Dahil sa tiwaling mga opisyal sa Immigration
OFWs patungong Korea apektado
Nadezhda Taņola
Abot sa 200 manggagawang Pilipino kada araw ang maaapektuhan sa pagkuha ng working visa sa Korea matapos itigil ng embahada nito sa Pilipinas ang pagtanggap at pagproseso ng mga visa application ng mga OFW (Overseas Filipino Worker) bilang ganti sa kawalang-aksiyon ng gobyernong Arroyo sa kanilang reklamo tungkol sa pangongotong umano ng tiwaling mga opisyal ng BI (Bureau of Immigration).
Kaugnay nito, hinamon ni Sen. Jinggoy Estrada ang administrasyong Arroyo na sibakin ang mga opisyal ng BI na sangkot sa pangongotong sa mga Koreano sa bansa. “Dapat alamin ni Pangulong Arroyo kung sino ang mga kotongerong immigration official na ito at kagyat na parusahan,” ani Estrada.
Simula Hulyo 16 ititigil ng Embahada ng Korea sa RP ang pagtanggap at pagpoproseso ng mga working visa. Karamihan sa mga Pinoy na aplikante ay mga marino at entertainer, ayon kay Estrada.
“Nakakalungkot na ang ating mga OFW ang mapaparusahan dahil sa katiwaliang ginagawa umano ng ilang opisyal ng administrasyong ito,” sabi ni Estrada, tagapangulo ng Senate Committee on Labor.
Aniya, walang kinalaman ang mga OFW sa anumang pangongotong ng mga immigration official sa mga Koreano na nasa Pilipinas.
“Matagal nang umiiral ang katiwaliang ito at inireklamo na sa ating pamahalaan, pero hanggang ngayon ay walang ginagawang aksiyon ang administrasyong ito,” sabi ni Estrada.
Samantala, nag-apela naman si Estrada sa mga opisyal ng embahada na huwag ituloy ang suspensiyon ng pagtanggap ng mga visa applications ng OFW dahil hindi naman sangkot ang mga OFW sa nasabing katiwalian.
balik sa itaas | sunod |