Taon 6 • Blg 29 • Agosto 2, 2007

Editoryal at Opinyon, Hulyo 27, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
UP at 'iba pa'

May isang blogger noon na nagsulat, sa wikang Ingles, na ang matatalinong estudyante ay nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) samantalang ang mga hindi pinalad na makapasok sa UP ay napupunta sa Ateneo.

Natawa’t nagulat ako sa kanyang huling pangungusap: “There are no other schools.” Hindi ka na siguro magugulat sa aking napag-alaman: Gradweyt ng UP ang nasabing blogger!

Kung tutuusin, mas malumanay pa nga ang post na ito sa kanyang blog. Noong nasa hayskul pa lang ako, mas malupit ang naging tagapagsalita noon sa aming career orientation. Tandang-tanda ko pa ang kanyang eksaktong pananalita: “There are only two schools in the Philippines: UP and others.”

Pasensiya na, ha? Ganyan lang po talaga kayabang ang ilang gradweyt ng UP. Hindi lang po ito simpleng school pride na nararamdaman ng isang tao sa kanyang alma mater. Masasabing ang pagmamalaking nararamdaman ay bunga ng tradisyon ng kahusayan ng mga estudyante’t guro sa iba’t ibang larangan, bukod pa sa kritikal na pagsusuri sa mga nangyayari sa lipunan.

Bagamat ang kahusayan at kritikal na pagsusuri ay nakikita rin sa tinaguriang “others,” ibang-iba pa rin ang panlipunang katayuan ng mga taga-UP dahil ang huli ay mas nasa posisyong humubog ng pampublikong opinyon. Sila ang kadalasang iniinterbyu ng midya, tinatawagang dumalo sa mga pagdinig ng korte at kongreso, kinukuhang konsultant ng mga ahensiya ng gobyerno at pribadong organisasyon at nagsasagawa ng mga pananaliksik na ginagamit ng iba’t ibang grupo.

Sabi nga ng isang lumang kanta ng Yano, “Taga-UP ka kasi/kay daling makakahanap ng trabaho.” Tila lahat ng oportunidad ay nabubuksan kapag hawak mo ang isang diploma mula sa sinasabing “premier state university” o “national university.”

Pero sa panahon ngayon, kahit ang tinaguriang “magagaling” na gradweyt ng UP ay apektado ng krisis sa ekonomiya. Nitong nakaraang mga buwan, ilang beses akong tinawagan ng mga call center dahil ginamit akong character reference ng ilang dati kong estudyante. Marami rin sa kanilang hiningan ako ng tulong para bigyan sila ng rekomendasyon sa mga organisasyong kinabilangan at pinagtatrabahuhan ko, sa paniniwalang mas malaki ang pag-asa nilang magkatrabaho kung ang magrerekomenda ay kakilala ng mga opisyal.

Masasabing ang pagpasok sa isang call center ay bunga ng pangako ng malaking suweldo kahit na bagong gradweyt pa lang. Sa katunayan, may ilan pa ngang estudyanteng napipilitang pumasok sa call center – UP man o ibang eskuwelahan – dahil sa hirap ng buhay. Pinipilit nilang magpakahusay sa Ingles dahil sa praktikal na pangangailangang kumita at suportahan ang pamilya.

Totoong may bentahe pa rin ang pagiging gradweyt ng tinaguriang “reputable universities” tulad ng UP sa paghahanap ng trabaho. Hindi basta-basta maaalis ang mataas na pagtingin sa mga gradweyt ng mga eskuwelahang ito. Pero mataas man ang inaasahan sa kanila, masasabing ang kanilang sahod ay walang substansiyal na pagkakaiba sa mga gradweyt ng iba pang eskuwelahan.

May ilang kaibigan sa UP na nagsasabing dapat magkaisa para bigyan ng mas mataas na sahod ang mga gradweyt ng UP kumpara sa iba. “We deserve it since we’re that good,” katuwiran pa nila.

Pero ang nakikita kong hamon para sa mga gradweyt ng UP at iba pang “reputable universities” ay tumulong para mabago ang kasalukuyang panlipunang kaayusang nagtutulak sa kabataang pumili ng kurso hindi batay sa pagpapalalim ng kaalaman kundi sa praktikal na pangangailangang kumita. Hindi ba’t maling-mali ang sitwasyong hindi masyadong iniisip ng mga gradweyt ang kapakanan ng bayan dahil sa kanilang pagiging career-oriented? Masasabing ang ganitong makasariling oryentasyon ay hindi kasalanan ng mga estudyante kundi ng kasalukuyang sistemang nagbubunsod ng ganitong pangangailangan.

Tandaan din nating hindi dapat bigyan ng lugar ang elitismo sa puntong ito ng ating kasaysayan. Kailangang gamitin ang anumang impluwensiya ng UP hindi sa pansariling interes kundi para ihatid sa mas nakararami ang mensahe ng pangangailangan para sa pagbabago.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006