Buhay-Lumad: Pakikibaka, hindi pag-indak sa kalye
Tyrone Velez
Malayo sa katotohanan ng buhay-Lumad ang iba’t ibang pagdiriwang na gaya ng Kadayawan.
Ayon sa National Commission for Culture and the Arts, may 13 pagdiriwang o kapistahan taun-taon ang Lumad sa Mindanaw.
Isa na rito ang Kadayawan sa Davao tuwing Agosto. Sabi ng mga promoter nito, ito ang “pista ng mga pista.” Tampok sa Kadayawan ang “Indak-Indak sa Kalye” – ang mga kalahok na galing sa iba’t ibang rehiyon sa Mindanaw ay nagpapakita ng mga sayaw ng kanilang tribo sa saliw ng malakas na tugtog at suot ang makukulay na damit.
Bagamat ang ganitong mga selebrasyon ay nagbibigay-kulay sa tradisyon at kultura ng Lumad, ang totoong buhay nila sa kabundukan ay isang mapait na pakikibaka para sa lupa at lahi.
May 18 tribong Lumad sa Mindanaw: Ata Manobo, Bagobo, Banwaon, B’laan, Bukidnon, Dibabawon, Higaonon, Mamanwa, Mandaya, Mangguwangan, Manobo, Mansaka, Matigsalog, Subanen, Tagakaolo, T’boli, Teduray at Ubo. Sa huling estadistika ng pamahalaan noong 1994, may 2.9 milyon na lamang ang kanilang populasyon.
Pananalakay ng “kaunlaran”
Laging nanganganib ang Lumad na mapaalis sa kanilang lupain dahil sa pangangailangan ng “kaunlaran,” wika ni Monico Cayog, 72-taong gulang na lider-Bagobo sa Davao del Sur. Ang malalaking kompanya ng minahan, trosohan, plantasyon, at hydroelectric power ay walang pangiming pumapasok sa kanilang lupaing ninuno (ancestral domain).
Isang plantang hydroelectric power ng mga Aboitiz ang itatayo sa Tudaya Falls sa Sta. Cruz, Davao del Sur. Sa mga Bagobo, banal na lugar at sambahan ang Tudaya. Kamakailan, sumama si Cayog, na pangulo rin ng Kahugpungan ng Lumad sa Mindanaw o Kalumaran, sa ritwal na naganap sa Tudaya para ipag-adya ang sagradong lupain sa tinatawag na development aggression.
Pananalakay rin sa ngalan ng kapitalistang “kaunlaran” ang nangyayari sa iba pang lugar na pinagpapabuksan ng mga plantasyon, sabi ni Dulphing Ogan, isang B’laan ng Sultan Kudarat at kalihim ng Kalumaran.
Sa State of the Nation Address ni Pangulong Arroyo, binigyang-diin ang “pag-unlad ng ekonomiya sa Mindanaw,” kasama ang pagpapalawak sa agribusiness at mga proyekto sa kuryente. Ibig sabihin, pagpapalawak ito ng conversion ng mga taniman ng palay at mais para maging plantasyon sa pinya, niyog at saging, sabi ni Ogan. Ito ay nangyayari na sa Socsksargen, Bukidnon at Compostela Valley.
Ayon kay Ogan, ang mga negosyante lang ang uunlad sa eksport ng mga prutas. “Hindi naman namin makakain itong mga pinya… Paano tayo kakain ng kanin at mais kung i-convert na ang mga taniman?” Kalahati ng taunang pambansang produksiyon ng bigas at mais ay kontribusyon ng Mindanao sa bansa.
Paglaban ng Lumad
Gutom ang aabutin ng Lumad sa tinatarget ng gobyerno na 10 lugar sa Mindanaw para sa pagmimina, karamihan ay lupaing ninuno ng Lumad. Tulad sa Siocon, Zamboanga del Norte, ang Toronto Ventures, kompanyang Canadian, ay kumakalbo sa Mt. Canatuan, ang banal na lupa ng tribong Subanen. Balak pa ng Toronto Ventures ang pagpapalawak ng pagmimina sa katabing mga probinsiya.
Naaalarma ang Zamboanga Norte People’s Alliance Against Mining, na binubuo ng mga Subanen at magsasaka, sa pagtambak ng mga toxic waste ng pagmimina sa mga ilog at irigasyon sa palayan. Iniulat din ng grupo na nagkaroon na ng pagguho sa sulfide dam noong nakaraang buwan. Isa ang namatay.
Ayon kay Cayog, walang silbi ang Indigenous People’s Rights Act, ang batas na diumano’y nagtatanggol sa mga karapatan ng katutubo. Sa halip, “mismong ang National Commission for the Indigenous Peoples na iniluwal ng nasabing batas, ang siyang nagbebenta ng mga Certificate of Ancestral Domain Title sa malalaking kompanya.” Ganoon ang nangyari sa Tampakan, South Cotabato - ang nasabing mga titulo ay napasakamay ng Sagittarius Mines.
Ngunit sabi ni Ogan, “kung magprotesta ang Lumad, papasok naman ang militar para protektahan ang mga kompanya.” Sa ganoong sitwasyon, hindi malayong lumitaw naman ang mga pang-aabuso, gaya ng nangyari sa komunidad ni Ogan na lumalaban sa Sagittarius. Paratang ng militar, mga New People’s Army ang may kagagawan kung kaya lumalaban ang Lumad.
Naitala rin ng Indigenous People’s Human Rights Watch na 61 sa 129 na katutubo na napaslang sa administrasyon ni Arroyo ay mga Lumad ng Mindanaw, kasama ang mga menor de edad. Karamihan ay biktima ng mga operasyong militar, operasyong paramilitar at mga death squad.
Ngunit hindi ito hadlang sa pakikibaka ng mga Lumad. “Para sa amin, ang lupa namin ay aming buhay,” sabi ni Cayog.
Simula Agosto 9, gugunitain ng Kalumaran ang Linggo ng Katutubo. Ito ay ayon sa United Nations Declaration of the Decade of Indigenous Peoples, na idineklara noong 1994.
Higit pa sa partisipasyon para itampok ang mga tradisyon at kultura, ang pagkakaisa at pagkilos ng mga Lumad ang ultimong pagdiriwang ng buhay-katutubo.
balik sa itaas | sunod |