Taon 6 • Blg 27 • Hulyo 19, 2007

Editoryal at Opinyon, Hulyo 10, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

SANA at SANA Pa

SA Hulyo 23, nakatakda ang ika-7 SONA (State of the Nation Address) ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo. Natural, mamamayagpag na naman siya sa bulwagan ng diumano’y marangal na Kongreso at buong sigabong ipapangalandakan, sa pamamagitan ng hungkag na mga retorika, ang kagilagilalas na nagawa ng kanyang rehimen para sa kaunlaran ng bansa’t sambayanan.

Tulad din ng iba pang mga SONA ng kung sinu-sinong naging Presidente ng bansa, iduruyan niya lamang sa ilusyon ng mga pangako at maambisyong mga programa ang dayukdok na sambayanan. Natural, unang-una, muli niyang itatambol at itatampok ang mahusay niya diumanong mga programa para sa pagpapaunlad sa tinagurian niyang “Super Regions” at, gayundin, ang kanyang nakahihilong pangarap na maihatid at mapabilang ang bansa – sa loob ng 20 taon – sa daigdig ng mauunlad at industriyalisadong mga bansa (First World) na wari bang, sa isang banda, mananatiling nakapagkit ang kanyang puwit sa trono ng kapangyarihan sa gayong kahabang panahon.

Batay na rin sa pahayag kamakailan ni Sekretaryo Ignacio Bunye ng Malakanyang, bibigyang-diin ni La Gloria sa kanyang walong ulit nang nirebisa’t patuloy na kinikinis na talumpati sa nakatakdang SONA ang mabulaklak na landas na tatahakin ng ekonomiya, ang pagkakaroon ng katatagang pampulitika, at pag-iral ng tunay na hustisya sosyal. Gayundin, hindi niya kalilimutang pag-ukulan ng pansin ang kapayapaan sa Mindanaw, ang puspusang pagpapaunlad sa naturang rehiyon, at ang patuloy na pakikibaka laban sa sinasabing terorismo kaugnay ng mga patakaran ni Presidente George W. Bush ng Estados Unidos laban naman sa kinababaliwan nitong pandaigdig o global na terorismo.

Tiyak, batay na rin sa reyalidad at umiiral na pambansang kalagayan, kahit kinisin pa nang kinisin ang nilalaman at pagkakasulat, mamumutiktik lamang sa malinaw na mga kontradiksiyon ang SONA ni La Gloria sa Hulyo 23. Hanggang kontrolado ng iilang pamilya ang pambansang pulitika’t ekonomiya (60 pamilya lamang ayon sa manunulat na si Stanley Karnow), at isang-ikalima (1/5) lamang ng populasyon (ayon naman kay Padre John Doherty, SJ) ang nagpapasasa sa 50% ng pambansang kita, at hindi nababago ang balintunang balangkas ng lipunan, malabong maghari sa bansa ang tunay na hustisya sosyal. Habang nakatali sa asintos ng dayuhang interes, lalo na mapandambong na dikta’t mga patakaran ng imperyalismong Amerikano – at tau-tauhan pa nga nito o kasabuwat ang pambansang liderato – suntok sa buwan na magkaroon ng pambansang industriyalisasyon at maihatid sa rurok ng kaunlaran, gaya ng mailusyong pangarap ni La Gloria, ang pambansang ekonomiya’t “matatag” niyang Republika.

Paano rin makakamit ang katatagang pampulitika kung puspusang isinusulong pa ng Estado at ng naghaharing pambansang liderato ang paninikil at pagsalaula sa sagradong mga karapatang sibil ng sambayanan at, gayundin, kung mismong ang mga ito ang unang-unang nagbabasura sa demokratikong mga proseso? Maliwanag na halimbawa ang nagdaang mga hakbang ng umiiral na rehimen (E.O. 464, CPR, Proklamasyon 1017, at iba pa). Hindi pa nga nalulutas, at patuloy pa, ang mga pagdukot at pagpatay na pampulitikang kinasasangkutan diumano ng AFP (Armed Forces of the Philippines), narito pa nga ngayon ang tiraniko’t mala-batas militar na HSA o batas kontra-terorismo na umaani na ng matinding mga pagtuligsa at sunud-sunod na mga kilos-protesta.

Sa halip na isulong nga ng Estado ang talastasang pangkapayapaan sa tropang MILF (Moro Islamic Liberation Front) at, gayundin, sa CPP-NPA, lalo pa lamang nitong pag-aalabin at palulubhain ang lahat sa pamamagitan ng patakarang ngipin sa ngipin o dahas kontra dahas. Sapagkat itinuturing nang terorista ng gobyerno ang naturang mga grupo, maliwanag na gagamitin ang HSA laban sa mga ito. “Maliwanag ang mensahe ng batas,” sabi nga ni Bunye. Tutugisin at dudurugin, binigyang-diin ng Malakanyang, ang lahat ng maaari nitong ituring na terorista batay sa napakasaklaw, ngunit napakalabo, nitong depinisyon ng terorismo kaya, sa isang banda, maaaring terorismo na rin maging ang lehitimong pagtuligsa’t paghingi ng pambansang pagbabago sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Makabuluhan tuloy hanggang ngayon, at higit na makatotohanan, ang obserbasyon noon ng yumaong Sen. Claro M. Recto na magkatulad ang kalagayan ng bansa sa kalagayan ng Cuba bago pinatalsik nina Fidel Castro ang diktadura’t masamang rehimen ni Fulgencio Batista. Ganoon din ang obserbasyon noon ni Carl Rowan (dating direktor ng US Information Agency). Ayon kay Rowan, “umiiral ang pagwawalang-bahala ng naghaharing-uri, ang pagkakaroon ng mga subersibo at gerilya sa kabundukan, ang patuloy na pag-ungol ng disgustadong mga estudyante’t intelektuwal sa mga siyudad, at napakaliit na minorya ang mahigpit na kumukontrol sa kayamanan ng bansa.” Idinagdag niyang “nagigising na ang masa sa katotohanang ito at nakikita na nila ang kasalanan ng isang oligarkiyang gumagamit ng katiwalian, at umuupa ng mga mamamatay-tao para makapanatili sa kanilang pribilehiyadong katayuan.” Kung hindi diumano magigising ang naghaharing-uri sa pangangailangan ng masang sambayanan, dagdag niya, “maaaring magkaroon ng malaking gulo sa bansa.”

Natural, at dapat nang asahan, pasisinungalingan ni La Gloria sa kanyang SONA ang umiiral na tiwali’t masamang pambansang kalagayang nakita na noon pa man nina Recto at Rowan at, tiyak, iduruyan nga niya sa rurok ng pag-asa’t mahalimuyak na kinabukasan ang dayukdok na sambayanan. Parang sirang plaka ng ponograpo, paulit-ulit nga lamang ang mga nilalaman ng SONA ngunit, sa kabilang banda, paulit-ulit ding idaraing ng mga mamamayan: SANA, SANA! – RLO.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006