Petisyon ng Bayan sa Korte Suprema:
HSA ibasura
Soliman Santos / Angel Tesorero
Hiniling ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) at iba pang organisasyon at indibidwal sa Korte Suprema noong Hulyo 16 na ideklarang labag sa Konstitusyon ang HSA (Human Security Act of 2007).
Sa 89 na pahinang petisyon ng Bayan et. al, hiniling nitong ibasura ang HSA dahil ito’y malabo, masaklaw at taliwas sa Bill of Rights.
Kalakip ng petisyon ang kahilingang magpataw ng temporary restraining order sa pagpapatupad ng naturang batas.
Ayon sa mga petisyuner, malabo at masaklaw ang HSA kaya maaari itong abusuhin at malalapastangan ang karapatan ng sinumang pinaghihinalaan. Taliwas ito sa Bill of Rights at lumalabag sa tamang proseso, sa karapatang ipagpalagay na inosente, di makatwirang paghahanap at pangungumpiska at labag sa karapatang magpahayag, magsalita at magtipon.
Kabilang sa mga nagpetisyon ang Gabriela, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Movement of Concerned Citizens for Civil Liberties, Courage, Kadamay, Solidarity of Cavite Workers, LFS, Head, Anakbayan, Pamalakaya, Alliance of Concerned Teachers, Migrante at Agham.
Kabilang naman sa mga indibidwal na petisyuner sina Teofisto Guingona, National Artist Bienvendio Lumbera, Renato Constantino, Jr., Mother Mary John Manansan (OSB), Dean Consuelo Paz, Atty. Josefina Lichauco, Col. Gerry Cunanan (Ret), Carlitos Siguion-Reyna, Dr. Carolina Araullo, Renato Reyes, Jr., Danilo Ramos, Emerenciana de Jesus, Rita Baua at Rey Claro Casambre.
Pinangalanan namang respondent sina Pangulong Arroyo, Executive Secretary Eduardo Ermita, Justice Secretary Raul Gonzalez, Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo, Acting Defense Secretary at Security Adviser Norberto Gonzalez, Interior Secretary Ronaldo Puno at Finance Secretary Margarito Teves.
Samantala, isinumite kamakailan ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo ang House Bill 1113 na magpapawalang-bisa sa HSA o Republic Act 9372.
Ayon kay Ocampo, sa ilalim ng HSA, walang ipinagkaiba ang ordinaryong mga krimen sa gawaing terorista. Ituturing na isang krimen ang pagususulong sa mga paniniwalang pulitikal. Maging ang People Power ay ituturing na gawaing terorista, ani Ocampo.
Sinabi pa ni Ocampo na dahil sa malabong depinisyon ng terorismo, maaari nang ituring na terorista ang sinuman.
Tinutulan ng Bayan Muna sa HSA ang paniniktik, warrantless arrests, pagkulong sa mga pinaghihinalaang terorista nang higit pa sa nakatakda sa Saligang Batas na hindi dapat lalagpas sa tatlong araw.
balik sa itaas | sunod |