Taon 6 • Blg 30 • Agosto 8, 2007

SAMU'T SARI , Agosto 2, 2007
Alin ang mas masustansiya: Tubig o Diet Coke Plus? | Angel Tesorero
Ang Linggong ito sa Kasysayan


home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SAMU'T SARI
Pananakit ng panga

Naranasan na ba ninyo ang sobrang pananakit ng panga? Maaaring mayroon kayong TMJ o temporomandibular joint disorder. Ibig sabihin, naghiwalay ang litid (cartilage) na nag-uugnay sa panga na sanhi ng pagsakit at pag-unat ng kaugnay na mga sensory nerve nito.

May ilang kaso naman na ang pagsakit ng panga ay dahil hindi maigalaw nang maayos ang mga kalamnan ng ibang parte ng katawan na humihila sa panga.

Bukod sa maling paghahanay (alignment) ng katawan, ang TMJ ay puwedeng sanhi rin ng Ehlers-Danlos Syndrome, hereditary connective tissue disorder, Marfan Syndrome, o iba pang suliranin sa connective tissue. Ilang sintomas ng sakit na ito ang sumusunod: irritable bowel syndrome, lubog na dibdib (pectus excavaum), scoliosis, problema sa pagdinig, matagal na paggaling ng sugat at pagdurugo.

Isang pag-aaral naman sa Sweden ang nagsasabing ang TMJ, hypermobility at depektibong connective tissue ay puwedeng sabay-sabay na danasin ng taong may connective tissue disorder o may bahagyang abnormalidad sa connective tissue.
Bukod sa magkakaugnay na mga sintomas, isa pang maaaring sanhi ay ang malnutrisyon. Resulta nito ang kakulangan ng HA (hyaluronic acid), na mahalagang sangkap sa connective tissue na tumutulong bilang proteksiyon (cushion) at sa pag-lubricate sa iba’t ibang parte ng katawan.

Ang pag-abuso sa kamay ay maaari ring sanhi ng pagsakit ng kalamnan ng mga taong may TMJ. Isang halimbawa ang sobrang paggamit ng computer mouse na nakakapagpatigas ng mga kalamnan.

Ang kakulangan sa Magnesium ay isang kondisyon na kaugnay ng TMJ. Halimbawa, ang mitral valve prolapse at fibromyalgia ay maaaring maging sanhi ng pagtigas ng kalamnan at defective connective tissue. Ang pagsakit ng ulo at TMJ ay karaniwang nangyayari dahil sa kakulangan ng Magnesium.

Sa kabuuan, ang tamang postura ay malaking tulong sa taong may TMJ, gayundin ang ang tamang body alignment at pagpapaluwag ng tumigas ng mga kalamnan. Malaki rin ang maitutulong ng mga sumusunod para sa mga taong nakakaranas ng TMJ:
• Pagbabago ng pagkain o diet, lalo na ang pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa Magnesium
• Pagsasaayos ng computer workstation at paggamit ng optical scanner mouse
• Paggamit ng bulsa de yelo
• Paggamit ng mas matalas na kutsilyo sa kusina
• Pagkonsulta sa physical therapist na espesyalista sa ergonomics at postura
• Pagyoyoga at ergonomic na pag-uunat araw-araw
• Paggamit ng back roller
• Trigger point therapy at moist heat
• Pagbabasa ng mga aklat tungkol sa yoga, repetitive stress injuries at body alignment.

balik sa itaas

Tala Kaalaman

(Pagpapatuloy ng listahan ng mga batas na ipinatupad ng mga kolonyalistang Amerikano para kontrolin ang pag-aari ng mga lupain sa Mindanao. Basahin ang PINOY WEEKLY Bolyum 6, Bilang 28 para sa panimula.)

• Public Land Act #1718 ng 1903 – nagpawalang-saysay sa katuturan ng mga lupang ibinahagi o ipinamigay ng sinumang sultan o datu batay sa kanilang katutubong paniniwala; wala na silang ganoong kapangyarihan kung walang pahintulot ang gobyerno
• Public Land Act #926 ng 1903 – nagbukas sa sistemang homestead at nagpahintulot sa pagbebenta at pagpaparenta sa mga lupang pampubliko, pati sa mga dayuhan; dahil dito, nagsimula ang mga plantasyon ng goma, niyog, cassava at abaka sa Lanao, Cotabato, Basilan at Davao
• Land Act ng 1905 -- nagdeklarang pampubliko ang mga lupang hindi narehistro ayon sa Land Registration Act ng 1902; lalo nitong pinagtibay ang pagkawalay ng mga lupang ninuno sa mga angkang dati-rati’y umaangkin at gumagamit nito ayon sa kanilang nakagawiang mga batas
• Cadastral Act ng 1910 -- nag-utos sa cadastral survey sa mga lupa bago magkatitulo ang mga may-ari. (Itutuloy)

balik sa itaas

Ang Linggong ito sa Kasaysayan

9 Agosto
1876 Si Josephine Bracken ay isinilang sa Victoria, Hongkong. Ikinasal siya kay Jose Rizal sa bisperas ng kamatayan ng bayani. Matapos barilin si Rizal, siya ay sumanib sa mga Katipunero sa Cavite bilang isang nars. Bumalik siya sa Hongkong noong 1898. (Siya ay namatay noong Marso 14, 1902)

10 Agosto
1898 Kaarawan ni Lorenzo Tañada, anti-imperyalistang pulitiko at unang tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan. Siya ang pinakamatagal na nanungkulang senador sa Pilipinas (1947-1971). Sa senado at iba pang porum, matapang niyang binaka ang mga patakarang imperyalista at ipinagtanggol ang mga militanteng aktibista, kahit noong batas militar. (Siya ay namatay noong Mayo 28, 1992.)

13 Agosto
1898 Sa kunwaring labanan sa Manila Bay, sumuko ang armadang Kastila sa US Navy – at nagsimula na ang kolonyalismong US sa Pilipinas. Bahagi ito ng panlilinlang ng Espanya at US sa pamahalaan ni Hen. Emilio Aguinaldo upang agawin sa mga Pilipino ay tagumpay ng kanilang rebolusyon.

14 Agosto
1835 Si Padre Jacinto Zamora, isa sa tatlong paring kilala sa tawag na Gomburza, ay isinilang sa Pandacan, Maynila. Ang tatlong paring martir ay binitay ng mga Kastila noong Pebrero 17, 1872 sa Luneta sa gawa-gawang krimeng rebelyon -- walang iniwan sa mga walang-batayang kasong ipinaparatang sa mga makabayan ngayon.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006