang kilong bigas o dagdag sa pasahe ng mga manggagawa lalo pa’t napipinto umanong dagdagan ang buwis sa pampublikong transportasyon ng 2,600%.

Sinabi ni Labog na hindi mangingiming lumabas sa kalsada ang mga manggagawa sa buong bansa para igiit ang nararapat lamang sa kanila.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006