Taon 6 • Blg 26 • Hulyo 10, 2007

Editoryal at Opinyon, Hulyo 6, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG LANSANGANALAM NYO BA MGA MARE

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Pamamahayag sa panahon ng Human Security Act

Sa aking pagbabasa ng 35-pahinang Republic Act No. 9372 (Human Security Act of 2007) na nakatakdang ipatupad ng administrasyong Macapagal-Arroyo, lumalabas na babaguhin nito ang konsepto ng pamamahayag sa Pilipinas.

Totoo namang nakasaad sa Seksiyon 7 ng Human Security Act (HSA) na “surveillance, interception and recording of communications between…journalists and their sources…shall not be authorized.”

Pero napakalawak ng depinisyon ng terorismo at lumalabas na kahit sino ay maaaring mabansagang terorista. Basahin natin ang buong probisyon ng Seksiyon 17 (Proscription of Terrorist Organizations, Associations, or Group of Persons): “Any organization, association, or group of persons organized for the purpose of engaging in terrorism, or which, although not organized for that purpose, actually uses the acts to terrorize mentioned in this Act or to sow and create a condition of widespread and extraordinary fear and panic among the populace in order to coerce the government to give in to an unlawful demand shall, upon application of the Department of Justice before a competent Regional Trial Court, with due notice and opportunity to be heard given to the organization, association, or group of persons concerned, be declared as a terrorist and outlawed organization, association, or group of persons by the said Regional Trial Court.”

Ano ba itong kondisyon ng malawakan at hindi-karaniwang takot at kaguluhan sa bahagi ng mga mamamayan para pilitin ang gobyernong pumayag sa isang ilegal na panawagan? Sa konteksto ng pamamahayag, hindi ba’t may posibilidad na mangamba ang mga mamamayan dahil sa ating ibinabalita, lalo na’t ito ay may kinalaman sa pulitika? Ibig sabihin ba nito’y dapat na piliin na natin ang ating ibabalita kung sakaling ipatupad na ang HSA?

Dapat nating tandaang tungkulin ng mamamahayag na isiwalat ang katotohanan. Walang sinumang maaaring magdikta sa mga mamamahayag kung ano ang dapat na ibalita. May mga prinsipyo at pamantayang nagsisilbing batayan sa pagsusulat ng balita at pagtatakda kung ano ang dapat na bigyan ng kaukulang espasyo at oras sa ere.

Hindi nakasaad sa mga prinsipyo at pamantayang ito ang pangangailangang huwag takutin ang mga mamamayan o huwag ibalita ang tinaguriang ilegal na panawagan. Ang nakasaad lang sa etika sa pamamahayag (journalism ethics) ay isaalang-alang, halimbawa, ang kapakanan ng mga babaeng ginahasa at mga batang sangkot o biktima ng krimen. Kailangan ding maging sensitibo ang mga mamamahayag sa partikular na mga kultura’t paniniwala ng mga taong kinakapanayam at kailangang isulat ang balita sa paraang hindi sila iniinsulto.

Lumalabas na ang HSA ay may layuning magtakda ng isa pang elemento sa pagbabalita at ikompromiso ang etika sa pamamahayag. Sa panahon ng HSA, wala nang lugar para sa balitang naghahatid lang ng “takot at kaguluhan” sa mata ng mga nasa kapangyarihan. Ang ilegal na mga panawagan ng mga organisasyon at indibidwal ay hindi na rin dapat bigyan ng espasyo at oras sa ere.

Tinaguriang pantaong seguridad ang nasabing batas na malapit nang ipatupad. Pero malinaw namang ito ay para lang sa seguridad ng iilang desperadong kumapit sa kapangyarihan, kahit na nakokompromiso na nila ang kalayaan sa pamamahayag, bukod pa sa ibang kalayaan at karapatan ng mga mamamayan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006