Taon 6 • Blg 28 • Hulyo 27, 2007

Editoryal at Opinyon
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Bakit ba ako nagsusulat ngayon?

Nagkakamali ka kung sa tingin mo’y matagal ko nang hilig ang ginagawa ko ngayon.
Noong bata pa ako, maniniwala ka bang kinaiinisan ko ang pagsusulat? Sa elementarya at hayskul noon sa NGDM (Notre Dame of Greater Manila), hindi sa pagyayabang pero matataas ang grado ko sa agham at matematika. At dahil magaling ako sa mga sabjek na ito, madalas tuloy sabihin ng mga guro’t kaklase ko na magiging magaling na inhinyero o doktor ako.


Wala sa kanilang nagsabing magiging manunulat ako dahil alam nilang hirap na hirap a kong sumulat ng mga sanaysay sa Ingles at Filipino. Noon, mabilis kong natatapos ang mahahabang eksaminasyon sa Algebra at Physics samantalang tumatagaktak ang pawis ng karamihan sa mga kaklase ko sa pag-iisip ng tamang sagot. Pero pagdating sa pagsusulat ng kahit napakaikling vignette – o kahit sobrang ikling haiku! – asahan mong ako naman ang pinagpapawisan at halos naiiyak dahil parang pinagwelgahan ako ng aking utak. Hindi ko maintindihan noon ang mga kaklase kong tila nadadalian sa pagsusulat at inaayawan ang mga paborito kong sabjek.

Ano ba’ng problema ko? Binasa ko namang mabuti ang balarila. Katulad ng mga kaklase ko, alam ko ang ortograpiya sa pagsusulat. Alam ko ang tamang paggamit ng mga salita. Pamilyar ako sa ilang sinulat ng mga sikat na awtor sa Amerika, Europa at Asya dahil itinuro ang mga ito sa amin. Madalas din akong magbabad sa library para magbasa kahit ng mga librong hindi bahagi ng aming pinag-aaralan. Sa katunayan, nag-uunahan pa kaming magkakaibigan noon sa pagpuno ng aming library card na nakarekord ang mga librong hiniram namin.

Hindi nakakagulat na lahat ng mga kaibigan kong mahilig magbasa ay magagaling ding magsulat. Pakiramdam ko noon, napag-iiwanan ako dahil kahit na anong gawin ko’y hindi ko makayang gumamit ng mga salitang makakabuo ng pangungusap, na siyang kailangan para magkaroon ng talata, na makakabuo naman ng isang magandang sanaysay na makapagpapataas ng aking grado sa Ingles at Pilipino.

Sa aking murang edad, simple lang naman ang gusto ko: Kayanin ang pagsusulat! Madalas sabihin ng aking gurong walang ipinanganak na manunulat at ayaw kong maniwala noon. Bakit hindi ko makayang maging mapanlikha sa pagsasama-sama ng mga salita? Hindi ba’t ganito lang ang pagsusulat?

Patapos na ako ng hayskul nang malaman kong hindi pala ganito kasimple ang pagsusulat. Mas mahalaga sa simpleng pagsasama-sama ng mga salita ang “ideya” na wala sa akin.

Nang mangyari ang People Power 1 noong Pebrero 1986, namulat ako sa katotohanang hindi ko lang dapat iniisip ang aking sarili kundi ang nangyayari rin sa ating bansa. Nakita ko kung paanong ang midya ay maaaring magamit para magpalaganap ng katotohanan o black propaganda. Hindi man ako naging matagumpay na maengganyo ang mga kaklase kong sumama sa akin sa pagpunta sa tapat ng Camp Aguinaldo at Camp Crame sa kahabaan ng Edsa, naisip kong dapat na isulat ang makakasaysayang pangyayaring ito.

Nagkaroon ako ng pagkakataong gawin ito nang ako ay naging balediktoryan ng aming batch at, bilang tradisyon, ay kailangang magbigay ng talumpati sa araw ng aming pagtatapos. Bago nangyari ang People Power 1, ang pagsusulat para sa akin ay isang kakayahang kailangan kong mapaunlad dahil sa personal kong adyenda na tumaas ang grado. Pero dahil sa nangyari sa Edsa noong Pebrero 1986, nalaman kong para maging epektibo ang pagsusulat, hindi lang dapat ginagamit ang puso kundi ang utak at hindi sapat ang kaalaman sa balarila. Bagamat kadalasa’y hindi maiaalis ang personal na adyenda, mas mahalagang may pulitikal na direksiyon ang pagsusulat dahil ito ang makapagbibigay ng mensaheng kailangang iparating sa mga tao.

Hindi ko masasabing napakaganda ng sinulat kong talumpati noon, pero hindi ako nahirapang tapusin ito kahit ilang borador ang pinagdaanan. Nakaramdam man ako ng pagod, naging masaya ako sa produkto ng ilang gabing pagpupuyat.

Sa araw ng pagtatapos, buong tapang kong inilahad ang karanasan ko sa Edsa at sinabi kong malaking hamon sa kabataan ang muling ipaglaban ang kalayaan sa hinaharap kung dumating ang panahong magkakaroon muli ng represyon. Idiniin kong ang pagtatapos sa hayskul ay pagsisimula ng buhay-kolehiyo na hindi dapat sayangin lang sa personal na pag-unlad. Pangunahing tema ng aking talumpati ang pangangailangang lumahok sa minimithing pagbabago.

Mahigit 20 taon na ang nakalipas mula nang maigpawan ko ang aking paghihirap sa pagsusulat. Masasabi kong ang pag-unlad ng aking kakayahan sa pagsusulat ay produkto ng pagkamulat. Mas may direksiyon ang isang manunulat kung alam niya ang nangyayari sa lipunan at hangarin niyang ilahad ang kanyang pagsusuri.

Bakit ba ako nagsusulat ngayon? Hindi po personal ang dahilan kundi pulitikal. Kung titingnan ang pambansang kalagayan, kailangan pa ring magsulat para magpaliwanag at magbigay-linaw.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006