Hakbang pasulong ng RP Badminton para sa magkapatid na Asuncion
Priscilla Pamintuan
UMAASA ang magkapatid na Kennie at Kennevic Asuncion na hahakbang sila pasulong sa pandaigdigang arena ng badminton sa nagaganap na Bingo Bonanza Philippine Open Badminton Championships.
Sa kabila ng presensiya ng ilan sa pinakamahusay na manlalaro sa mundo, determinado ang magkapatid na isakatuparan ang matagal na nilang hangaring maiangat ang standings ng Pilipinas sa pandaigdigang mga torneo sa badminton. Sa bawat pagsabak nila sa mahuhusay na internasyunal na manlalaro, lumalawak umano ang karanasan nila. Umiigting ang kumpiyansa nila sa sarili.
“Magiging matindi (ang laban) pero ibibigay namin ang buong husay namin,” sabi ni Kennevic. Malaking tulong umano na sa Pilipinas ginaganap ang torneo dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tagasuportang Pinoy sa Philsports Arena sa Pasig.
Kabilang sa mga nakakadagdag sa kaba nina Kennie at Kennevic ang presensiya sa torneo nina Kien Keat Koo at Boon Heong Tan ng Malaysia, na No. 2 ngayon sa men’e pair sa daigdig.
Malayo na ang narating ng magkapatid na Asuncion magmula nang unang nasilayan ang kanilang talento sa badminton sa UAAP (University Athletic Association of the Philippines). Nitong nakaraang mga taon, unti-unting umangat ang standings nila dahil sa pagsabak sa internasyunal na mga torneo.
Nagwagi ang magkapatid ng bronze medal sa Sea Games sa Vietnam kamakailan, at ipinamalas na kaya nilang makipagsabayan sa mahuhusay ng mundo nang masilat ang silver medal sa Bingo Bonanza Philippine Open Badminton Championship noong nakaraang taon.
Ginto naman ang nakuha ng dalawa sa 2006 Ballart Eureka International Badminton Championship sa Australia at sa Babolat North Harbour International Badminton Championship sa New Zealand.
Noong nakaraang taon din nakalaban nina Kennie at Kennevic ang world champions na sina Ion Weng Lo ng Macau, No. 5 Chan Yan Kit ng Hong Kong at iba pa. Sa Asia Team naglaro sina Kennie at Kennevic at nagawa pa nilang matalo ang kalabang world champions na kumatawan sa Europe sa unang set.
Sa nagaganap ngayong Philippine Open, kumpiyansa ang dalawa na mahihigitan pa nila at ng iba pang Pinoy na kalahok ang nakaraang mga tagumpay.
balik
sa itaas |