| Nakakalitong desisyon
Mistulang nakakalito ang desisyon na lumabas sa isang labor case. Sinasabi ng desisyong ito na ibalik sa kanilang trabaho ang mga manggagawa o, sa halip nito, ay bayaran na lamang ng separation pay. Nais ng mga manggagawa na bumalik sa kanilang trabaho. Nais naman ng kompanyang magbayad na lamang ng separation pay. Sino sa kanila ang masusunod: ang mga manggagawa o ang kompanya?
Ganito ang sitwasyong naganap sa kasong “Johnson and Johnson (Phils.) Inc. vs. Johnson Office and Sales Union, et. al.”; G.R. No. 172799, Hulyo 6, 2007.
Sa nasabing kaso, dalawang kasapi ng unyon ang sinisante ng kompanya dahil sa paglabag sa mga patakaran nito. Nagsampa ng kasong illegal dismissal ang dalawa laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter. Nang bumaba ang desisyon, talo ang mga manggagawa. Nag-apela naman sila kaagad sa NLRC (National Labor Relations Commission). Dito na nabago ang desisyon. Ayon sa NLRC, hindi masyadong malaki ang nagawang paglabag ng mga manggagawa kaya dapat lamang na sila’y ibalik sa kanilang trabaho nang walang backwages o sa halip ay bayaran ng kanilang separation pay. Ang nakalagay sa desisyon ay “they are entitled to reinstatement to their respective former positions without loss of seniority rights and privileges but without any backwages or in the alternative, to payment of separation pay each equivalent to one-half (1/2) month pay for every year of service”.
Nang ipatupad na ang nasabing desisyon, nagpahayag ang kompanya na babayaran na lamang niya ang separation pay ng dalawang manggagawa ngunit hindi na niya pababalikin ang mga ito sa trabaho. Ayon sa kompanya, dalawa ang kanyang maaaring gawin ayon sa desisyon: ang pabalikin ang mga manggagawa sa kanilang trabaho o bayaran sila ng kanilang mga separation pay. Ang may karapatang pumili kung paano ipapatupad ang desisyon ay ang kompanya. Kaya dapat lamang na igalang ang kanyang kapasyahan sa bagay na ito.
Tumanggi naman ang mga manggagawang magpabayad ng separation pay at iginiit ang kanilang pagbalik sa trabaho. Nilinaw ng NLRC ang kanyang dating desisyon at inutusan nito ang kompanya na tanggaping muli ang mga manggagawa sa dati nilang katungkulan. Hindi pumayag dito ang kompanya at inakyat nito ang kaso hangga’t nakaabot ito sa Korte Suprema.
Ang may karapatang magpasya kung paano ipatupad ang nasabing desisyon, ayon sa Korte Suprema, ay hindi ang kompanya. Ngunit hindi rin ang mga manggagawa. Ang may karapatang magpasya kung paano ang tamang kahulugan ng nasabing desisyon ay walang iba kundi ang naglabas ng desisyong ito: ang NLRC.
Sa desisyon ng NLRC, dalawang bagay ang binabanggit: ang reinstatement ng mga manggagawa o, sa halip nito, ang pagbayad sa kanila ng kanilang separation pay. Ito ay hindi nangangahulugan na maaaring pumili sa dalawang ito ang kompanya. Nangangahulugan lamang ito na ang primary relief na ibinibigay sa mga manggagawa ay ang pagbalik sa kanila sa trabaho at pangalawa lamang ang pagbayad ng separation pay. Kaya’t mali ang akala ng kompanya na may karapatan siyang pumili ng separation pay.
Sa nasabing kaso, nilinaw na ng NLRC na dapat ibalik ng kompanya sa trabaho ang dalawang manggagawa. Dapat lamang na sundin at ipatupad ang kautusang ito. Puwede lang mabaliktad ang hatol ng NLRC kung maipakitang inabuso nito ang kanyang kapangyarihan. Ngunit hindi ito naipakita ng kompanya, paliwanag ng Korte Suprema.
Kung titingnan natin ang desisyon ng NLRC, makikita na tahasang sinasabi rito na hindi legal ang pagtanggal ng kompanya sa dalawang manggagawa. Sinasabi ng batas na sino mang tinanggal sa kanyang trabaho nang hindi legal ay may karapatang bumalik sa kanyang dating posisyon. Dahil dito, sumusunod lang sa batas ang NLRC sa pag-utos ng reinstatement ng mga manggagawa.
Oo nga’t kung minsan, imbes na pagbabalik sa trabaho ay iniuutos na lamang ang pagbayad sa manggagawa ng separation pay, tulad halimbawa kung may lamat na ang kanyang relasyon sa kompanya. Ngunit dapat itong patunayan ng kompanya. Sa kasong ito, hindi niya ito napatunayan. Kaya’t tama lamang ang NLRC sa ginawa nitong pag-utos na ibalik sa kanilang dating posisyon ang mga manggagawa, sabi ng Korte Suprema.
balik sa itaas | sunod |