| Mga labanang legal Pinatutunayan ng huling legal na mga tagumpay nina Anakpawis Rep. Crispin Beltran at Prop. Jose Ma. Sison na hindi aatras ang mga progresibo at rebolusyonaryo sa labanan sa larangang legal, sa kabila ng bantog nitong mga patibong at likas na pagkiling kontra sa kanila.
Pinalaya sa wakas si G. Beltran mula sa “detensiyon sa ospital” noong gabi ng Hulyo 10 matapos pinal na ibasura ng Korte Suprema ang kasong rebelyon laban sa kanya, sa limang progresibong mambabatas at sa iba pang indibidwal dahil walang batayan (probable cause) at kaukulang proseso. Mahigit 15 buwan siyang idinetine mula nang ilegal na arestuhin nang ideklara ang emergency rule noong nakaraang taon.
Naipagwagi naman ni G. Sison ang napakahalagang desisyon ng ECFI (European Court of First Instance) sa Luxembourg kaugnay ng pagbansag sa kanya ng Konseho ng EU (European Union) bilang “terorista.” Ayon sa International Committee for the Defense of Jose Ma. Sison, “Humatol ang ECFI na nilabag ng Konseho ng EU ang mga karapatan ni Prop. Sison na ipagtanggol ang sarili, ang obligation to state reasons, at ang karapatan sa epektibong proteksiyon ng batas. Wala isa mang legal na awtoridad ang nagpadalo sa kanya sa imbestigasyong kriminal o pagdinig sa korte.”
Napapanahon ang obserbasyong ito dahil walang tigil ang pag-aakusa ng gobyerno, kasama ang Komisyong Melo, na sinira ng mga grupong pangkarapatang pantao, gaya ng Karapatan, ang gawain ng Komisyon bunga ng kanilang pagtanggi na makipagtulungan. Inimpluwensiya pa raw nito ang Hustisya (organisasyon ng mga biktima ng paglabag sa mga karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Arroyo) na huwag ding makipagtulungan. Ang di alam ng publiko, lihim at tuluy-tuloy na nakipagpulong ang Karapatan at mga abogado nito sa mga miyembro ng Komisyon at sa legal panel nito, at nagbigay pa nga ng maraming dokumento (na hindi pa naisasauli) na ginamit na batayan para sa hatol nito kay Hen. Jovito Palparan at iba pang komander ng militar.
Nawalan ng silbi at naging mapanganib pa nga para sa mga grupong ito na hayagang lumahok sa mga pagdinig ng Komisyong Melo. Taliwas dito, lubos silang nakipagtulungan sa iba’t ibang independiyenteng fact-finding mission tulad ng Amnesty International, mga Special Rapporteur ng UN, Inter-Parliamentary Union, Human Rights Watch at iba pang lupong pandaigdig. Ang mapagpasyang salik: ang kahandaan ng nasabing mga grupo na hanapin ang katotohanan mula sa mga datos, at kumilos para wakasan ang extrajudicial na pamamaslang kahit pa, o dahil nga, nasasangkot ang mga puwersa ng estado bilang malamang na mga maysala.
Ang totoo, nagsampa na ng maraming kaso maging ang Bayan at iba pang pambansa-demokratikong pormasyon – na inilalarawan ng gobyerno na laging naghahanap ng marahas na komprontasyon sa mga pulis sa mga demonstrasyon sa lansangan at walang kakayahang makipagtalo nang makatwiran at makipag-usap nang mahinahon – sa Commission on Human Rights, Ombudsman at iba’t ibang korte, maging sa Korte Suprema, para maghanap ng lunas sa mga karaingan at pagpunyagian ang paghahanap sa katarungan.
Ang nakakalungkot, labas sa Korte Suprema, nakakapanghina ng loob, kung hindi man nakakabuwisit, ang karanasan nila sa sistema ng katarungan. Sa iba’t ibang kaso, lalo na sa mga kasong kriminal, tulad ng pagpaslang sa kanilang mga lider at miyembro at reklamo ng grabeng paglabag sa mga karapatang pantao, lusot ang mga maysala habang ginagambala, tinatakot at pinapatay pa nga ang mga saksi at nagreklamo.
Sa unang tingin, lumalabas na paniguro ang pagbasura ng Korte Suprema sa kasong rebelyon - mayroon pa palang mga institusyon at prosesong nagtataguyod sa paghahari ng batas. Ang totoo, inilalantad lamang nito ang malupit na katotohanang walang kinikilalang hangganan ang kakayahan ng mga instrumento ng gobyerno na balewalain, baluktutin at/o ikutan ang batas sa ngalan ng “pambansang seguridad.”
Nitong huli, agarang sinibak ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang isang state prosecutor sa kaso ng desaparacido na si Jonas Burgos dahil diumano’y adelentado nitong ibinulgar ang pangalan ng anim na militar na pangunahing suspek sa pagdukot kay Burgos. Nalagay raw sa alanganin ang gobyerno. Sa nabanggit na kaso ng Batasan 6, wala ring ganoong pag-aagam-agam si G. Gonzalez na ipagkait sa mga akusado ang kanilang karapatan bunga ng “halatang pampulitikang motibasyon.” Matalas iyong tinuligsa ng Korte Suprema.
Maraming ibig sabihin ang pagkukumahog ng rehimeng Arroyo na ipatupad ang Anti-Terrorism Act kahit walang Implementing Rules and Regulations at walang pagsisikap na ipaalam sa publiko ang layuning di nito inaamin: ang ikiling ang balanse sa larangang legal pabor sa isang mapang-aping gobyernong nangangailangan ng pasistang batas para ipagtagumpay ang mga labanan kontra sa sinasabing mga kaaway ng estado.
Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 13-14 Hulyo, 2007.
nauna | balik
sa itaas | sunod |