Taon 6 • Blg 30 • Agosto 8, 2007

Kultura | Agosto 2, 2007
Isang minutong katotohanan | Ilang-Ilang D. Quijano

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
KULTURA

Poster bilang pakikibaka

Sa kasaysayan ng mundo, malaki ang naging papel ng poster para sa pagsulong ng pagbabago. Mula sa pandaigdigang gera hanggang sa gerang sibil ng Pransiya, Cuba, Rusya, Vietnam, Tsina, Switzerland at kahit ng bansang Amerika, ginamit ito bilang midyum ng pamamahayag. Ilan sa mga naging popular na poster ang mga nagtaguyod ng panawagang, “Kalayaan, Kapatiran at Pagkakapantay-pantay”, “Paglingkuran ang Sambayanan”, “Manggagawa ng Sandaigdigan, Magkaisa. Walang Mawawala sa Atin Kundi ang Tanikala ng Pagka-alipin!” at  “Pagkain, Hindi Bala”.

Ayon kay Boy Dominguez, pintor at dating mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas College of Fine Arts, hindi na bago ang paggamit ng poster bilang ekspresyon ng protesta sa Pilipinas. Noong panahon ng batas militar sa ilalim ni Ferdinand Marcos, ang poster ay naging tanghalan ng ideya at pakikibaka na nakatulong sa pagbuklod ng mga mamamayan laban sa diktadurya at panunupil.

Susi sa pagbubuo ng poster ang tamang panunuring panlipunan at pagsasadiwa ng islogan na magtatahi ng hibla para sa pambansang demokrasya, ayon na rin sa beteranong mga mangagawang pangkultura ng Sigwa ng Unang Kuwarto na sina Roger at Fe Mangahas.

Ngayong taon, higit na hinihikayat ng makabayang mga artista at manunulat ang pagmaksima ng poster para wakasan ang dalawang tipo ng “terorismo” sa Pilipinas: ang kahirapan at ang panunupil o terorismo ng pamahalaang Macapagal-Arroyo.

Kasama ang mga artista sa malawak na mamamayang tutol sa Human Security Act bilang absolutong sagot ni GMA sa pagpuksa sa patuloy na lumalalang pang-ekonomiya at pampulitikang krisis.

Mula Hunyo hanggang Hulyo ng taon, ang Sinagbayan (Sining na Naglilingkod sa Bayan), sa pakikipagtulungan sa Concerned Artists of the Philippines at Konseho ng mga Mag-aaral ng UP ay naglunsad ng palihan sa paggawa ng poster para sa mga guro, estudyante at organisasyong sektoral. Ang tema ng palihan ay “Yes to Expression, No to Repression!.”

Ang nagawang mga poster ay itinanghal sa UP Faculty Center Galleria mula noong Hulyo 16 hanggang 20. Una na itong na-eksibit sa martsa ng mga mamamayan laban sa HSA noong Marso 13 at muling ibinandila sa protesta laban sa State of the Nation Address noong Hulyo 23.

Makikita sa poster ang kuwento ng bulag, pipi, bingi hingil sa “demonyong” may iba-ibang hugis: maaari siyang maging isang mapang-akit na mansanas o makamandag na ahas, nakamamatay na pagkain o hinahain na sopas-tao, magaling na manghuhula o nakakabulag na baraha, isang taga-manipula ng human roller o isang Pinoykyo, Ang Papet na Malupet, o di kaya’y isang baril na nakatutok sa ulo mo, si Kamatayan at ang kanyang kalawit, o kaya ay isang bulok na itlog.

Ang demonyo sa iba-iba nitong hugis ay maaaring sistematikong makaloko ng tao, tulad ng administrasyon ni GMA sa tulong ng kanyang mga kampon na sina Eduardo Ermita, Raul Gonzalez, Norberto Gonzales at Jovito Palparan sa patuloy na pakikipagtulungan sa teroristang giyera ng Amerika sa pamumuno ni Bush.

Naniniwala ang mga artista at manunulat na ang HSA ay isang hakbang para sa katuparan ng charter change at pagluklok kay GMA nang lampas sa 2010. Ang batas kontra-terorismong ito ay hindi sagot sa “terorismo” kundi isang batas-busal sa mamamayang nananawagan ng pang-ekonomiya, pampulitika at pang-kulturang pagbabago.

 Si Elfrey Vera Cruz ay  mag-aaral ng  Malikhaing  Pagsulat sa UP at tumatayong Secretary-General ng UP Sinagbayan (Sining na Naglilingkod sa Bayan), organisasyon ng mga kabataang artista at manunulat na nagtataguyod ng progresibong sining at kultura.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami

© Pinoy Weekly 2005 - 2006