Taon 6 • Blg 30 • Agosto 8, 2007

SURING BALITA | Agosto 2, 2007
Lupa at dugo sa lupaing ninuno

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SURING-BALITA

Edita Burgos, ina ng desaparecido
Sa ika-100 araw ng pagdukot kay Jonas Burgos, palaban at handa sa lahat ng maaaring mangyari ang kanyang ina

Napangiti si Edita Burgos. Pangalawang beses na nakaharap niya ang isang sundalong “Abadilla” ang apelyido. Unang pagkakataon nang arestuhin ng isang kinatatakutang Abadilla ang asawa niyang peryodista noong batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ngayon, isang Abadilla ulit ang humaharang sa pagpapalaya ng militar sa kanyang dinukot na anak.

“Noong panahon ni Marcos, muntik na akong suntukin ni Maj. Rolando Abadilla,” kuwento niya. Disyembre 7, 1982 nang salakayin ng mga tropa ng Metrocom o Metropolitan Command ni Abadilla ang opisina ng We Forum. Hinarap ni Edita ang opisyal at nagmatigas na hindi niya isusuko ang asawang patnugot ng pahayagan, si Joe. Namula sa galit si Abadilla at itinaas ang braso, akmang bibigwasan si Edita. Sa eksaktong puntong iyon, pumasok sa eksena ang abogado ni Joe, na ang pangalan ay Joker Arroyo. Ang dingding sa likod ni Edita ang sinuntok ng opisyal. “Ang lakas ng suntok, bagsak ang dingding,” alaala ni Edita.

Biyernes, Agosto 3, nang makaharap niya si Lt. Col. Arthur Abadilla sa Court of Appeals sa kasong writ of habeas corpus na inihain niya para ilabas ng militar si Jonas Joseph Burgos, aktibista at miyembro ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan. Lahat ng ebidensiya ay nagtuturo na ang militar ang dumukot sa 36 na taong gulang na anak niya.

“Di ko alam kung kamag-anak nitong (bagong) Abadilla ’yung dating Abadilla,” sabi ni JL Burgos, kapatid ni Jonas.
Ang bagong Abadilla ang kasalukuyang provost marshal ng AFP (Armed Forces of the Philippines). Trabaho niya ang gumawa ng internal na imbestigasyon sa tiwaling mga opisyal. Noong Mayo 9, 11 araw matapos dukutin si Jonas sa Hapag Kainan sa Ever Gotesco sa Commonwealth, Quezon City, inutusan ni AFP Chief of Staff Hen. Hermogenes Esperon si Abadilla na imbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ng mga sundalo sa pagdukot kay Jonas. Sa korte, inilahad ng security guard na si Larry Marquez, 22, na nakita niya si Jonas na sapilitang isinasakay sa isang Toyota Revo na kulay maroon at may plakang TAV 194. Ang plaka ay sa isang sasakyan na impounded ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Norzagaray, Bulacan.

Kinilala ng ibang impormante ang isa pang sasakyang kasama sa pagdukot, na may plakang XBC 881, isang Toyota Altis. Inamin ng AFP na ito ang official service car ni Army Chief Lt. Gen. Romeo Tolentino. Mariing itinanggi ng AFP ang akusasyong sangkot sa krimen ang kotse. (Ayon sa isa pang impormante, ang kotseng may plakang XBC 881 ay isang pula o maroon na Toyota Corolla.)

Nang hindi pa nabubusalan ang bibig ni State Prosecutor Emmanuel Velasco, malaya niyang inilalahad sa midya ang progreso ng kanyang imbestigasyon na direktang nagsasangkot sa mga tauhan ng AFP.

Samantala, sa Court of Appeals, inamin ni Abadilla na inimbestigahan niya ang 16 na opisyal at sundalo ng 56th IB. Sa husay ng direktang eksaminasyon ng abogado ng pamilyang Burgos na si Dean Pacifico Agabin, nahikayat si Abadilla na pangalanan ang ang ilang opisyal, tulad nina Lt. Col. Noel Clement at Lt. Col. Melquiades Feliciano.

Pero tumanggi si Abadilla na ibigay sa korte at kay Edita ang kanyang ulat sa imbestigasyon. “Isinumite ko na (iyon) sa aking boss. Wala akong karapatang magdala ng anumang dokumento sa korte nang walang permiso ng Chief of Staff,” giit ni Abadilla. Wika ng korte, dapat tiyakin ni Abadilla na maipapakita ang ulat ng imbestigasyon matapos magpaalam kay Esperon. Pero matigas na tumanggi ang opisyal-militar. Kasintigas, ani Edita, ng suntok ni Abadilla noong panahon ni Marcos.

Eh ano kung NPA?
Walang duda sa isip ni Edita na militar ang dumukot kay Jonas. Maging ang Court of Appeals ay kumbinsido. Katunayan, iniutos nito na ilabas na ng Philippine Army si Jonas. Tulad ng inaasahan, itinanggi ng Army na nasa kanila si Jonas. Sa yugtong ito ng balitaktakan, idineklara ni Lt. Gen. Tolentino na, batay diumano sa kanilang imbestigasyon, miyembro ng NPA (New People’s Army) si Jonas.

Eh ano kung NPA? Ito ang sundot maging ng karaniwang taong naniniwala sa demokrasya. Sakali ngang NPA si Jonas, dahilan ba iyon para siya ay dukutin, ilegal na idetine, pahirapan? Maging ang karaniwang kriminal ay inihaharap sa korte, hindi sinasaktan, itinuturing na inosente habang hindi pa napapatunayang maysala, idinadaan sa paglilitis bago sintensiyahan. Bakit nilalabag ng Army ang proseso ng demokrasya?

Kung NPA nga si Jonas, AFP ang may motibo at kakayahang dukutin at iwala siya.

Dahil sa ganitong postura ng militar, at sa kabila ng gabundok na ebidensiya, matindi ang pangamba ni Edita. “Hindi nila ilalabas si Jonas dahil kapag (ginawa nila iyon), parang inamin na nila ang pagdukot sa iba pa,” sabi ni Edita. Habang sinusulat ang artikulong ito, 185 na ang dinudukot dahil sa kanilang pampulitikang paniniwala. Sa karamihan ng mga ito, ebidensiyang sirkumstansiyal lamang ang nagtuturo na mga tauhan ng AFP ang dumukot. Iilan lamang ang kasong may malakas na ebidensiya na direktang nagsasangkot sa AFP. Isa rito ang kaso ni Jonas.

Pinaghahandaan na ni Edita ang posibilidad na hindi na ilalabas nang buhay si Jonas. Pinalakas pa ito ng text sa kanya ng isang opisyal-militar na huwag nang hanapin si Jonas dahil patay na raw. “Marami kaming kaibigang opisyal na nakakausap. Ang sabi nila, maghanda na raw ako. Kasi, malamang na pinatay na siya,” ani Edita.

Malabo na nga. Pero may mga indikasyong nagsasabing maaaring buhay pa ang biktima. Isa na rito ang sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita kay Edita. Si Ermita ay kaibigan, at katunayan ay ninong pa nga ni JL, kapatid ni Jonas.

“Kinausap namin si Ermita. Sabi ko sa kanya, ‘Sige naman o, ilabas n’yo na ang anak ko’. Ang sagot ni Ermita, gagawin niya ang lahat sa saklaw ng kanyang kapangyarihan. E di parang inamin na rin nila. Hindi niya itinanggi na nasa kanila si Jonas. Ang sabi niya, gagawin niya ang lahat.”

Relihiyoso, saradong Katoliko at mapamahiin si Edita. “Hindi pa siguro pinapatay si Jonas. Kasi, mararamdaman ko iyon kapag patay na siya,” aniya. Sa kabila ng pagpapaalala sa kanya ng mga nagmamalasakit na “wala namang magagawa ang pagsimba-simba” para mahanap si Jonas, ina siyang kumakapit sa paniwalang ang dasal ay makapangyarihan, lalo na sa sitwasyong gaya ngayon. Hanggang magkaroon ng katiyakan ang kapalaran ni Jonas.

Panganib
Sa paghahanap sa anak, maging ang buhay ni Edita ay nalalagay sa panganib. Noong nakaraang mga linggo, tuwing umuuwi sa Quezon City ay nakakaramdam siya na may bumubuntot sa kanya. Minsan, habang nag-iikot sa Shopping Center sa UP Diliman, napansin niyang sinusundan siya ng isang babae. Pumasok siya sa isang tindahan, sinundan pa rin siya. Nagpanggap ang espiya na nagbebenta ng siniguwelas. Binili niya, pero bago iabot ang pera, binulungan niya: “Masama iyang ginagawa mo. Mananalangin akong hindi ka mapunta sa impiyerno.” Namutla ang babae at kumaripas ng takbo, hindi man lang kinuha ang bayad. “May libreng siniguwelas tuloy ako,” patawang kuwento ni Edita.

Sa isa pang pagkakataon, sinundan siya sa isang kumbento sa New Manila. Nilapitan niya ang lalaki at sinabihang pumasok na lamang sa simbahan at doon siya hintayin. Umalis ang lalaki, sumakay sa isang nakaparadang sasakyan.

“Kailangan talaga, hinaharap mo (ang mga espiyang nagmamanman). Kausapin mo nang maayos. Kasi, gusto nilang takutin ka. Imbes na matakot, hinaharap ko,” sabi niya.

Ito ang aktitud niya sa paghahanap kay Jonas. Alam niyang layunin ng pandarahas ng estado na takutin ang mga mamamayan, para hindi na magreklamo. Pero sa halip na matakot, dapat ay lalong harapin ang estado. Dapat singilin at igiit ang nararapat. Tulad ng matapang na pagharap niya sa mga Abadilla.

Batid niyang sa susunod, maaaring higit pa sa bigwas o suntok ang tatama sa kanya. Pero handa si Edita Burgos, isang ina ng desaparecido, na harapin anuman iyon.

Joe: orihinal na aktibistang Burgos

“Aktibista ako! Aktibista ako!” Ayon sa mga saksi, ito ang isinisigaw ni Jonas Burgos habang siya ay kinakaladkad ng mga dumukot sa kanya. Pagpapaalam ito sa mga tao na siya ay hindi masamang elemento ng lipunan – at nilalabag ang kanyang mga karapatang pantao.

Sa pamilya Burgos, ang naunang aktibista ay ang ama, si Jose “Joe” Burgos (Enero 4, 1941-Nobyembre 16, 2003) -- “press freedom icon” o simbolo ng malayang pamamahayag.

Sa init ng batas militar ni Marcos, pinangahasan ni Joe ang paglalabas, noong Mayo 1977, ng We Forum, isang tabloid na napakapangkaraniwan ang itsura. Pero kabilang sa nilalaman rito ang mga sulating tumatalakay sa mga paksang bawal – mga abuso ng batas militar, paglabag sa mga karapatang pantao, mga balita tungkol sa oposisyon sa diktadura ni Marcos. Katulong ni Joe ang kabiyak na si Edita at mga anak sa matapang na inisyatiba.

“Patago ang pagbebenta ng We Forum. Pabulong ang pagbili ng mga tao. Para bang bumibili sila ng pornograpiya,” rekoleksiyon ni Joe. We Forum ang unang pahayagang kontra sa batas militar na ibinebenta noon nang “legal,” bagaman marami nang “ilegal” na pinalalaganap ang kilusang lihim, gaya ng Ang Bayan, Taliba ng Bayan, Liberation, Balita ng Malayang Pilipinas, Ulos, People’s Courier, Dare to Struggle/ Dare to Win.

Noong Disyembre 7, 1982, nireyd ng mga sundalo ang opisina ng We Forum. Arestado si Joe at siyam niyang kasamahan. Subersiyon ang ikinaso sa kanila (hindi terorismo dahil hindi pa presidente si Gloria noon).

Nang lumaya, itinuloy ni Joe ang publikasyon, gamit ang pangalan ng isa pa niyang proyekto, ang Malaya. Ito ang diyaryong bukodtanging naglabas ng buong istorya ng pagpatay kay Ninoy Aquino noong Agosto 1983.

Nang tanggapin ni Joe ang 1986 International Journalism Award ng Inter Press Service para sa pagdedepensa ng kalayaan sa pamamahayag, sinabi niya, “Kung ako lang ang masusunod, mas gusto kong maibigay ang karangalang ito sa bawat mamamahayag na Pilipino na napatay o pinaglaho noong mga taon ng bangungot ng paninikil. Sila ang tunay na mga bayani ng malayang pamamahayag sa aking bayan.”

balik sa itaas

Jonas: supling ng panahong ligalig

LUMAKI sa diyaryo si Jonas Joseph “Jayjay” Burgos. Ipinanganak noong Marso 29, 1970 sa isang pamilyang pang-araw-araw na ugali ang pagbabasa ng diyaryo at pag-uusap hinggil sa mga usaping pambayan kapag naghahapunan.

Kinagisnan ni Jonas ang maraming tampok na pangyayari sa kasaysayan. Nasa gitna ng mga kaganapang ito ang kanyang amang si Joe Burgos, na aktibong kalahok bilang mamamahayag.

“Nagbebenta pa (si Jonas) noon ng diyaryo,” kuwento ni JL Burgos, nakababatang kapatid. Lumaki siya sa gitna ng ligalig ng batas militar ni Marcos. Naging palaruan niya ang mga opisina ng iba’t ibang pahayagang inilalathala ng ama. Kalaro niya ang mga kapatid, gayundin ang mga mamamahayag at manggagawa sa midya.

Maagang nasangkot si Jonas sa progresibong pulitika. Ayon kay JL, siniguro ng kanyang ama na masanay ang mga anak na malayang magbuo ng opinyon at makapagpahayag ng kuru-kuro. “May mga family meeting kami, at bawat isa, malayang nag-aambag sa pagdedesisyon,” ani JL. Hindi man sila laging nagkakasundo ng pananaw, nirerespeto nila ang isa’t isa.

Natuto rin si Jonas maglitrato. Nahilig sa pagsusulat. Sa huli, mas ginusto niya ang pag-aaral ng agrikultura at paglilingkod sa mga magsasaka nang umanib siya sa Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan.

Sa limang magkakapatid (ikatlo si Jonas), mas napalapit si JL kay Jonas. Ang nawawalang kuya ay malaking impluwensiya sa pulitika ni JL.

Balik sa itaas

balik sa itaas

 

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006