Taon 6 • Blg 27 • Hulyo 19, 2007

SURING BALITA, Hulyo 10, 2007
Santaon mula nang sunugin ang Radyo Cagayano:
Sa abò ng lumipas, itatayo ang bukas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SURING BALITA

Terorismo
Taumbayan sa kuko ng Human Security Act
Nagkukumahog ang gobyerno sa pagpapatupad ng batas na pipigil sa “terorismo,” gayong isa-isa nang natitibag ang mga batayang tinutuntungan nito.

Magkakasunod na mosyon sa Korte Suprema at maging sa Kongreso ang inaasahang isusumite kontra sa kontrobersiyal na HSA (Human Security Act) na nagkabisa nitong Hulyo 15. Hindi pinansin ng Malakanyang ang pagtutol ng lahat ng sektor ng lipunan.

Sinasalamin ng pahayag nina Arsobispo Oscar Cruz ng Lingayen-Dagupan at Gabriela Rep. Liza Maza ang damdamin ng publiko, na ang HSA ay “napaka-teroristiko.” Ani Cruz, hindi kinakalaban ng batas ang terorismo; ito pa nga ang nagdudulot ng terorismo sa taumbayan. Sabi naman ni Maza, hindi anti-terror law ang HSA kundi terror law.

Sa kabilang banda, nagkakaisa sa pagtatanggol ang mga opisyal ng gobyerno, militar at pulisya: Bigyan natin ng pagkakataon ang batas. Wika pa nina Justice Secretary Raul Gonzalez, National Security Adviser Norberto Gonzales at Executive Secretary Eduardo Ermita: Kung hindi ka terorista, bakit ka matatakot? Kabilang ang tatlo sa bumubuo ng konseho ng gobyernong Arroyo na magpapasya kung sino ang terorista.

Sino, sino, sino ang terorista?
Ang problema, madugo ang rekord ng gobyernong ito sa pagtatakda ng kung sino ang terorista. Kaya hindi kataka-takang sa halip na mapanatag ang loob ng mga mamamayan sa pagpapatupad ng HSA – na dinisenyo umano para sugpuin ang terorismo – kabaligtaran ang nararamdaman nila.

Marami rin ang kumwestiyon sa agarang pagpapatupad ng naturang batas dahil wala pa itong IRR (Implementing Rules and Regulations). Pero sabi ni Sen. Juan Ponce Enrile, hindi kailangan ang IRR dahil kumpleto na ang batas sa sarili nitong anyo (“the law is complete by itself”). Sino raw Ponsiyo Pilato ang nagsasabing kailangan ang isa pang dokumento para ipatupad ang batas na, ayon sa batas, ay batas na nga? Matatandaang si Enrile ang isa sa mga utak at tagapagpatupad ng batas militar ni Marcos. Bilang kanang kamay ni Marcos at sekretaryo (naging ministro kalaunan) ng National Defense, ang mga arbitraryong arrest, search and seizure order na ginawa ng militar at pulisya sa panahon ng diktadura ay nakapangalan sa kanya.

Mistulang sagot sa patutsada ni Enrile ang sinabi ni Sen. Manuel Roxas: “(K)inakatalò (ng HSA) ang mga karapatang pantao dahil ang guhit sa pagitan ng kahalagahan ng pambansang seguridad at kalayaan ng tao ay maaaring hindi malinaw sa bawat tagapagpatupad ng batas… Para sa isang batas na nagpapahintulot ng wiretapping, house arrest, pagbabawal sa paglalakbay, at pagkumpiska ng mga ari-arian, ang isang kalipunan ng (Implementing Rules and Regulations) ay magtatanggol sa taumbayan laban sa abuso.”

Ina ng HSA
Ang HSA ay inianak ng “giyera kontra-terorismo” ng US, laluna nang isukdol nito ang agresyon sa Iraq. Ang tinarget ng US ay mga grupong tulad ng Al-Qaeda, na kinilala nitong responsable sa atakeng 9/11 sa US. Sa pagsasabi ng US na ang Pilipinas ang diumano’y ikalawang prente sa “giyera kontra-terorismo,” tinukoy naman nito ang Abu Sayyaf at Jemaah Islamiya, na hinihinalang may kaugnayan sa Al-Qaeda. Hindi nito ikinukubli ang pagnanais na isama sa blacklist ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army.

Dinigma ng US ang Iraq dahil nag-iimbak raw ito ng “weapons of mass destruction”–ang ultimong arsenal ng pandaigdigang terorismo. Pero naokupa na ng US ang Iraq, binitay na si Saddam Hussein–at wala ni anumang bakas ng “weapons of mass destruction” na natagpuan doon. Napatunayang kasinungalingan ang pangangatwiran sa digmaan ng US sa Iraq.

Kung terorismo at terorismo din lang ang pag-uusapan, sabi ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan), “Ang wala pang 3,000 namatay sa atakeng 9/11 sa US ay maliit kumpara sa 1.5 milyong Iraqi na pinatay ng giyerang agresyon ng US at UK sa Iraq; at kumpara sa mahigit na 650,000 sibilyang namatay sa ikalawang giyera at pananakop sa Iraq.

Natalo ang partido ni Bush sa eleksiyon sa US dahil nabatid ng mga botanteng Amerikano ang kanyang pagsisinungaling tungkol sa “giyera kontra-terorismo.” Sa ngayon, papalakas ang kilusan sa Amerika para ihinto na ang nasabing giyera, na sa totoo ay udyok ng mga monopolyo-kapitalista para kontrolin ang komersiyo ng langis sa Gitnang Silangan.

Ang “giyera kontra-terorismo” ni Bush ay gumastos na ng $611 Bilyon, at umaani ng batikos mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa isang sarbey sa US mismo, tinatayang anim sa 10 na Amerikano ang nagsasabing dapat nang pabalikin ang tropang US mula sa Iraq. Mahigit 1,000 na ang tropang Amerikanong namamatay sa Iraq.

Gayong napatunayan nang peke ang “giyera kontra-terorismo” ni Bush, largado pa rin ang pagsisikap ng gobyernong Arroyo na ipatupad ito sa Pilipinas.

Bakit?
“Paraan ng rehimeng Arroyo ang HSA upang makapanatili sa poder si Gloria sa pamamagitan ng pagsupil sa mga kritiko at katunggali. Sangkatutak mang safety net ay hindi sasapat upang gawing mabuti ang batas. Sa kamay ng rehimeng may malubhang rekord ng paglabag sa mga karapatang pantao, ang HSA ay madaling abusuhin upang magsilbi sa kampanya ng panunupil,” pahayag ng Bayan.

Ayon sa Head (Health Alliance for Democracy), ang pagbibigay ng HSA sa gobyernong Arroyo ay parang pagbibigay ng droga sa adik o kaya’y gin sa isang lasenggo. Isa umano itong preskripsiyon para sa mas marami pang paglabag sa mga karapatang pantao. Wika ni Dr. Gene Alzona Nisperos, pangkalahatang kalihim ng Head, sintomas ang HSA ng pagkaadik ng pangulo sa kapangyarihan.

Inilalarga ang HSA sa sitwasyong sunod-sunod ang supalpal ng gobyernong Arroyo sa bakbakan sa larangang legal. Nitong Hulyo 2, 2007 ay ginawang pinal ng Korte Suprema ang pagbabasura sa demadang rebelyon laban sa Batasan 6, at pinalaya si Anakpawis Rep. Crispin Beltran dahil walang batayan ang pag-aresto at pagkulong sa kanya (tunghayan ang pahina 3). Noon namang Hulyo 11, inalis ng European Court of First Instance sa listahan ng mga “terorista” si Prop. Jose Ma. Sison (Tunghayan ang pahina 10).

Kandamatay ang militar at gobyernong Arroyo sa pagsasabing “terorista” ang nabanggit na mga personalidad. Kung hindi pala, sino, kung gayon, ang terorista?

Anila
Tungkol sa Human Security Act

“Si Marcos, nagdeklara ng Proklamasyon 1081. Si Gloria, nagpakana ng HSA. Ano ang kaibhan?”—First Quarter Storm Movement

*******

“…(Umaapela kami) sa mga kinauukulan para repasuhin ang batas na ito, nang sa gayon, sa pamamagitan ng konsultasyon at pag-uusap, ay magkaroon tayo ng batas na totoong angkop sa pagsusulong ng seguridad ng bansa at sa paghahanap ng tunay na kapayapaan.” – Arsobispo Angel Lagdameo D.D., presidente, Catholic Bishops Conference of the Philippines

*******

“Ang kontradiksiyon (ng HSA) sa Bill of Rights at sa Pandaigdigang Kasunduhan sa Karapatang Sibil at Politikal ay nararapat limiin… (A)ng HSA… ay lalo lamang magsasapanganib sa usapang pangkapayapaan o tuluyang tutuldok sa kabuuang prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng (gobyerno) at NDF… Kapag nangyari ito, lulubha ang tunggalian sa loob ng bansa at mauuwi sa mas marami pang paglabag sa mga karapatang pantao at mas maraming biktima.” – Independent Observers, GRP-NDFP Peace Panels

*******

“(N)ananawagan kami sa mga mamamayang Pilipino na... labanan ang barbarikong batas... sa Korte Suprema (para) makialam at magdeklarang labag sa Konstitusyon ang batas na ito bago makapagdulot ng permanenteng pinsala.” – Health Alliance for Human Rights

*******

“Ang pinakabagong ‘gawa sa Pilipinas’... ay isang mapaniil na kasangkapang ipinadron sa walang kredibilidad na ‘Giyera kontra Terorismo’ ng rehimeng Bush. Hindi lamang ginagawang legal ng (HSA) . . . ang batas militar, inieeksport pa niya ito… Ihahasik ng (HSA) ang di-masasawatang takot at atake laban sa batayang mga karapatan ng mga mamamayang Pilipino, dito sa Pilipinas at sa ibayong-dagat.” – Connie Bragas-Regalado, tagapangulo, Migrante International

*******

 “Sa HSA, binigyan ng Estado ang sarili ng ganap na kapangyarihan na itadhana ang sasapitin ng tao sa pamamagitan ng napakalabong pagpapakahulugan sa terorismo…(I)nagawan ng Estado ang Diyos ng mga katungkulang Kanya lamang. Sa pag-aastang Diyos, nakagawa ito ng pinakamataas na anyo ng pagsusuwail.” – sulat-pastoral, National Council of Churches of the Philippines  

*******

“Para mas lalong palabuin (ang batas), ang administrasyong Arroyo ay hindi maglalabas ng Implementing Rules and Regulations, kundi ng isang polyeto.” -- Kawagib Moro Human Rights Organization, Davao City

*******

“Nasaan ang sunog? Kahit sa maliliit na bagay, naghihintay tayo ng mga panuntunan… Ano ang adyenda? Para paluguran ang mga Amerikano?” -- Atty. Rene V. Saguisag

*******

Ang bahaging pinakalabag sa Konstitusyon ay matatagpuan sa Sek. 18 (ng HSA), na nagtatakda ng ‘pagkukulong nang walang judicial warrant of arrest. Malinaw ang Article III, Sec. 2 ng Konstitusyon – ‘walang search warrant o warrant of arrest ang mailalabas liban na lamang kung may probable cause na personal na aalamin ng isang hukom.’ (A)ng Sek. 18 (ng HSA) ... ay nagpapahintulot sa Anti-Terrorism Council, na ang mga miyembro ay pawang opisyal ng Gabinete, para mag-utos (ng pang-aaresto sa mga pinaghihinalaan ng) terorismo. Kung paanong nalimutan ng Kongreso ang Bill of
Rights ay tunay na kagilagilalas….” -- Florin T. Hilbay, University of the Philippines, College of Law

*******

“(Ang batas kontra-terorismo ni Presidente Macapagal-Arroyo) ay resipi para sa di-deklaradong batas militar… Ito mismo ay isang anyo ng terorismo. -- Bicol Movement Against the “inHuman” Security Act.

*******

“Nananawagan kami sa Ika 14 na Kongreso na madaliang umaksiyon ukol sa bantang ito hindi lang sa kalayaan ng midya kundi sa mismong demokrasya, sa pamamagitan ng pagrerepaso o, mas mainam, pagbabasura sa batas na itong mas malala sa sakit na sinasabi nitong gagamutin.” – National Union of Journalists in the Philippines

*******

”(Ang HSA) ay magpapanumbalik sa kapayapaan sa kanayunan, kung saan ang turismo at komersiyo ay bihag ng demonyong disenyo ng mga terorista.” -- Press Secretary Ignacio Bunye

*******

“Sa usaping ito, hindi puwedeng gumitna at walang panigan. Hindi maaaring magsawalang-kibo gayong lubhang nanganganib ang ating batayang mga kalayaan at karapatan. Kailangang pigilin ang Human Security Act . . . Muli, hinahamon tayong tumindig at magkaisa upang ang bumabangong diktadura ay tutulan.” – Bagong Alyansang Makabayan

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006