| Ang batas tungkol sa welga: hamon sa manggagawa
Ang maglunsad ng welga at iba pang uri ng sama-samang pagkilos ay isa sa pinakamahalagang karapatan ng mga manggagawa. Ngunit maraming rekisitos ang hinihingi ng batas bago natin maisagawa ang karapatang ito. Ang hindi pagtupad sa mga ito, ayon sa batas, ay mangangahulugang ilegal ang welga. Ganito ang nangyari sa mga manggagawa sa kasong “Pilipino Telephone Corporation vs. Pilipino Telephone Employees Association, et. al.”, G.R. No. 160058 na dinesisyunan ng Korte Suprema nito lamang Hunyo 22, 2007.
Sa nasabing kaso, nagkaroon ng deadlock sa negosasyon kaugnay ng CBA ang unyon at ang kompanya. Nagsampa ng notice of strike ang unyon dahil umano sa pakikialam ng manedsment sa karapatang mag-organisa. Agad namang nagbaba ng assumption of jurisdiction ang Secretary of Labor. Hindi natuloy ang balak ng unyon ngunit makalipas ang tatlong linggo, naghain ito ng pangalawang notice of strike dahil sa hindi pagbigay ng kompanya ng mga union dues at sa ginawa nitong pag-promote sa mga kasapi ng unyon sa panahon ng negosasyon. Ayon sa unyon, ito ay malinaw na union busting.
Noong araw ding ibinigay niya ang kanyang notice of strike ay ipinutok na ng unyon ang kanyang welga. Agad namang naglabas ang Secretary of Labor ng return to work order.
Pagkatanggap nito ng unyon, tumalima naman ito at bumalik sa trabaho ang mga kasapi nito.
Nagsampa ng kasong illegal strike ang kompanya laban sa mga unyonista sa tanggapan ng Labor Arbiter. Nakumbinsi naman ang huli at naglabas ito ng desisyon na ilegal nga ang welga. Dahil sa ito ay ilegal, lahat ng opisyal ng unyon ay idineklara ng Labor Arbiter na tanggal sa kanilang trabaho. Para sa ordinaryong mga kasapi naman, inutos niyang parusahan sila ng anim na buwan na suspensyon sa trabaho.
Nag-apela ang mga manggagawa sa National Labor Relations Commission ngunit hindi nabago ang desisyon. Iniakyat nito ang kaso sa Court of Appeals at naawa ang nasabing husgado. Binabaan nito sa anim na buwang suspensiyon ang parusa sa mga opisyal ng unyon imbes na pagkatanggal sa trabaho.
Hindi ito matanggap ng kompanya kaya’t iniakyat nito ang kaso sa Korte Suprema. Ang tanong na dapat sagutin ay ganito: Legal ba ang isinagawang welga ng mga manggagawa? Kung ito ay hindi legal, tama ba ang Court of Appeals sa ginawa nitong pagbaliktad sa hatol ng NLRC at pagpapababa sa parusa ng mga lider ng unyon?
Nakakalungkot ngunit pumanig na naman ang Korte Suprema sa posisyon ng manedsment.
Ayon sa Artikulo 263 ng Labor Code, may mga prosesong dapat sundin ang mga manggagawa bago sila makapagwelga nang legal. Una, dapat ay mayrong notice of strike na ibinigay sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) tungkol sa planong welga. Pangalawa, dapat palipasin muna ang cooling-off period bago iputok ang welga. Kung ang welga ay dahil sa unfair labor practice, 15 araw ang cooling-off period na ito mula sa paghahain ng notice of strike, at kung dahil naman sa bargaining deadlock, ay 30 araw. Pangatlo, dapat ay magsagawa ng strike balloting kung saan mayorya sa mga kasapi ng unyon ang papayag sa welga. Obligasyon ng unyon na abisuhan ang NCMB tungkol sa nakatakdang strike balloting 24 oras bago ito gawin. At panghuli, dapat ipaalam sa NCMB ang resulta ng strike vote. Pitong araw pagkatapos na maipaalam ito sa NCMB, saka pa lamang maaaring makapagwelga ang mga manggagawa. Ang tawag sa panghuling rekisitos na ito ay seven-day strike ban.
Nakakalula, mga kasama, pero ito ang sinasabi ng ating Labor Code, paliwanag ng Korte Suprema. Kailangan ang mahigpit na pagtupad sa prosesong ito. At dahil ipinutok ng unyon ang kanilang welga sa araw din ng kanilang paghahain ng notice of strike, malinaw na hindi sila nakasunod sa seven-day strike ban. Dahil dito, ilegal ang kanilang welga.
Ngunit hindi lamang ito ang sanhi kung bakit ilegal ang welga, dagdag ng Korte Suprema. Kailangan ding may sapat na batayan ang welga. Sinasabi ng unyon na nakabatay ito sa unfair labor practice dahil sa ginawang promosyon ng kanyang mga kasapi sa panahon ng negosasyon sa CBA. Ngunit napansin ng Korte Suprema na hindi nagreklamo o tumanggi sa promosyon ang mga kasaping ito. Dahil dito, hindi natin masasabing nagkasala ng unfair labor practice ang kompanya. Sa madaling sabi, walang sapat na batayan ang welga.
At dahil sa ilegal ang welga, dapat lamang na managot ang mga pinuno nito, sabi ng Korte Suprema. Ang mga pinuno ng unyon ay may mas malaking pananagutan kaysa karaniwang mga kasapi lamang. Bunga nito, tama lamang na sila’y hatulan ng pagkatanggal sa trabaho. Ibinalik ng Korte Suprema ang naunang hatol sa mga pinuno ng unyon at ibinaliktad ang desisyon ng Court of Appeals.
Ang mahigpit na pagpapatupad ba ng Korte Suprema sa batas tungkol sa welga ay nangangahulugang dapat nang iwanan ng mga manggagawa ang pinakamabisang armas na ito?
Ang mga manggagawa ay malikhain. Kaya nilang igpawan ang limitasyon ng batas basta’t solido at matibay lamang ang kanilang pagkakaisa. Isipin natin na ang welga ay usapin ng pahabaan ng pisi. Hindi man panig sa manggagawa ang batas sa usaping ito, kung maigsi at mahina naman ang pisi ng kompanya, tiyak na una itong bibigay.
Sa madaling sabi, ang puwersa ng bawat panig ang higit na mapagpasya sa usapin ng welga, hindi ang batas ng lipunan. Sa manggagawa man nakakiling ang batas, kung kulang sa konsolidasyon at pagkakaisa ang unyon, masasayang lang ang mga batas na ito. Ganoon din sa panig ng kompanya. Sa kanya man nakakiling ang batas, kung mas matibay ang pagkakaisa ng mga manggagawa, hindi niya magagamit ang lamang niyang ito.
Ang tanong ngayon: matibay at konsolidado ba ang inyong mga unyon? Ang sagot ay nasa inyong mga kamay.
balik sa itaas | sunod |