
Susi ng Kapayapaan
HABANG nakasalang sa pagitan ng gobyerno at ng MILF (Moro Islamic Liberation Front) ang usapang pangkapayapaan sa ikalulutas ng matagal nang rebelyon ng mga Muslim sa Mindanaw, lubhang napapanahong masusing pag-aralan ng mga henyo ng kasalukuyang rehimen – lalo na ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo – ang malalim nang mga ugat ng naturang problema.
Inakala noon na nalutas na ang nasabing rebelyon nang makipagkasundo sa gobyerno ang grupong MNLF (Moro National Liberation Front) ni Nur Misuari at itayo ang ARMM (Autonomous Region of Muslim Mindanao) pero lumubha pa nga ang gulo’t karahasan -- at patuloy pang lumulubha -- nang maghimagsik naman nang malaon ang MILF, bukod pa sa terorista diumanong Abu Sayyaf at humiwalay na tropa ng MNLF.
Dahil sa rebelyong ito, marami na ngang buhay ang ibinuwis, sa panig man ng militar o ng mga Muslim o ng inosenteng mga sibilyan. Pinakahuli sa listahan ang 14 na sundalong napatay sa pakikipagsagupa sa MILF kamakailan sa Basilan na, kung tutuusin, ay “pinatay” hindi ng mga Muslim, kundi ng talamak na katiwalian ng mga opisyal ng AFP o Hukbong Sandatahan ng bansa dahil sa matagal nang nakaugaliang palusot o “kickback” sa pagbili ng mga armas at iba pang kagamitang pandigma. Pinutulan pa nga ng ulo’t ari ang 10 sa kanila na labis ngayong ikinagagalit ng gobyerno kaya nagbantang dudurugin ang mga kinauukulan, at nagpalabas na nga ito ng 130 “mandamiento de arresto” laban sa mga nagsagawa ng gayong brutalidad.
Kung susuriin, hindi lamang kuwestiyon ng kultura’t relihiyon o ng soberanya’t kasarinlan o ng pangteritoryo ng integridad ang pagrerebelde ng mga Muslim tungo sa hiwalay na Bangsa Moro sa Republika ng Pilipinas. Sa nagdaang mga rehimen hanggang ngayon, nagkasapin-sapin na at nilumot na ang panlipunang mga problema sa Mindanaw bunga, unang-una, ng kapabayaan at kainutilan ng gobyerno’t pambansang liderato na tugunan ang mga pangangailangan ng naturang rehiyon kaya, hindi katakataka, laganap ngayon doon ang gutom at karalitaan at kawalan ng oportunidad lalo na sa sentro ng mga Muslim.
Gaya sa iba pang mga panig ng bansa na patuloy naman ang rebelyon ng CPP-NPA, naghahari doon ang kawalang-katarungan at pagsasamantala sa masang sambayanan ng mga kinauukulan kaya lubhang napakailap at malabong anino lamang ang tunay na hustisya sosyal. Hindi na nga dapat ikagulat ang tumitinding kaguluhan at karahasan sa Mindanaw na, ayon noon sa yumaong Hashim Salamat, dating tagapangulo ng MILF, ay “magpapatuloy at maaaring magtagal” kung kamay na bakal ang paiiraling patakaran ng gobyerno sa paglutas sa rebelyon doon. Binigyang-diin pa ni Eid Kabalu, tagapagsalita ng MILF, na kung sasalakayin ng mga sundalo ang kanilang kampo’t teritoryo, puspusan silang lalaban at maglulunsad ng mga ganting-salakay.
Para kay Salamat, dapat magdaos ng isang reperendum sa nasabing rehiyon para matiyak kung gusto o hindi ng mga mamamayan ang isang nagsasariling Islamikong Estado o Bangsa Moro bagaman, sa kabilang banda, lumilitaw na hindi papayag ang gobyerno na matulad ang Mindanaw sa Silangang Timor na nagsarili’t humiwalay sa Indonesia ilang taon na ang nakararaan. Kahit Sulu, Tawi-Tawi, Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur ang balwarte ng mga Muslim sa 24 na probinsiya’t 20 siyudad sa Mindanaw, susuportahan diumano – sabi ni Salamat -- sa mga bayan-bayan at probinsiyang kontrolado ng mga Kristiyano, ngunit nakararami ang mga Muslim, ang pagkakaroon ng nagsasariling Bangsa Moro dahil na nga, unang-una, sa kapabayaan ng pamahalaang tugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan doon at paunlarin ang rehiyong iyon.
Batay tuloy sa umiiral na mga kalagayan doon at namamayaning kontradiksiyon sa pagitan ng gobyerno’t MILF, mananatiling mabuway ang lahat sa Mindanaw at mukhang malabo pang makamit ang kapayapaan doon, lalo’t nananatiling propaganda lamang ng pamumulitika ng pambansang liderato ang ipinangangalandakang pagpapaunlad sa nasabing rehiyon.
Sa Mindanaw – o sa iba pang panig ng bansa – hindi makakamit ang kapayapaan hanggang lumalaganap ang karalitaan at inhustisya, hanggang tiwali’t nagmamalabis sa kapangyarihan, naglulublob sa pribilehiyo, at walang habas na kinokontrol ng naghaharing-uri ang pambansang ekonomiya’t pulitika sa kapinsalaan ng masang sambayanan, lalo’t napakakasangkapan pa ang mga ito sa dayuhang mga interes at patuloy na ibinebenta ang pambansang kasarinlan at kapakanan at kinabukasan ng susunod na mga henerasyon.
Sa maikling salita, hindi dahas kontra dahas, hindi punglo at giyera, ang dapat itugon ng gobyerno sa tumitinding rebelyon ng mga Muslim na, tiyak, higit na magbubunga pa ng gulo’t karahasan, lalo’t napatunayan na ng kasaysayan ang katapangan at hindi pagsuko ng mga Muslim sa panahon man ng mga Kastila o Amerikano, sa panahon man ng Hapon o diktadurang Marcos. Sa Mindanaw o saanman, lupa’t bahay pa rin, pagkain pa rin at damit, paaralan pa rin at ospital, trabaho pa rin at iba pang pangunahing mga pangangailangan ng mga mamamayan – at lantay na hustisya sosyal – ang pinakamabisang lunas sa anumang rebelyon. Pang-unawa pa rin, at matapat na pagdinig at mabisang pagtugon ng gobyerno sa karaingan ng mga mamamayan ang susi ng kapayapaan. – RLO
balik sa itaas |