Taon 6 • Blg 27 • Hulyo 19, 2007

Kultura, Hulyo 10, 2007
Sabi Nila’y Madaling Maging Tao Ngunit Mahirap Magpakatao | tula ni E. San Juan, Jr.

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
KULTURA

Dugo ang mga titik ng pag-asa

Busabos silang sa ataul humihinga
Wasiwas ng kamao ang pamana sa mga nauulila
Sa sementeryo ng luha ng mga kinakawawa
Bumabalikwas na sigwa ang ngitngit ng masa

i.

Humihinga pa ang kaapihan
sa balintunang kairalan
naroon na sa kinabukasan
yaong kabaong ng kapalaran

Alisto ang mga anino ng paghihikahos
sa pagsahod ng mga palad sa ililimos
ang bawat iglap ng paghihirap
nasa paghihingalo ang gustong malasap

Taga-sa-bato o tadhana talaga
ang api sa kamatayan gumiginhawa
sa lipunang salapi ang makapangyarihan
yaong mga biyaya nasa kamay ng iilan lamang

Sa kulto ng mga paninda
hininga ng mga busabos ang itinitinda
murang-mura na binabarat pa
ang katauhan ng mga dukha na isinusubasta

Lalong matindi ang nasa kabila ng isang bagol
malalagim na pangitain ang anyo ng mga naparool
walang batas: walang bilangguan
kung mag-utos ang kirot ng tiyan

Humihiga ang gutom ibinubukaka ang mga hita
upang ang luha ay sumayad sa sikmura
silang iyak ang panawid-buhay pinandidirihan
ng lipunang sadyang salarin ng kahihiyan

Dahil nadadamitan ng salapi ang kawalanghiyaan
di nahihipo ng hustisya maging simbahan
ang mga salabusab sa laman
na hari ng kahayupan sapagkat ang bait nasa kayamanan

Kapit-sa-patalim ang nakaguhit sa mga palad ng wala
kaya sa hinebra ikinukumpisal ang ginagawa
sa bilangguan labas-pasok silang sunog-baga
ang lakas ng loob kapag minalas sa hulidap bulagta sila

Yaon ang panginorin ng urbanisasyon
nagsusumamo ang mga hininga sa walang awang panginoon
hikbi ang nanunuot sa isip ng mga patay-gutom
ang pagsisikap nag-uunahan sa kabaong

Habang sa mga hardin ng ginto
sa mga pinitak dinadapurak ng mga araro
yaong mga ulo na patay-pagod sa serbisyo
tulyapis ang nakasalang sa kalan ng mga kubo

ii.

Tukso mandin ang inog ng kapalaran
ngitngit ang kaniig ng kalungkutan
ang mga magkakasukob sa paghihikahos
aba (!) ang gutom tumimo sa ulong nagpupuyos

Bigkis-diwa ang mga dukhang hinahamon ang mga diyos
nagwawasiwas na mga kamao ang katwirang ayaw na sa limos
“sunog na ang tulay na binagtas ng kahirapan
patay kung patay ang aming pakikipaglaban!”

Hindi kami ipagkakanulo ng gatilyo ng aming prinsipyo
kusang mahihinog sa mga engkuwentro
ang pakikibaka ng masa ay naglalagablab na unos
bunganga ng baril ang lalagot sa tanikala ng pagkabusabos

Sa bukang-liwayway na hinuhulasan ng dugo
sisibol ang punla ng umagang bagong bago
ito ang pag-asa na hatid ng pagbabago
maluwalhating buhay ng sambayanang Pilipino

Sa sosyedad ng pag-ibig walang alipin walang amo

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006