Taon 6 • Blg 27 • Hulyo 19, 2007

Pinoybiz, Hulyo 10, 2007
Hiwalayang Cesar Montano-Sunshine Cruz malayo sa hinagap | Boy Villasanta

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SHOWBIZ
PinoyBiz

Anak ni Nida, tuloy ang laban?

LUMABAS na naman ang tunay na kulay at pitlag ng kulturang Pilipino sa pagkamatay ni Rod Strunk sa Estados Unidos kamakailan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya ng Tracy City sa California sa Estados Unidos, tumalon mula sa ikalawang palapag ng motel sa Tracy si Rod, Roger Strunk sa tunay na buhay.

Sa parking lot bumagsak nang walang kaginsa-ginsa si Rod at dedbol agad siya. Heto na ang mga pagtatagni-tagni ng mga Pinoy sa kamatayan ni Rod. Ang sabi ni Caridad Sanchez, “pinagtiyap” na sa parking lot din namatay si Strunk dahil si Nida ay sa parking lot pinaslang. Sa buhay at kamatayan, ang hiwaga ng pang-araw-araw na eksistensiya ay nakasalalay sa obskyurantismo at okultismo sa maraming pamamaraan.

Na parang nagpapahiwatig ng “misteryo” ng buhay. Bakit nga naman pareho ang lugar ng pagwawakas ng buhay ng dalawang tao na nagkaroon ng malalim at mahiwagang ugnayan?

Ang sabi ni Delia Razon ay tapos na ang lahat sa pagkamatay ni Rod. Na wakas na rin ng kasong kinasangkutan ni Strunk.

Matatandaang si Rod ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Blanca.

Ipinayo ni Caring na huwag nang ituloy ang pag-iimbestiga sa kaso ng trahedya ni Nida na kanyang matalik na kaibigan at ka-White Plains.

Isama na sa libing ni Rod ang katotohanan.

Ito rin ang sinabi ni Raul Gonzalez na ating Kalihim ng Kagawaran ng Katarungan.

Caridad, Raul at Delia - ordinaryong mga Pilipino at salamin ng ating lahi.

Kung gayon ay ibabaon na sa limot ang lahat?

***

Gayunman, hindi mahagilap ang anak ni Nida na si Kay Torres.

Si Kay ang nagdiin kay Rod bilang prime suspect at imbiyernang-imbiyerna siya sa kanyang amain.

Lahat ng ebidensiya ay tumutugon at nagtuturo sa stepdad ni Torres na siyang utak sa likod ng pagpaslang.

Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng boses ni Kay sa mga sandaling ito o baka naman sa mga oras na ito ay nagbago na ang isip niya?

Gayunman, ito ang eksistensiyal na desisyon ni Kay – ang hindi magsalita.

Nangangahulugan ba na susundin niya ang payo ni Caridad o yayakap sa lohika ni Raul na “everthing is moot and academic” o papanig sa impresyon ni Delia na “it’s all over?”

Na parang nahusgahan na ng lahat na si Strunk nga ang siyang ugat ng kamatayan ng kanyang asawa. Ipagpalagay na.
Pero sinu-sino ang mga taong may kaugnayan sa insidenteng ito? Anu-ano ang motibo at sirkumstansiya na nakapalibot sa kasong ito? Anu-ano ang damdamin ng mga taong may koneksiyon sa trahedya dahil komplikado ang bawat kilos ng mga ito? Alin-aling bagay na kailangang matutunan ng publiko sa pagkakataong ito? Ito ba ang nais palitawin ni Kay sa kanyang pananahimik? Ngayong patay na ang pinaghihinalaan, paano na ang ibang tao na may tuwiran at di-tuwirang kasalanan sa krimen? Ligtas na ba sila? Gaano katotoo ang kasabihan at kaugaliang Filipino na “ipagpasadiyos na lang ang lahat”?

***

Naging mang-aawit si Rod sa pangalang Rod Lauren at nakapagsaplaka siya sa Pilipinas bukod pa sa kanyang pagkanta sa Amerika. Nakalabas din siya sa mga pelikula sa Hollywood pero maliit lang ang kanyang pangalan doon at nang makilala niya si Nida, Dorothy Jones sa totoong buhay, sa showbiz din siya napunta bagamat hindi lumago ang pangalang Rod Lauren kundi sa isang komersiyal ng gatas na pinagsamahan nila ng kanyang asawa sa print at TV ads.

Naging live performer din si Rod ng kanyang kapanahunan sa maikling panahon. Sa katunayan ay na-cover ko pa siya sa isa niyang concert sa isang five-star hotel sa kagandahang-loob ni Nida.

***

Kung lilimiin, masyadong ambisyoso ang pagkatao ni Strunk sa loob at labas ng showbiz. Marahil ay kanyang gagawin ang lahat matupad lang ang kanyang mga ambisyon lalo na ang kanyang pagtataguyod sa sarili.

Hindi naman masama ang maging ambisyoso lalo na kung para sa kapakanan hindi lang ng pag-unlad ng sarili kundi lalo na at sa pagsulong ng buhay ng ibang tao, ng higit na nakararami lalo na ang mga inaapi.

***

Hindi nga inaalis ng talent manager na si Vir Mateo na maging ambisyoso ang kanyang alagang si Rozanno Martin na isang mang-awit. Nasa Spain si Rozanno at balak nang bumalik sa Pilipinas para ipagpatuloy ang kanyang ambisyon na maging singer pagkatapos na siya ay yumaman sa pagtatrabaho sa Costa Brava.

Pakanta-kanta noon si Rozanno sa mga bar at music lounge at pa-extra-extra sa mga pelikula ng Seiko Films pero wala ring nangyari kaya nag-ambisyon siyang yumaman at gumawa ng sariling CD. Inaasahan naman na magpapamulat sa tunay na kalagayan ng tao sa lipunan ang kanyang musika.

***

Nag-ambisyon din siyempre si Nora Aunor at kita naman natin, nag-Superstar siya at kahit may kaso sa Amerika, nakaka-ola siya at ang pinakahuli’y ang pagdalo niya sa gala premiere ng Something to Crow About, isang zarzuela na isinulat ni Dr. Alejandro Roces at itinanghal sa iba’t ibang estado sa US sa kagandahang-loob ni Cecil Guidote-Alvarez na Executive Director ng National Commission for Culture and the Arts. Sumulpot bigla si Nora sa harapan ni Cecil sa Santa Clara, California at nagbigay-ningning ang aktres sa pagtatanghal kahit bilang manonood. Ayon sa peryodistang pampelikulang si Dennis Adobas, babalik si Guy sa Pilipinas sa Oktubre para gumawa ng pelikula. Good luck!

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006