Taon 6 • Blg 29 • Agosto 2, 2007

Editoryal at Opinyon, Hulyo 27, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Pagdidiin-sa-sarili

Hindi kagulat-gulat na pinadaplisan lamang ni de facto Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ang “giyera kontra-terorismo” sa kanyang taunang Sona (State of the Nation Address). Wala ni isang salita hinggil sa mga nakamit ng bulinggit ngunit paboritong alyado ng dambuhala’t puting big brother sa “ikalawang larangan ng kontra-terorismo.” Dahil ba walang magandang iuulat?

Dahil, kung tutuusin, ipinapaalala sa atin ng pananambang na pumaslang sa 14 na Marino sa Basilan na: (1) buhay at nariyan pa rin ang Abu Sayyaf, na diumano’y nilansag na ng “joint US-RP military exercises” ng Balikatan 02-1 limang taon na ang nakakaraan; at (2) isang mito ang ipinapangalandakang “pag-impis ng mga labanan” sa Mindanaw dahil sa kasunduan sa tigil-putukan ng GRP (Government of the Republic of the Philippines) at MILF (Moro Islamic Liberation Front). Sa madaling salita, walang opensibang militar o “kasunduang pangkapayapaan” ang hahantong sa tunay na kapayapaan kung ang mga ito ay hindi tumuturol sa mga ugat ng armadong labanan. Ang totoo, pinapanatili at pinapalala lamang ng mga ito ang mga suliraning nagdudulot ng pampulitikang hidwaan at panlipunang tunggalian.

Heto na nga po ang balitang kinaltasan nang malaki ang ayudang militar ng US sa Pilipinas para sa 2008. Bunsod ito, sa isang bahagi, ng walang humpay na paglabag sa mga karapatang pantao, pangunahin ang daan-daang ekstrahudisyal na pamamaslang at sapilitang pagkawala ng mga aktibista. Tuliro na ang mga propagandista at tagapagtanggol ng Presidente sa pagtanggi sa kagulat-gulat na balita. Hindi naman magkasundo sina Executive Secretary Ermita at pansamantalang Defense Secretary Gonzales kung paano lilinawin ang masasamang epekto ng gayong pagkaltas sa ayuda. Malamyang ipinaliwanag ng tagapagsalita ng US Embassy na hindi pa naipapasa ang badyet para sa 2008, kaya ang ulat ay “adelentado” at “nakakalito.”

Gawa-gawa lamang kaya iyon ng ABS-CBN North American News Bureau?

Ang alam natin, nagkakabisa na ang malakas na pagla-lobby sa Kongreso ng US ng mayor na mga simbahang Protestante at institusyong pangkarapatang pantao ukol sa kasuka-sukang rekord sa karapatang pantao ng rehimeng Arroyo. Patunay rito ang sariwang report ng US House Committee na “labis na nababahala sa mga ulat ng ekstrahudisyal na pamamaslang ng AFP at PNP… (at) sa maaaring epekto ng pamamaslang sa mga organisasyong civil society.”

Kahit panukala pa lamang ng US State Department ang pagkaltas sa ayuda sa Pilipinas – maliit man o malaki, ngunit laluna kung malaki – naghahatid na ito ng malinaw na pampulitikang mensahe na mayroong lumalawak na debate sa mga sirkulong pampatakaran sa US tungkol sa kung ano ang dapat na aktitud sa papet na rehimeng Arroyo.

Kung may-kalakihan ang kaltas sa ayuda, walang dudang hihina ang AFP at PNP bilang mapanupil na ahensiya ng gobyerno, kaalinsabay ng pagkakatuklas na depektibo ang mga kagamitang galing sa US, tulad ng mga helikopter at mortar, at di mapagkakatiwalaan at panganib pa nga sa buhay. Ang lalong nakakabahala para kay Gng. Arroyo at sa kanyang mga heneral, gayunman, ay kung paanong ang gayong balita ay ipapakahulugan ng umaalmang batang mga opisyal at sundalo.

Gayundin, matagal nang tinutuligsa ang gobyerno ng US dahil hindi nito isinasaalang-alang ang rekord sa karapatang pantao ng mapagkaibigang mga gobyerno bago pagbentahan o pamanahan ng mga kagamitang militar at bigyan ng mga pagsasanay-militar, basta may mas mahahalagang konsiderasyon – tulad ng dambuhalang tubo ng military-industrial complex ng US at pagsusulong ng estratehikong mga interes na pang-ekonomiya at geo-pulitikal ng US. Kaya tiyak na may mas malalim na usapin sa panukalang kaltas na ito na di madaling makita. Sa minimum, may mga senyales na ng pagkakabisa ng mga pagtutol sa todong suporta ng US sa rehimeng Arroyo maging sa “mga pasilyo ng kapangyarihan.”

Tiyak na iniinda ni Gng. Arroyo ang pang-uukilkil ng halos buong daigdig sa kawalan niya ng kakayahang pigilan ang ekstrahudisyal na pamamaslang; at sa pagkakawing niya ng pampulitikang kapalaran kay G. Bush at paggamit ng ipinapamaraling “giyera kontra-terorismo” para bigyang-katwiran ang kanyang malupit na patakaran laban sa diumano’y mga “terorista” at samu’t saring “destabilizer”.

Mismong si G. Bush ay isang presidenteng lame duck, na dumaranas ng isa sa pinakamababa, kundi man pinakabagsak na credibility ratings bunga ng pagkakabulgar ng kanyang mga patakaran sa Gitnang Silangan at iba pang rehiyon sa daigdig. Ang Kongreso ng US ay nasa kamay ngayon ng Democratic Party, na ang mga pinuno’y dumaranas ng matinding presyur ng publiko para kontrahin si Bush sa giyera sa Iraq at sa iba pang usaping pambansa at pandaigdig.

Ang mga karibal ni Gng. Arroyo, laluna’t papalapit na ang halalang pampanguluhan sa 2010, ay nag-aabang sa anumang indikasyong ang Superpower ay naghahanap ng susunod na Punong Tagapagpaganap sa Pilipinas. Tama ang mga aktibista at ang mga mas radikal sa Oposisyon sa pagkilalang positibo ang mga pangyayaring ito, laluna’t ang US ang pangunahing haliging sumusuporta sa kinamumuhiang rehimeng Arroyo.

Patuloy na nalalantad ang bersiyon ni Gng. Arroyo ng “giyera kontra-terorismo” bilang pasistang panabing sa kanyang matinding ambisyong manatili sa kapangyarihan. Nasa bingit na ito ng pagguho. Tila isa ito sa mayor na mga dahilan kung bakit kinailangan niyang pumusturang mapanggiit, at palaban pa nga, sa kanyang Sona sa ika-14 na Kongreso.

Kaya nga, kakatwang ang deklarasyon ni Gng. Arroyo na nakakapamuno siya nang husto bilang Presidente ng Republika ng Pilipinas, at siya ay “malakas basta gustuhin niya,” ay nagsilbing pagdidiin-sa-sarili.

Dahil kung ganito nga, bakit hindi niya mapigil ang pampulitikang pamamaslang na naglalagay sa kanyang gobyerno sa depensiba? Kakulangan lamang ba ito ng kapasyahang pampulitika para linisin ang mga elementong “tiwali” sa militar at pulisya? O dahil ang pamamaslang ay nasa di mapapasubaliang pamumuno niya bilang Punong Kumander?

Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 27-28 Hulyo 2007.

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006