Taon 6 • Blg 26 • Hulyo 10, 2007

SPORTS , Hulyo 6, 2007
Bagong magkaribal sa PBA

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SPORTS

Tagumpay nina Condes, Donaire, hindi tsamba

HINDI tayo naniniwala sa suwerte. Nagkataon lamang na pumatak sa Hulyo 7, 2007 (7-7-07) ang petsa ng pagwawagi ng dalawang boksingerong Pinoy sa internasyunal na arena at pagkopo nila ng dalawang korona.

Madaling maipaliwanag ang tagumpay nina Florante Condes at Nonito Donaire Jr. sa magkaibang lugar – ipinakita nila ang gilas at determinasyong magwagi sa kabila ng pagmamaliit ng mga kritiko. Sila ang mas sanay, mas mahusay mas gutom na boksingero kumpara sa kanilang mga kalaban.

Hindi inasahan sina Condes at Donaire na manaig kina Muhammad Rachman at Vic Darchinyan, sa magkakasunod, dahil may magandang rekord ang kanilang mga kalaban. Gayunman, sa kabila ng kakulangan ng suporta – tulad ng mga commercial endorsement na nakikita tuwing nasasabak si Manny Pacquiao sa laban – naigpawan nila ang lahat ng hadlang para magwagi.

Sa laban nina Condes at Rachman, maagang ipinakita ng Pinoy ang pagiging agresibo sa pag-atake sa katawan at panga ni Rachman. Ikatlong round pa lamang, tumba na agad ang Indones na si Rachman, at bagamat nakatayo ay hindi na nakarekober pa. Muling tinumba ni Condes si Rachman sa round 10.

Madaling nakapagdesisyon ang mga hukom na sina Salven Lagumbay ng Pilipinas at Monto Suriyachand ng Thailand sa pumabor kay Condes sa talang 114-112 na desisyon. Ngunit hindi nakumbinsi si Muhammad Rois na pumabor sa kapwa-Indones na si Rachman sa talang 117-113.

Dahil sa tagumpay na ito, gumanda ang rekord ni Condes. Humahawak na siya ngayon ng rekord na 22-3-1 na may 20 knockout. Bumagsak naman ang rekord ni Rachman sa 61-6-5 at 31 KO.

Samantala, nakakagulat naman ang pagpapabagsak ni Donaire kay Darchinyan sa ikalimang round para makopo ang flyweight ng International Boxing Federation at International Boxing Organization sa Harbour Yard Arena sa Bridgeport, Connecticut, USA.

Dating walang talo si Darchinyan, at itinuturing na isa sa pinakamagaling na boksingero ngayon sa flyweight. Matatandaang tinalo pa niya ang kapatid ni Nonito na si Glenn Donaire na nagtamo pa ng basag na panga sa isang laban dalawang buwan na ang nakararaan.

Tumaas ang rekord ni Donaire sa 18-1 na may 11 KO, samantalang naputol naman ang 28 fight winning streak ni Darchinyan na may 22 KO.

Malinaw sa mga laban na hindi nakatsamba o sinuwerte lamang sina Donaire at Condes. Lumalabas na di hamak na mas superyor ang kanilang skills sila kaysa sa mga kalaban at determinado silang muling bigyang korona ang bansa matapos ang apat na taong tagtuyot.

Hindi tayo naniniwala sa suwerte. Pero maniwala tayo sa talento at husay nina Florante Condes at Nonito Donaire Jr. – ang dalawang pinakabagong bayani ng Pinoy Boxing.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006