| Ang tungkuling mag-ulat ng kompanya
Ano ang tungkulin ng kompanya kapag may karamdaman ang isa niyang manggagawa? Maari ba itong hingan ng danyos ng manggagawa kapag hindi nito nagawa ang tungkuling ito?
Ang nangyari sa kasong U-bix Corporation vs. Richel Bandiola, G.R. No. 157168, Hunyo 26, 2007 ay mapupulutan natin ng aral kaugnay ng mga tanong na ito.
Nagtatrabaho si Richie sa isang kompanya. Isang araw, inutusan siya nito kasama ang dalawa pang manggagawa na pumuntang Baguio para sa isang gawain. Sa kasamaang palad, naaksidente ang kanilang sasakyan at nabali ang kaliwang paa ni Richie.
Dinala sa ospital si Richie kung saan sinemento ang kanyang paa. Noong una, sinagot naman ng kompanya ang gastusin dito. Noong tumagal, iba na ang nangyari. Kailangang mailagay sa fiberglass ang paa ni Richie. Noong humingi siya ng tulong sa kompanya, tumanggi na ang huli. Napilitang sagutin ni Richie ang gastos para rito.
Nagsampa ng kaso si Richie laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter. Humingi siya ng danyos dahil sa pagpapabaya sa kanya ng kompanya. Isinama rin niya sa kanyang reklamo ang hindi pagbabayad ng kompanya ng tamang sahod, service incentive leave, at 13th month pay.
Itinanggi ng kompanya na pinabayaan nito si Ritchie. Nalaman lamang nito diumano ang tungkol sa mga bayarin ni Richie kaugnay ng pagpapagamot nito, noong panahon na nagdemanda na si Richie.
Nagdesisyon ang Labor Arbiter na panalo si Richie sa kanyang hinihinging underpayment, 13th month pay at service incentive leave. Gan’un pa man, pagdating sa hinihinging danyos ni Richie, hindi ito ibinigay ng Labor Arbiter. Napilitang mag-apela si Riche sa NLRC (National Labor Relations Commission).
Ibinigay naman ng NLRC ang danyos na hinihingi ni Richie. Inutusan nito ang kompanyang ibalik ang aktuwal na nagastos sa paa ni Richie bunga ng aksidente. Bukod pa rito, inutos din ng NLRC na bayaran ng kompanya si Richie ng moral damages dahil sa kapabayaang nitong i-report sa SSS (Social Security System) ang karamdaman ni Richie dahil sa nangyaring aksidente.
Inakyat ng kompanya ang kaso hanggang makarating ito sa Korte Suprema.
Naging pabor kay Richie ang desisyon ng Korte Suprema.
Una, nakita ng Korte Suprema na dati nang binabayaran ng kompanya ang gastos sa ospital ng mga empleyado nitong naaksidente habang gumaganap sa kanilang tungkulin. Dahil dito, may karapatang humingi si Richie na bayaran din ng kompanya ang nagastos niya bunga ng aksidente. Kung naibigay ito ng kompanya sa ibang empleyado noon, walang dahilan para di niya ito maibigay kay Richie.
Kaugnay ng danyos na dapat bayaran ng kompanya, nakalagay sa Art. 205 ng Labor Code na dapat may log book ang kompanya kung saan nakatala ang lahat ng pagkakasakit, pagkapinsala, at pagkamatay ng sinumang manggagawa nito. Ang anumang insidente na naganap ng may kaugnayan sa trabaho ay kailangang i-ulat ng kompanya sa SSS sa loob ng limang araw pagkatapos itong maitala sa nasabing log book. Kailangan ang pag-uulat na ito upang maagap na makapag-imbestiga ang SSS sa pangyayari at mapagpasyahan nito kung dapat bang bayaran ng benepisyo ang manggagawa o hindi.
Hindi ginawa ng kompanya ang tungkuling ito. Bagama’t hindi kaila sa kanya ang naganap na aksidente kay Richie dahil pinapunta pa nito ang isa niyang tauhan sa ospital, hindi man lang ito nagbigay ng kaukulang ulat sa SSS.
Dahil dito, dapat lamang pagbayarin ng danyos ang kompanya, sabi ng Korte Suprema. Nararapat lamang ito dahil sa kung hindi naging pabaya ang kompanya, nakakuha sana ng benepisyo sa SSS si Richie kaugnay ng sakunang kanyang sinapit.
Inuulat ba ng inyong kompanya sa SSS ang pagkakasakit ng mga manggagawa nito? Kung hindi, alam na ninyo ang dapat gawin, mga mambabasa.
balik sa itaas | sunod |