| Teroristang bansag at kapayapaan
Pinakakalma ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang midya at madla. Hindi naman daw gagawin sa sinuman ang wiretapping, pagmamanman, pag-arestong walang mandamyento at pag-ipit ng mga deposito sa bangko – ilan lang sa malulupit na hakbangin ng bagong batas kontra-terorismo, alyas Human Security Act – maliban kung “terorista” ka. Nakakatawa ito. Malabo sa batas kung sino ang “terorista.” At ang mga katulad ni G. Gonzalez at iba pang maka-kanan at militarista sa Anti-Terrorism Council ang maglilinaw kung sino ang terorista at sino ang hindi. Lalong nakakakaba.
Ngayon pa lang, atat na ang rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo na gamitin ang batas kontra-terorismo para gawing ilegal ang CPP o Communist Party of the Philippines (naging legal ito nang ibasura ang Batas Kontra-Subersiyon) at ipataw ang pananagutan ng terorismo sa armadong hukbo nito, ang NPA (New People’s Army).
Nagwawala si National Security Adviser Norberto Gonzales. Tagumpay raw kasi ang “komunistang propaganda” na ibunton ang sisi sa walang humpay na extrajudicial na pamamaslang sa militar at buong rehimeng Arroyo. Sabik niyang tinatanaw ang pagpapatupad ng HSA; nagpaparinig pang gagamitin iyon para durugin hindi lang ang mga komunista at NPA kundi pati ang diumano’y prenteng mga organisasyon at baseng masa nila – ibig sabihi’y mga lider, miyembro at tagasuporta ng legal na kilusang pambansa-demokratiko gaya ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) at alyadong mga organisasyon nito.
Para kay Gng. Arroyo at sa malapit niyang grupo ng mga sagad-sagaring antikomunista, nakakubling pasista at burukratang hayok sa kapangyarihan, hulog ng langit ang “giyera kontra-terorismo” ng US. Nagkamit ng dalawang magkaugnay na layunin ang walang pasubaling taguyod dito ni Gng. Arroyo: (1) pagpapanatili ng suporta ng US sa kanyang namemeligrong rehimen; at (2) pagbibigay-katwiran sa pampulitikang panunupil at mga atakeng militar sa kanyang mga kritiko, laluna sa Kaliwa, sa ngalan ng “kontra-terorismo.”
Itinulak nang husto ni Gng. Arroyo at ng kanyang mga heneral at tagapayong sagad-sagaring kontra-Kaliwa, tulad nina Fr. Romeo Intengan SJ at Norberto Gonzales, ang batas kontra-terorismo para pasayahin ang kanyang mga amo sa US; at para magkaroon ng malakas na instrumentong legal na magagamit kasama ng patakarang “todo-giyera” sa CPP-NPA, extrajudicial na pamamaslang sa di-armadong mga aktibista, at sa pagbahura sa usapang pangkapayapaan sa malapad na pormasyong NDF (National Democratic Front).
Maraming dapat tuligsain at labanan sa sinasabing batas kontra-terorismo. Pero may isang bagay na madalas makaligtaan: ang epekto nito sa mga pagsisikap na resolbahin ang ilang-dekada-nang armadong labanan sa bansa, partikular ang prospek ng muling pagsisimula ng halos-gumuho nang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDF.
Ginamit ng rehimeng Arroyo, sa pakikipagsabwatan sa gobyernong Bush, ang pagtukoy sa CPP-NPA bilang “dayuhang teroristang organisasyon” at kay Jose Ma. Sison – tagapangulong tagapagtatag ng CPP at punong pampulitikang konsultant ng NDF – bilang “terorista” para ipresyur ang NDF na sumuko. Nagbanta ang gobyerno sa NDF ng pinakamasasahol na epekto ng pagkakabansag na “terorista” kung hindi ito sasang-ayon sa isang tigil-putukang walang taning at “pinal na kasunduang pangkapayapaan” na idinikta ng gobyerno.
Limang taon matapos, malayo pa rin ang gobyerno sa layuning pasukuin ang CPP-NPA at iba pang rebolusyonaryong organisasyon ng NDF sa pamamagitan ng bansag na “terorista.” Ang totoo, ang pag-iilegalisa sa CPP-NPA ang permanenteng magpapahinto sa usapang pangkapayapaan, ayon kay G. Sison.
Sa isang press statement noong Hulyo 3, sinabi ni G. Sison na “Nilinaw na ng NDFP ang makatarungan at makatwiran nitong posisyon: Handa itong muling simulan ang pormal na negosasyon hinggil sa natitira pang mga isyu sa adyendang substantibo (mga repormang sosyo-ekonomiko at pampulitika) kung ang panimulang pag-uusap ay makapagluluwal ng pormal at nakasulat na kasunduan tungkol sa ilang usaping prejudicial – katulad ng tuluy-tuloy na paglabag sa mga karapatang pantao ng rehimen, pagpaslang at pagdukot sa mga tauhan at konsultant ng NDFP, paglilista sa CPP, NPA at NDFP bilang “terorista” ng dayuhang mga gobyerno at pagbibigay ng bayad-pinsala sa mga biktima ng paglabag sa mga karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Marcos.”
Sinabi rin ng NDFP na handa itong pumaloob sa isang kasunduan sa tigil-putukan sa ilalim ng panukala nitong 10-puntong “Concise Agreement for an Immediate Just Peace.” Tinanggihan nito ang anumang tigil-putukan, gayunman, “na lantarang lumalabag o bumabangga sa umiiral na mga kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP; sa makabayan at demokratikong mga prinsipyo ng NDFP; at sa kahilingan ng sambayanan para sa pagpapatupad ng mga repormang sosyo-ekonomiko at pampulitika para lutasin ang mga ugat ng armadong labanan.”
Lumalabas na grabeng miskalkulasyon ang paggamit ni Gng. Arroyo sa pagbansag ng US, European Union at iba pa kay G. Sison bilang terorista. Napapatunayang rurok ng pampulitikang kamangmangan ang paniniwalang tatalab ang gayong maruming taktika sa isang rebolusyonaryong kilusang nakaalpas at lumakas pa nga sa kabila ng pinakamasahol na puwedeng gawin ng pasistang diktadurang Marcos.
Isang trahedya ang pag-aaksaya ng oras ang rehimeng Arroyo at pangwawaldas nito sa mga naipundar sa negosasyong pangkapayapaan dahil sa ilehitimong pagsisikap na manatili sa kapangyarihan. Ang totoo, matapos ang limang taong paggamit ng “kontra-terorismo” para ipresyur ang NDF, lumayo pang lalo ang gobyeno sa pagkakamit ng isang kasunduang maaaring magluwal ng kapayapaang tunay na makatarungan at pangmatagalan.
Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 6-7 Hulyo 2007
nauna | balik
sa itaas | sunod |