Representante Beltran, walang atrasan
Makalipas ang 16 na buwang pagkakapiit, anti-terror law ang unang babakbakan ng militanteng lider-anakpawis.
Ina Alleco R. Silverio
Hindi man ganap na makapaniwala, lubos naman ang tuwa ni Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran isang linggo matapos makalaya sa kustodiya ng PNP-CIDG (Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group). Bunga ito ng pinal na pagbabasura ng Korte Suprema sa kasong rebelyong isinampa sa kanya noong Pebrero 25, 2006.
“Napakahirap mapiit nang walang kasalanan. At lalong napakahirap maikulong ng isang gobyernong walang pakundangan kung lumabag ng sarili nitong mga batas, o sa mga karapatang sibil o pantao. Sa loob ng halos 16 na buwan (sa piitan), walang araw na hindi ako galit sa pamahalaan,” ani Ka Bel.
Ayon sa Second Division ng Korte Suprema, walang batayan ang apela ng Office of the Solicitor General na panatilihing nakadetine si Ka Bel. Wala ring batayang ituloy ang kasong rebelyon sa Batasan 5. Naunang ibinasura ng Korte Suprema ang habla sa anim na progresibong kinatawan ng Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela noong Hunyo 1.
Buong araw ng Hulyo 10, hindi tinantanan ng mga abogado, sa pamumuno ni Atty. Romeo Capulong at ng staff ng Anakpawis, ang Makati Regional Trial Court Branch 150 at PNP-CIDG sa Kampo Crame upang makalaya si Ka Bel. Kinagabihan, bandang 9:30, maulan at makidlat, lumaya ang militanteng lider-anakpawis.
Samantala, sa harap ng Philippine Heart Center, nagtipon ang mga tagasuporta ni Ka Bel, sa pamumuno ng Anakpawis, Free Ka Bel Movement, KMU (Kilusang Mayo Uno) at mga organisasyon sa ilalim ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan), taglay ang mga plakard at istrimer. Nagpalipad sila ng mga kalapati.
“Tagumpay ito ng bayan, ng mga mamamayang Pilipino! Lalong nalalantad ang pampulitikang panunupil ng gobyernong Macapagal-Arroyo, ngunit hindi aatras ang taumbayan sa paggigiit para sa kanilang mga karapatan!” ani Cherry Clemente, pangkalahatang kalihim ng Anakpawis.
Nabigo ang mga security guard ng ospital na pigilan ang pagpasok ng mga bisita. Kabilang sa mga unang nakapasok sa silid ni Ka Bel sina Dr. Carol Araullo ng Bayan at Fr. Joe Dizon ng Kairos Philippines. Napuno ng mga miyembro ng midya ang silid. Kung noon ay bawal na bawal ang mga kamera, hindi na iyon napigil ng mga guwardiya.
Dumating din sina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, Joel Virador, at Teddy Casiño. Si Gabriela Women’s Party Rep. Liza Maza ay tumulong na iimpake ang mga gamit ng detenido at inihanda ang pulang polo at trademark na pulang baseball cap para isuot ni Ka Bel.
Masigabong palakpakan ang sumalubong kay Ka Bel paglabas niya ng elevator. Hanggang sa lobby ng ospital, nagpapalakpakan at pumapailanlang ang “Mabuhay si Ka Bel,” “Congressman Beltran, tuloy ang laban” at “We love you, Ka Bel!” Isang basket ng pulang rosas ang inihandog ng Alliance of Concerned Teachers at UP Congress of Teachers for Nationalism and Democracy sa bagong-laya.
Tumuloy si Ka Bel sa tanggapan ng KMU sa Balay Obrero sa Proj. 3. Napakainit ng salubong sa kanya. Sa kanyang pasasalamat, inisa-isa ni Ka Bel ang lahat ng nagtaguyod sa kampanya para sa kanyang paglaya, kabilang ang mga senador at kongresista, mga international solidarity group, ang Inter-Parliamentary Union, at ang buong kilusang masa.
Sa kabila ng tuwa, nagpupuyos ang damdamin ni Ka Bel sa gobyerno, laluna tungkol sa HSA (Human Security Act) o ang diumano’y batas kontra-terorismo, na ipinangako niyang agad na lalabanan.
“Kahit ano pang sabihin o ipangako ng mga tulad nina National Security Adviser at Acting Defense Secretary Norberto Gonzales, hindi tayo naniniwala na hindi gagamitin laban sa inosenteng mga sibilyan ang batas ‘kontra-terorismo.’ Walang kuwenta ang mga pangako ng gobyernong ito – lampas 850 na ang pinaslang na mga aktibista, human rights worker at mamamahayag. Kinulapulan na nga ng puna mula sa international community, hindi pa rin pinapahinto ng Malakanyang ang AFP sa madugong kampanya ng pamamaslang!”
Kaagad na isinampa ni Ka Bel sa Ika-14 na Kongreso ang House Bill 10 o ang panukalang nagpapawalang-bisa sa HSA. Nakatakda siyang dumalo sa National Consultative Summit on Extrajudicial Killings and Enforced Disappearances ng Korte Suprema sa Hulyo 16-17.
“Pakiramdam ko, napakaraming gawain ang kailangan kong habulin, laluna iyang paglaban sa ‘anti-terror law.’ Ayaw kong maranasan ng napakaraming Pilipino ang ginawa sa akin ng gobyerno. Buhay at kamatayan ang pagdedepensa natin sa mga karapatang sibil at pantao,” pagwawakas niya.
Si Inah Alleco R. Silverio ay chief-of-staff ng tanggapan ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran
balik sa itaas | sunod |