Taon 6 • Blg 29 • Agosto 2, 2007

Editoryal at Opinyon, Hulyo 27, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Ang Asean at ang kababaihan ng daigdig

Mga mare, laman ng mga balita ang pagdating dito sa Pilipinas ng mga pinuno ng gobyerno ng iba’t ibang bansa upang dumalo sa 40th Asean Ministerial Meeting, Post Ministerial Conferences at 14th Asean Regional Forum. Ang 10 bansang kasapi ng Asean at 17 bansa, kabilang ang US, ay lumahok sa mga pulong upang talakayin ang diumano’y kooperasyon ng mga gobyerno sa usapin sa ekonomiya at seguridad sa Asya. Tampok dito ang pagbabalangkas ng charter o konstitusyon na maglalaman ng mga regulasyong dapat ipatupad ng mga kasapi ng Asean sa kani-kanilang mga bansa. Ang pagpipinal ng charter na ito ay magaganap sa ilulunsad na Asean Summit sa darating na Nobyembre sa Singapore.

Pero para sa ating mga Pilipino, ano ba ang Asean at kahulugan ng mga pulong na ginaganap sa loob nito?

Ang Asean, mga mare, ay isang organisasyong binuo bilang lunsaran ng US at iba pang makapangyaring bansa para iayon sa “globalisasyon” at “US war on terror” ang mga patakaran sa ekonomiya at pulitika ng mga bayan sa Ikatlong Daigdig. Layon ng mga pulong ng Asean na iluwal ang mga patakaran para tiyakin ang mahigpit at tapat na pagtalima ng mga gobyerno tulad ng Pilipinas sa patakarang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon. Sa katunayan, mga mare, kaya bagsak ang ating agrikultura at indusriya na nagdudulot ng malawakang disempleyo; kaya walang tigil ang pagtaas ng presyo ng langis at bilihin; kaya mahal sa halip na libre ang edukasyon, ospital at iba pang batayang pangangailan; kaya halos busabos ang kalagayan ng maraming Pilipino, ay dahil sa masugid na pagsunod ng ating gobyerno, laluna ng pinakadakilang tsimay ng US na si Gng. Arroyo, sa mga patakaran ng mga organisasyon tulad ng Asean.

Tinitiyak din ng Asean ang pagsunod nito sa US sa linyang “pulbusin ang mga terorista,” na kalauna’y nalantad rin bilang marahas na giyera at pagpatay sa kalayaang sibil ng mga mamamayan para higit na kontrolin ang ekonomiya ng mahihirap na bansa alinsunod sa interes at pangangailangan ng dayuhang mga korporasyon. Kaya, mga mare, magtataka ka pa ba kung bakit itinutulak ng gobyernong Arroyo ang maigting na operasyong militar na hindi naman terorista ang tinatamaan kundi mga lider ng lehitimong mga organisasyong masa at inosenteng mga sibilyan? Magtataka pa ba tayo na minadali ang pagsasabatas ng Anti-Terror Law o Human Security Act?

Mga mare, ang karahasang dinaranas natin dahil sa mga patakarang ito ay hindi malayo sa nararanasan ng mga mamamayan, lalo na ng kababaihan, sa Ikatlong Daigdig. Kasabay ng ginanap na pulong ng Asean, inilunsad din ang Asian Rural Women’s Consultation dito sa Pilipinas. Sa pakikipagtulungan sa Gabriela ng Pan-AP (Pesticide Action Network –Asia and the Pacific), ginanap ang pagtitipon ng mga lider-kababaihan mula sa Bangladesh, China, Hong Kong, India, Korea, Nepal, Malaysia, Pakistan, Sri Lanka, Thailand, Cambodia, Mongolia at Pilipinas. Tampok na tinalakay rito ang mga isyu na nagpapahirap partikular sa kababaihang nasa kanayunan sa panahon ng “globalisasyon.” Nagkaisa ang mga kalahok sa kumperensiya sa isang deklarasyon ng pagkakaisa at pagtutulungan para pag-ibayuhin ang paglaban sa anti-mamamayang mga patakaran ng kani-kaniyang gobyerno at mga organisasyon tulad ng Asean. Kasunod nito ay ilulunsad naman ang Wisap (Women’s International Solidarity Affair in the Phillippines) na lalahukan naman ng mahigit 100 delagado mula sa iba’t ibang bansa sa daigdig.

Ang Asean at iba pang pandaigdigang organisasyon tulad nito ay itinuturing ng mga gobyerno, partikular ng US at Pilipinas, bilang tagumpay para sa higit pang pandarambong sa yaman at lakas-paggawa ng mga bansa sa Ikatlong Daigdig. Subalit, ang kabilang mukha nito ay paghigpit ng pagtutulungan at paglakas ng organisadong lakas ng mga mamamayan sa buong daigdig upang labanan at wakasan ang kahirapan at karahasan sa ilalim ng imperyalistang globalisasyon.

nauna | balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006