Taon 6 • Blg 26 • Hulyo 10, 2007

Editoryal at Opinyon, Hulyo 6, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Maling akala

Naku, mga kumare! Nakakabahala ang dalawang kaso ng “gang rape” na magkasunod na ibinalita noong nakaraang linggo. Bukod sa parehong kabataan ang mga biktima at suspek sa dalawang kaso, nakakabahala rin ang tila maling mga konsepto ng ilang kababayan natin tungkol sa rape.

Sa kaso ng gang-rape sa Laguna, kung saan ang isang tinedyer ay ginahasa ng ilang kabataang lalaki, nakuha pa nilang kuhanan ng video sa cellphone ang ginagawa nilang kadusta-dustang krimen. Sa kabila ng ganitong malinaw na ebidensiya, ang masaklap ay ang batang babae pa ang tila sinisisi ng ilang residente dahil daw una, talagang mabarkada at layas ang bata at ikalawa, lasing siya noong naganap ang krimen.

Ganito rin ang naging negatibong pananaw ng ilang kababayan natin kay “Nicole” na ginahasa ng isang sundalong Amerikano. Mahilig daw kasing “mag-clubbing” at umiinom kaya tuloy ay nagahasa siya.

Ang ganitong kaisipan ay nagmumula sa makalumang pananaw na dalawang klase lang ang babae – ang Maria Clara at ang Magdalena. At kung mapabilang sa ikalawang kategorya ang isang babae, siya ang may kasalanan kung siya ay nabastos o nabiktima ng karahasan. Dahil ito sa kanyang pananamit, pagkilos o gawi.

Sa totoo lang, sino ba naman ang gugustuhing maging biktima ng karahasan? Sa kahit anong sitwasyon, kahit sinuman ang biktima, ang dapat sisihin at dapat managot ay ang gumawa ng krimen. Isa pa, mas maraming kaso ng seksuwal na karahasan ang nagaganap sa sariling tahanan at ang mga gumagawa ng karahasan ay kamag-anak, kaibigan o kakilala ng biktima. Marami rin sa mga biktima ay inosenteng mga batang babae. Ito ay dahil ang sekswal na pang-aabuso ay nagaganap dahil sa mababang pagtingin sa kababaihan at bata, na ang turing sa kanila sa kalakhan ay pagmamay-ari o “property”. Tila ba walang pinag-iba sa radyo na kung gusto mong ibalibag o ipahiram sa iba o ibenta ay maaari.

Sa kaso naman sa Batangas, ang ikinasasama ng loob ng biktima at ng kanyang pamilya ay ang pagpapalaya ng piskal sa mga suspek dahil sa walang warrant of arrest. Maaari lamang daw ang warrantless arrest kung ang mga pulis ang siyang mismong nakasaksi ng krimen. Ayon naman sa mga pulis, agad nag-ulat sa pulisya ang biktima kasama ang kanyang pamilya matapos ang krimen noong gabing iyon. Kinaumagahan nila naaresto ang mga suspek.

Kung tutuusin, hindi kailangang palayain ang mga suspek dahil sa teknikalidad. Halimbawang may isang taong na-hold-up at agad niya itong iniulat sa pulis kaya’t nahuli ang suspek. Ibig sabihin ba nito maaaring pakawalan ang suspek dahil hindi nakita mismo ng pulis ang krimen? Usapin naman dito ang tinatawag na “sensitivity” ng judiciary system sa kaso ng seksuwal na pang-aabuso.

Nakakalungkot ang mga pangyayaring ito lalo na’t gang-rape ng kabataang babae ang krimen. Ang “maling mga pananaw” sa karahasan laban sa kababaihan at ang kawalan ng “sensitivity” sa paghahawak ng ganitong mga kaso ay hindi nakakatulong sa mga biktima ng karahasan. Mabuti na nga’t may lakas ng loob ang mga biktima na isuplong agad sa kinauukulan ang naganap. Ang hindi pananahimik ay malaking hakbang para sa biktima, sa partikular, at para sa paglaban sa karahasan sa kababaihan. Ngunit ang ganitong mga maling kaisipan ang nagsisilbing balakid na nakaka-discourage sa mga biktima.

Kaya, mga mare, mahaba pa ang lalakbayin natin sa paglaban sa karahasan sa kababaihan at bata. Kailangan nating simulan ito sa tuluy-tuloy na pagmumulat tungkol sa karahasan sa kababaihan sa mga pamilya at komunidad natin.
Babae, OFWs, Bata at Bayan... Tuloy ang Laban!

nauna | balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006